MAHAROT at nakakaindak ang tugtuging pumapailanlang sa disco bar na iyon kung saan naroon si Roni. Kasama niya ang dalawang kaibigan niya na kanina pa siya niyayayang magsayaw.
"Roni, kanina pa tayo nakaupo rito. Let's dance," sabi ni Jelai na nasa tabi niya.
"Oo nga, eh. Sinasayang natin ang oras. Ang dami ko nang nakitang cutie-pie dito." Nakatutok ang mga mata ni Missy sa dance floor na mula pa kanina ay siksikan ang mga nagsasayaw.
"Kayo na lang muna. Wala ako sa mood ngayon," aniya. Sumimsim siya sa hawak na kopita.
"Eh, bakit ka pa nagpunta dito?" reaksiyon ni Missy.
"Sinabi ko naman sa inyo kanina na tinatamad akong lumabas. Pinilit n'yo pa ako."
Wala talaga siyang ganang gumimik nang gabing iyon. Tinawagan siya ni Jelai at nagyaya itong lumabas silang tatlo. Tumanggi siya pero nagpumilit itong sumama siya kaya sa huli ay nagbago ang isip niya. Naisip niyang kung magmumukmok lang siya sa bahay nila ay siguradong maiinip at malulungkot lang siya.
Dapat kasi ay sanay na siya na tila lagi siyang nag-iisa kahit na maraming katulong na nagsisilbi sa kanya sa loob ng napakalaking bahay nila.Kung siya lang ang masusunod, gusto niyang kumuha ng sariling condo unit para doon na tumira. Pero mahigpit iyong tinutulan ng kanyang amang si Charlie Salcedo. Disiotso anyos siya nang una niyang ipagpaalam iyon dito pero hanggang sa kasalukuyan ay hindi nagbabago ang pagtutol nito.
Bakit gusto pa raw niyang lumipat ng tirahan gayong napakalaki ng bahay nila? Sino pa raw ang titira doon gayong dalawa nalang silang pamilya?
Matagal nang patay ang mommy niya. Inatake ito sa puso noong tatlong taong gulang siya na naging dahilan ng maagang pagpanaw nito. Nag-iisa lang siyang anak kaya ibinuhos ng daddy niya ang pagmamahal at atensyon sa kanya.
Pero ang atensiyong iyon ay unti-inting nabawasan habang lumalaki siya. Naging kaagaw niya sa panahon nito ang mga negosyo nito. Madalas na nasa business trip ito sa labas ng bansa. Bihirang-bihira silang magkita dahil kung umuwi man ito ay hindi rin ito nagtatagal at magbibiyahe ring muli.
Kaya gusto na niyang magsarili. Hindi niya gusto ang pakiramdam na oo nga at napapaligiran siya ng mga mamahalin at magagandang bahay pero malungkot naman siya ay hindi ma-appreciate ang mga iyon.
Inagaw ni Jelai ang hawak niya. "Girl, hindi tayo pumunta rito para magpakalasing."
"I don't plan on getting drunk," depensa niya. "Pangalawang order ko pa lang iyan."
"May problema ka ba?" concerned na tanong nito. "About Basti?"
Gusto niyang paikutin ang mga mata sa pag-aalalang nakita sa anyo nito. Mukhang iniisip nitong apektado siya sa naging breakup nila ni Basti, ang pinakahuling naging boyfriend niya. More than a week na mula nang makipaghiwalay siya sa lalaki.
Ang akala ng mga kaibigan niya, kaya siya nakipag-break kay Basti dahil nahuli niya ang pambababae nito. Playboy si Basti, palibhasa ay anak-mayaman at magandang lalaki. Kaibigan ito ng kuya ni Missy na nakilala niya nang dumalo siya sa wedding anniversary ng mga magulang ng kaibigan.
Attracted din siya kay Basti kaya nang manligaw ito ay sinagot niya. Pero mahigit tatlong buwan pa lamang siya ay tinabangan na siya sa relasyon nila, bukod pa sa kaalamang kahit na magnobyo sila ay may mga babaeng lumalapit dito na ine-entertain pa rin nito.
"Ano nama'ng kinalaman niya rito?" tanong niya.
"Napapansin kasi namin na may nagbago sa iyo," sabi ni Missy. "Parang wala kang sigla nitong mga nakaraang araw. So we thought na baka dahil iyon sa ex mong luku-luko."
"Iniisip ninyong depressed ako dahil sa kanya?" Napasimangot siya sa ekspresyon ng mga ito. "Gusto ninyong pag-umpugin ko kayo?"
"Tingnan mo, nagiging bayolente ka na."
BINABASA MO ANG
Wanted to be your Man
RomanceUnang beses pa lang na nakita ni Roni si Borj ay hindi na naalis ito sa isip niya. Naging madalas ang pagkikita nila at naging malapit sila sa isa't isa. Ramdam niya, she was falling for him already. At tila ganoon din ito sa kanya kahit walang bina...