"AKALA ko ba, ang mga babae ay conscious sa figure nila?"
Napatigil si Roni sa pagpunit ng foil ng chocolate bar na kinakain niya. "Sinabi ko ba na pansinin mo ako sa pagkain ko? Hindi mo pa tapos sagutin ang mga tanong ko kaya huwag mong ibahin ang usapan," aniya, tinaasan ng isang kilay si Tonsy sa naging komento nito.
Nakabalik na ito mula sa Singapore. Pero dalawang araw pagkaraan niyon lang niya nalaman na nasa Pilipinas na ito. Ni hindi man lang ito tumawag para ipaalam iyon sa kanya. Siguro ay dahil ayaw nitong komprontahin agad niya ito tungkol sa nalalaman nito tungkol sa kanila ng kakambal nito.
Pero hindi niya alam kung bakit nang pumunta ito nang hapong iyon sa bahay nila ay kasama nito ang mga magulang at si Borj.
Pagkakita sa kanya ni Tonsy ay agad na siya nitong hinila papunta sa garden, bitbit ang malaking bag ng mga pasalubong nito sa kanya.
Hindi siya tumutol dahil mas mabuting doon sila mag-usap nang silang dalawa lang at walang ibang makakarinig.Bago sila tuluyang lumabas sa living room ay nahuli pa niya ang makahulugang sulyap ni Borj sa kanila. Tila gusto sila nitong pigilan, lalo na nang makita nitong hawak ni Tonsy ang kamay niya.
"Ang sungit mo naman. Hindi ka pa nga nagpapasalamat sa akin sa mga ibinigay ko sa iyo," ani Tonsy na kumuha ng chocolate na nasa kandungan niya.
"Kulang pa ang mga ito sa laki ng atraso mo sa akin, no."
"Ako pa ang may atraso?" gulat na tanong nito.
"Tinulungan na nga kita sa pinoproblema mo.""Gusto mo pala ako tulungan, bakit hindi mo pa nilubos-lubos? Bakit hindi mo agad sinabi sa akin noong una pa lang ang mga nalalaman mo? May pasekre-sekreto ka pa."
"Kasi naman." Nilunok muna nito ang nginunguyang tsokolate. "Ayaw mong ipagtapat sa akin ang tungkol sa relasyon ninyo ni Borj."
"Sinabi ba niya sa iyo ang lahat?"
Umiling ito. "Pareho kayong ayaw magsalita."
"Paano mo nalaman?" Mataman niya itong tiningnan.
"Ako pa?" mayabang na wika nito. "Walang nakakaligtas sa mga matatalas kong mata. Panay kaya ang sulyapan ninyo sa isa't isa. At hindi iyon ordinaryong sulyap, kundi malalagkit at nakakaintrigang sulyap."
"Huwag mo nga akong niloloko."
"Oo nga. Halata ko sa kilos ninyo. Noong una kong mapansin iyon ay nagtaka ako sa inyo. Para kasing ilang kayo sa isa't isa gayong wala namang dahilan para maramdaman ninyo iyon dahil pagkakaalam ko noong una ay hindi kayo magkakilala. Kapag magkasama tayo, nahuhuli ko siyang masama ang tingin sa atin. Saka hinalikan ka niya sa party ni Papa."
"It was only a kiss on the cheeks!" depensa niya.
"Lagi siyang nagtatanong sa akin tungkol sa iyo, which gave me the impression that he is interested in you. Tapos, nagtutugma ang mga kuwento ninyo. Minsan niyang nabanggit sa akin na may i-d-in-ate siyang 'Roni' ang pangalan. When you two were introduced to each other that night, bumalik iyon sa isip ko. Kaya nga kinulit kita tungkol doon sa dahilan ng pag-iyak mo dahil gusto kong makasiguro. And I ended up with the conclusion that the two of you had a relationship."
"Excuse me, hindi kami nagkaroon ng relasyon ng kakambal mo," kaila niya.
"Siguro nga," pagsang-ayon nito. "Dahil naunsyami iyon nang maghinala ka sa kanya."
"At hindi mo agad sinabi sa akin iyon. Talagang ginusto mong ako mismo ang makadiskubre ng katangahan ko."
"Para may suspense." Nginisihan siya nito. "Chance na rin iyon para magkasama kayo. Ayaw mo pa?"
BINABASA MO ANG
Wanted to be your Man
RomanceUnang beses pa lang na nakita ni Roni si Borj ay hindi na naalis ito sa isip niya. Naging madalas ang pagkikita nila at naging malapit sila sa isa't isa. Ramdam niya, she was falling for him already. At tila ganoon din ito sa kanya kahit walang bina...