GUSTONG-GUSTO na ni Roni na matapos ang sandaling iyon. Kung puwede nga lang ay sininghalan na niya ang babaeng kumukuha ng body measurements niya na binilisan nito ang ginagawa.
Hindi siya nasisiyahan sa kanyang nakikita. Magkatabi sa couch sina Borj at Jane habang tumitingin ng mga designs ng wedding gown. Pero duda siya kung doon nga interesado si Jane. Kulang na lang ay kumandong ito kay Borj sa sobrang lapit nito sa binata.
She smirked. Hanga rin siya sa tigas ng mukha ni Jane para magboluntaryong samahan sila sa kilala nitong sikat na designer. Hindi niya alam kung kailan pinag-usapan iyon ni Borj at ng babae. Nadatnan na nila roon si Jane sa pagtataka niya. Buong pagmamalaki nitong sinabi na pumayag si Borj na doon magpagawa ng gown niya dahil sa rekomendasyon nito.
Hindi niya alam kung bakit mukhang nakarecover na ito sa sobrang shock at disappointment na ikakasal na sa ibang babae ang lalaking pinagpapantasyahan nito. Nakangiti pa nga itong nakipagbeso sa kanya na tila wala nangyaring patutsadahan sa pagitan nila.
Nakita niyang tumayo si Borj. Lumabas ito ng silid na iyon kung nasaan ang fitting room.
Lumapit sa kanya si Jane. Nakahalukipkip na tiningnan nito ang pagsusukat sa kanya. "Talagang pinagkagastusan ni Borj ang kasal ninyo," komento nito nang silang dalawa na lamang ang naiwan doon.
Dalawa ang gown na gagamitin niya. Si Borj ang nagsabing kukuha sila ng isa pang gown na ipapalit niya para sa kanilang reception. Masyado kasing marami ang detalye ng unang isusuot niya. Hindi man nito sinabi, iniilusyon niyang nag-aalala ito na baka mahirapan siya sa pagkilos sa pag-eestima sa mga bisita kung iyon pa rin ang suot niya.
Hindi niya pinansin si Jane. Akmang hahakbang siya palayo rito nang pigilan siya nito sa braso.
"Pero huwag mong iisipin na por que ikakasal kayo ay magiging maligaya ka na," nang-uuyam na sabi nito.
Pinilit niyang kumawala pero idiniin pa nito ang mahahabang kuko sa balat niya. "Hindi pa ko tapos."
Napipikang humugot siya ng hininga.
"Borj explained to me everything. He's marrying you only because his parents are pressuring him to do so. Kayo pala ni Tonsy ang dapat na ikakasal."
Maang na napatitig siya rito.
"Pero nag back-out ang kapatid niya sa kasunduan ng mga parents ninyo kaya siya naman ang kinausap nina Tito Geraldo. Hindi daw kasi nila kakayanin ang kahihiyan kapag walang naganap na kasal sa pagitan ng isang Salcedo at isang Rodriguez. Nagawa ni Borj na isakripisyo ang sarili niya para hindi tuluyang magalit ang magulang nila kay Tonsy at hindi mapahiya sa daddy mo."
"Alam kong may gusto ka kay Borj, kitang-kita ko sa kilos mo kaya huwag mo nang ikaila. I can't blame you because my Borj is really a man of every girl's dream." Binigyang diin nito ang huling pangungusap.
"Pero dapat alam mong darating ang araw at magigising ka rin sa panaginip mo. Ang realidad na iyon ang sasabihin ko sa iyo ngayon. Kahit na matali sa iyo si Borj, hindi garantiya iyon na nanalo ka na."
Nagtatagis ang mga bagang na binaklas niya ang pagkakahawak nito sa kanya. Nang magawa iyon ay siya naman ang hindi bumitaw sa galang nito. Mas mariin ang paglapat ng mga daliri niya sa balat nito. Bahagya niya iyong ipinilipit sa pagdagsa ng galit sa kanyang dibdib. "Sino ang nagsabing nakikipag kompetensiya ako? Sa tulad mo?" Nang iinsultong hinagod niya ito ng tingin. "Wala akong pakialam sa mga walang kuwentang sinasabi mo. Sa iyo na rin galing, ako ang pakakasalan ni Borj. Kung anuman ang napag-usapan ninyo, sarilinin mo na lang iyon. Mamatay ka sa inggit dahil kahit kailan, hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong makalapit sa kanya!" Patulak niyang binitiwan ito.
BINABASA MO ANG
Wanted to be your Man
Roman d'amourUnang beses pa lang na nakita ni Roni si Borj ay hindi na naalis ito sa isip niya. Naging madalas ang pagkikita nila at naging malapit sila sa isa't isa. Ramdam niya, she was falling for him already. At tila ganoon din ito sa kanya kahit walang bina...