Chapter 8

559 45 5
                                    

"HINDI ka pa ba nakakapag-decide kung gusto mong magpakasal tayo?"
Maang na napatingin si Roni kay Tonsy. Maluwang ang ngiti nito na ginantihan niya ng irap.

"Huwag mo nga akong buwisitin," sabi niya rito.

"Ano ba ang nakakabuwisit sa tanong ko?"

"Pumunta ka na lang doon sa construction site. Magbuhat ka ng mga hollow blocks at baka isisi sa akin ng kakambal mo na nandito ka na naman."

"Pinapalayas mo na naman ba ako?" Umakma itong hihiwa ng piraso mula sa cake na inilapag niya nang mabilis niya iyong iniiwas sa hawak nitong tinidor.

"Oo."

"Itinatanong ko lang naman ang plano mo," anito.

"Ang init agad ng ulo mo." Inabot nito ang cake at kumuha roon. "The best ka talagang mag-bake," anito na eksaherado pang nagbuntong-hininga pagkatapos lunukin ang isinubong choco frosted cake.

Pinagmasdan niya ang maganang pagsubo nito habang binabantayan ang nakasalang na carrot cake sa oven.

Nag-request daw si Mama Chat na ipag-bake niya ito nang maikuwento rito ni Tonsy kung gaano siya kasarap mag-bake.

"Ang takaw mo talaga," aniya nang makitang nangangalahati na nito ang cake na kasya sa tatlong tao.

"Sarap, eh." Nag-thumbs-up pa ito. "Hahanap-hanapin ko ito kapag may boyfriend ka na."

Tumaas ang isang kilay niya.

"Ayaw mo naman akong sagutin, ayaw mo siguro talaga sa akin. Sayang lang ang panliligaw ko."

"Huwag mo nga akong dramahan. Saka hindi naman ligaw ang tawag sa ginawa mo, ano ang nakakapanghinayang doon? Wala man lang ka-effort-effort."

"Sa tingin ko kasi kahit maglumuhod pa ako sa pamimintuho sa iyo, hindi na mabubuksan ang puso mo sa akin dahil pag-aari na iyan ng iba."

Napamulagat siya sa sinabi nito. "Pamimintuho? I never expected that word coming from you. Kahit gaano ka pa kaguwapo, hindi bagay sa iyo ang maging makata." She tried to crack a joke.

Pero tuluyan nang nawala ang mapaglarong ngiti sa mga labi nito.

"Hinihintay kong i-share mo sa akin ang problema mo dahil pakiramdam ko ay itinuturing mo akong kaibigan. Binasa mo pa nga 'yong favorite shirt ko noong imiyak ka."

"You are talking nonsense," pag-iwas niya.

"Alam ko, tungkol sa problema sa puso iyon."

Hindi siya umimik.

"Sige na, para uupakan ko kung sinuman 'yong lalaking nagpaiyak sa iyo."

"Tsismoso ka rin pala."

"Sige ka, pag hindi mo sh-in-are sa akin iyan, hindi kita tutulungan para hindi na matuloy ang kasal natin."

"Para namang matutuloy nga iyon."

"Hindi ako aalis dito hangga't hindi mo sinasabi."

"Bakit ba ang kulit mo," nauubusan na ng pasensiya na tanong niya. Pero mas matigas pa ito sa kanya kaya sumusukong ikinuwento niya rito ang gusto nitong malaman.

"Are you sure about that?"

Iyon ang namutawi sa mga labi ni Tonsy pagkatapos niyang ilahad ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Borj. Pero siyempre, hindi niya binanggit ang pangalan ng kapatid nito, pati na rin ang nangyari sa kanila sa hotel.

Mataman itong nakinig sa kuwento niya. Nakita niya ang simpatya sa mukha nito nang makita ang lungkot niya bago napalitan ng pagsasalubong ng kilay nang sabihin niya ang dahilan kung bakit galit siya sa lalaking hindi niya pinangalanan.

Wanted to be your ManTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon