Kabanata 1

954 153 118
                                    

Asya's POV

Umuungol. Ungol ng paghihinagpis mula sa anumang sakit na lumalatay sa buong katawan nito. Isang babaeng nakatalikod na panay ang iyak. Iyak ng kalungkutan. Iyak ng isang ina para sa kanyang lubos na minamahal na anak. Anak na walang bahid ng saya at kakikitaan ng walang buhay.

Bigla akong nakaramdam ng isang malamig na hangin. Hangin na kailan ma'y hindi ko mahagkan o mayakap man lang. Palakas na palakas ang mga boses na sadyang nakakapanhina sa aking mga tuhod. Pinilit kong igalaw ang aking mga paa at ilibot ang aking paningin sa kabila ng aking takot.

Napakadilim. Nakakatakot. Kahit walang liwanag, matutunghayan pa rin ang isang baryo na puno ng mga mapapait na alaala, takot, pangamba at ligalig. Mga sira-sirang bahay dahil sa isang dambuhalang sunog na kumain ng sandamakmak na buhay. Itim na putik at walang kabuhay-buhay na mga puno't halaman ang naghahari. Mayroon mga taong walang buhay na nagkalat sa buong lugar. Animo'y isang isla ng mga patay.

Dahan-dahan akong naglakad. Hindi alam kung saan patutungo pero sa kadahilanan na gusto kong damayan ang babaeng nakaputi habang karga-karga ang anak nito sa kanyang nanginginig na mga bisig kaya pinili kong ihakbang ang mga paa handang lapitan ito. Pilit ko man silang abutin ngunit habang lumalapit, sila man ay lumalayo. Sa kabila ng takot ko, awa ang nangingibabaw sa aking kaibuturan. Gusto ko siyang tulungan. Marahil nag-iisa na lamang siya. Walang karamay. Walang kamay na aabot sa kanya. Nag-iisa sa dilim habang dala-dala ang kapaitan ng buhay.

Subalit ang mga boses ay nagsitigil kasabay nang pagkawala ng iyak ng mistoryosong babae. Tumigil ako sa paglalakad. Inoobserbahan ang galaw nito. Ganoon na lamang ang aking takot nang bigla itong tumawa. Tawa na hindi busilak kundi tawa ng isang nangugutya. Nakakabaliw. Nakakatakot. Tawa nang tawa na para bang wala na sa kanyang sarili. Tawa na nakakapangilabot lalo na at ito'y nangingibabaw sa buong kadiliman na pumupuno sa naturang lugar.

Umatras ang aking kanang paa, dahan-dahan hinahabol ang aking buhol-buhol at nahihirapan paghinga, inihahanda ang sarili, handang tumakbo kung anuman ang mangyayari.

Biglang tumayo ang misteryosong babae. Nakasuot ito ng isang puting bestida na hanggang tuhod nito. Punong-puno ng dugo na hindi ko mawari kung kani-kanino. Isa lang ang alam ko, hindi ako ligtas sa taong nasa harapan ko na unti-unti nang humaharap sa akin.

Pula. Pulang-pula. Puno ang kanyang mga mata ng galit o halo-halong emosyon na hindi ko maintindihan. Habang nakayuko nang bahagya ang kanyang ulo, matatagpuan mo ang mga matang pulang-pula na nakatitig nang matalim sa akin na pakiramdam ko ay sinasakal ako.

Hindi ako makahinga.

Nanginginig na ang aking katawan. Punong-puno na ng pawis at luha. Luha ng takot.

Kung kanina'y ang hirap niyang abutin ngunit ngayon ay palapit na sa harapan ko. Sa isang kisap mata, napakabilis, na para bang hindi man lamang naglakad at umabot lang sa isang segundo.
Pinipilit kong tumalikod dahil nais kong tumakbo ngunit parang yelo sa tigas ang aking katawan ni hindi ko maigalaw ang isa sa aking mga daliri.

Muli kong tinuon ang aking paningin sa harap at sana ay hindi ko na lang ginawa. Isang pagkakamali na pumapatay sa aking kabuuan dahil sa isang pulang mata na nakatitig na nang diretso sa aking mga luhaang mata. Kumurba ang kanyang mga labi na bumuo ng isang nakakakilabot na ngisi. Ayoko man tingnan subalit parang hinihigop niya ang aking naiiwan lakas.

Lila. Lilang balat na may maputlang mukha. Mahabang buhok na mas lalo pang nakadagdag sa init na aking nararadaman - init ng isang apoy. Pakiramdam ko'y nasusunog ang aking balat. Bagamat hindi niya pa ako nahahawakan ngunit sa kanyang mga ibinabatong titig ang siyang sumasakal nang napakahigpit sa aking leeg.

Ilang hakbang na lang, makakalapat na ang kanyang tigang na balat sa aking nanginginig na balat habang paliit nang paliit ang espasyo sa pagitan namin.

Hindi ako makagalaw pati ang aking sigaw na gustong kumawala sa aking malat na labi ay sadyang hindi ko na mahanap. Pagod na pagod na ako. Gusto kong magising sa bangungot na ito. Ayoko pang mamatay. Ayokong mamatay ng dahil sa babaeng ito.

Isang bagay na lang ang aking naiisip, ang magdasal.

Wala man kasiguraduhan kung ako ba ay didinggin ngunit ito na lang ang aking nag-iisang pag-asa. Pag-asa na mailigtas ako sa kamay ng kamatayan.

"Diyos ko! Ako'y iyong tulungan. Narito iyong abang lingkod na lubos na nagmamakaawang ako ay sagipin sa galit ng impyerno. Bigyan niyo pa ako ng isang pagkakataon. Pagkakataon pang mabuhay. At buong-buo kong iaalay ang aking hiram na buhay sa iyo lamang," tahimik kong dasal na sana'y pagbigyan.

Biglang bumagal ang lahat. Bumagal ang kanyang paglapit sa akin na aking lubos na ipinapasalamat. Naririnig ko na rin ang nahihirapan kong paghinga. Hindi ko man mawari kung ano ang nangyayari, basta ang alam ko, unti-unti nang bumibigay ang mga talukap ng aking mga mata.

Malabo na ang aking nakikita. Mga imaheng biglang nagsama-sama. Mga boses ng lalaki't babae na tila nahihirapan ay umalingawngaw sa aking pandinig, ang sakit pakinggan! Bago man ako pumikit, sumigaw ang mistoryosong babae na dinig na dinig ko't nakapagpalito ng tuluyan sa aking isipan.

"Hindi!! Hindi ka makakaalis sa galit ko. Hindi pa tayo tapos!!" puno ng galit at alipusta ang winika nito.

Dilim. Kinain na ako ng dilim.

Itutuloy...

Pitong Oras (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon