Kabanata 7

663 110 70
                                    

Asya's POV

Nahihilo ako marahil masyadong malakas ang pagkakatilapon ko. Nabitawan ko rin ang bolang kristal. Pinilit kong palinawin ang aking paningin. Tumingin ako sa gilid ko nang may sumigaw sa aking pangalan.

"Asya!" 

Boses ni Marco. Hinding-hindi ako magkakamali dahil boses iyon ng lalaking gustong-gusto kong makasama. Ang totoo, nagugustuhan ko na siya.

"Marco," tawag ko sa pangalan nito.

Bago man ako makalapit kay Marco ay may malakas na puwersang humila sa akin na nakapadikit sa aking sa isang malamig na sahig. Mayroon akong naaaninag na isang madreng nakaluhod malapit sa paanan ko habang may inuusal itong panalangin. Pinilit kong tumayo pero parang may taling hindi ko naman nakikita na nakagapos sa aking mga kamay at paa. Mahigpit masyado. Nilingon ko ang aking paligid. Marami ng madreng nakapalibot sa akin at lumuluhod nang sabay-sabay. Nasa loob ako ng malapad na parisukat kung saan nakapaloob ang mga tatsulok na nagbabanggaan. Doon ako nakahiga.

Hinanap ng aking mga mata si Marco. Nasaan siya?

"Marco, tulungan mo ako!" sigaw ko.

Tila nasusunog na ang aking balat. Sobrang init na animo'y niluluto ako. Nagpupumiglas ako, pinipilit kumawala sa tanikalang ito. Nakita ko ang aking bolang kristal na nasa kaliwang bahagi mula sa akin.

Napansin ko rin ang isang pigurang nakatingin sa akin. Sisigaw na sana ako nang makilala ko siya ngunit napahinto ako dahil sa mensahe na kanyang ibinigay. Inilagay niya lang naman ang kanyang isang daliri sa kanyang bibig senyales na kailangan kong manahimik.

Tumitig ako sa kanyang mga mata. Alam kong hindi niya ako iiwan. Alam ko dahil natutunghayan ko mismo sa kanyang mga matang puno ng pag-alala sa akin.

Iniwaksi ko muna ang anumang nasa isipan ko, mas inilaan ko ng lakas ang aking kamay para abutin ang bolang kristal ko. Kaunti na lamang ay maaabot ko na.

"Ah!!" sigaw ko. Ang sakit ng buong katawan ko. Sobrang sakit dahil sa init na nararamdaman ko na unti-unting nakakapanghina sa buo kong kaibuturan. May mga luhang nakatakas na sa aking mga mata, tanda na ako'y labis na nasasaktan.

Pinilit ko pa rin iunat ang aking kamay upang maabot ang bolang kristal dahil kailangan kong makuha ito.

Patuloy pa rin ang pag-usal ng mga madre ng maraming dasal. May lumuluhod at may nakatingala habang nakataas ang mga kamay na para bang may sinasambang diyos.

Napansin ko sa aking peripheral vision, ang dahan-dahan paggapang ni Marco papunta sa akin hanggang sa maramdaman ko ang mga palad nito na mahigpit na humawak sa akin. Unti-unti niyang nilapit ang kanyang sarili sa akin.

Inilagay niya ang aking bolang kristal sa nakagapos kong kamay at ganoon na lamang ang aking pagkamangha na biglang naputol ang taling hindi nakikita na gumapos sa aking mga kamay maging sa aking mga paa. Niyakap niya ako nang mahigpit habang pareho naming hawak ang aming mga bolang kristal.

Nagkadikit ang aming mga balat na siyang dahilan kung bakit biglang tumibok nang napakabilis ang aking puso. Ngayon, alam ko na ang dahilan. Hindi pala sa pagod kakatakbo o kaba dahil sa takot kundi ang mabilis na tibok ng aking puso ay senyales na ako'y nagkakagusto sa isang lalaki. Tama, hulog na ako. Hulog na hulog na.

Hindi ko alam ang plano ni Marco pero alam ko na hindi ako mabibigo. Hindi ako siguradong makakaligtas kami. Hindi ko namalayan ipinagdikit na ni Marco ang aking bola sa kanyang bolang kristal. May ginawa pa ito na hindi ko na nabigyan pa ng pansin.

Dahil heto't nakatingin ako sa kanya. Tinatandaan ang bawat hulma at sulok ng kanyang mukha. Kahit man lang sa huling sandali ay maranasan ko kung ano ang pakiramdam ng matagal ko ng gustong maranasan kaya wala na akong inaksayang oras, agad kong nilapat ang aking labi sa kanyang mapupulang labi. Natigilan ito marahil nagulat sa aking ginawa. Ilang segundo bago ko inihiwalay ang aking labi sa kanya.

Pitong Oras (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon