Kabanata 14

786 96 128
                                    

Asya's POV

"Si Maricar."

"Hindi ko maintindihan Marco. Ano naman ang kaugnayan ko sa babae mo?!"

Nasasaktan ako. Ito ang mailalarawan ko ngayon kung ano ang nararamdaman ko. Hindi ko rin alam kung bakit nagseselos ako sa babaeng mahal niya. 'Di na talaga ako nadala. Kahit kailan naman walang lalaking nagseryoso sa akin ni wala nga akong matinong manliligaw.

"Nagkasakit siya. Isang malubhang sakit. Hindi namin malaman kung ano ang dahilan ni ang mga doktor ay hindi rin maintindihan."

"O tapos? Ano naman ngayon?" mapait kong sagot.

"Sampung minuto at apat na pu't limang segundo," boses ng lalaking may lilang talukbong.

Biglang naghiyawan ang mga nanonood tila nasisiyahan sa sinabi ng huli. Para bang natutuwa sila na mauubusan kami ng oras.

"Hindi na importante na malaman pa niya," baling ni Marco sa harapan.

"Ano ang hindi ko dapat malaman huh? Marco?"

Bigla akong nakaramdam na parang may isang nilalang na bumubulong sa akin. Natitigan ko ito ng ilang sandali. Nakatalukbong din ito ng itim habang may bitbit na isang sanggol na mukhang matanda ngunit hindi katulad ng nasa harapan, mas nakikita ko ang maputlang mukha nito.

"Alamin mo. Dapat mong malaman ang dapat mong malaman," bulong nito at tila nanunulsol sa akin.

Nabaling ang aking atensyon sa nakaitim din na talukbong na nasa harapan nang magsalita ito.

"Alam mo na hindi ako papayag na wala man lamang akong makukuha?"

"Alam ko," sagot ni Marco.

"Teka nga, ano ba ang pinag-uusapan niyo?" singit ko.

"Sige tanungin mo siya, alamin mo nang malaman mo kung paano ka niya nililinlang. Paano ka niya niloloko umpisa pa lamang," sabi ng bumubulong sa akin.

"Marco" may diin kong pagtawag sa kanyang pangalan.

"Pitong minuto at labing-dalawang segundo," ang may lilang talukbong ulit.

Muling naghiyawan sa tuwa ang mga nanonood. Titigil lamang ito kapag itinataas ng nakaitim na talukbong na nasa gitna ang kamay nito tanda na pinatatahimik ang mga kakaibang nilalang.

"Ayokong saktan ka Asya."

"Ngunit sinasaktan mo na ako ngayon. Pakiramdam ko ay wala kang tiwala sa akin."

"Handa kong ibigay ang aking búhay sa inyo kapalit ng búhay ni Asya," baling nito sa tatlong malalaking tao sa harapan na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maaninag ang mga mukha.

"Ano ba ang sinasabi mo Marco?" tanong ko habang mataas na ang aking tono.

Kinakabahan ako. Naguguluhan sa nangyayari.

"Dahil sa kanya kung bakit ka nandito. Dahil sa kanya bakit ka nalalagay sa panganib. Magalit ka dahil karapatan mong magalit. Sisihin mo siya," bulong na naman nito.

"Ano ba ang sinasabi ng lalaking ito Marco? Bakit ikaw raw ang dahilan kung bakit ako nandito?"

"Limang minuto at apat na pu't anim na segundo," anunsyo ng may lilang talukbong.

"Buo na ang aking desisyon. Hayaan niyong makabalik si Asya."

"At sa tingin mo ay papayag ako, lalaki? Ang kasunduan ay kasunduan. Búhay ng babaeng buháy kapalit ng búhay ng babaeng patáy."

"Anong kasunduan? Anong búhay?" balik kong tanong sa huli.

"Búhay mo kapalit ng búhay ng kanyang yumaong kasintahan."

Pitong Oras (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon