Kabanata 2

835 152 186
                                    

Asya's POV

Tunog ng pagbukas ng pintuan ang nakapagpabalik sa aking isip sa kasalukuyan. Isang babaeng morena na nasa edad apat napung taon o pataas ang pumasok sa loob ng kwarto, dala-dala ang isang basong may malinaw na tubig. Magaan ang aking loob sa kanya lalo na't natutunghayan ko ang isang tunay at matamis na ngiti na nagmumula sa kanya. Lumundo ang kamang kinauupuan ko tanda na tumabi siya sa akin habang nakatingin sa akin ang mga mata nitong puno ng pag-alala at pagmamahal.

"Anak, heto ang tubig. Uminom ka nang maging maayos ang pakiramdam mo," alok ng babae sa kanya.

Nabaling ang aking paningin sa basong tubig na iniaalok niya. Tubig. Tama tubig. Kailangan ko ng tubig. Dahil uhaw na uhaw ako na hindi ko maintindihan kung bakit.

Agad kong ininom ang tubig. Napakasarap. Nakakapresko sa lalamunan na para bang ilang taon akong hindi nakainom ng tubig. Halos wala akong itinira para lang mabigyan tugon ang aking uhaw na pakiramdam.

"Asya, anak. Ok ka na ba? Meron ka pa bang ibang gusto?" tanong nito.

Nabaling ang aking paningin sa kanya. Sadyang inoobserbahan ko ang hulma ng kanyang mukha. Mga matang kulay tsokolate, matangos na ilong, maliit na labi, at makinis na mukha. Napakagandang likha!

"Okay lang po ako mama. Huwag po kayong mag-alala," sagot ko sa kanya.

"Mabuti naman kung ganoon. Pero anak, 'di ba sinabi na namin sa iyo na bawas-bawasan mo ang panonood ng mga horror movies, kung maaari nga na itigil mo na ang panonood o pagbabasa ng kung anu-anong nakakatakot. Tingnan mo ngayon, binangungot ka na naman. Paano kung wala ako kanina, paano kung wala kang kasama? Sino ang gigising sa 'yo?" pagsusumamo nito.

"Mama, nagugutom na ako," pag-iiba ko ng usapan.

"Hayan, iniiba mo na naman ang usapan. Hay, ano pa ba ang magagawa ko, sige na mag-ayos ka na lang ng sarili nang makababa ka na. Ipaghahanda na kita ng almusal mo," wika ni mama bago ito lumabas ng kwarto.

Tama naman si mama. Mahilig akong manood ng mga nakakatakot na pelikula dagdagan pa ang pagkahilig ko sa pagbabasa ng mga nakakatakot na babasahin pero noon iyon. Hindi ko lang masabi kina mama at sa kapatid ko na itinigil ko na ang panonood at pagbabasa. Matagal na. Baka magdadalawang buwan na.

Pero heto paminsan-minsan nanaginip pa rin. Oo minsan. Hindi katulad noon na palagi.

Natatakot kasi ako na baka mag-alala sina mama at ang kapatid ko kapag nalaman nila na binabangungot pa rin ako kahit hindi na ako nanonood o nagbabasa ng mga kababalaghan. Hindi ko rin maintindihan ang nangyayari sakin.

Isa pa, hindi ko rin naaalala ang mga napapanaginipan ko. Kaya natatakot akong matulog ng mag-isa kaya mula noon, magkasama na kami ng kapatid kong babae na matulog sa iisang kwarto.

Ang aking kapatid, wala na naman. Siguradong maaga itong umalis dahil na rin sa trabaho nito, isa itong teacher o guro sa hayskul. Palagi siyang maagang umaalis at minsan gabi na kung umuwi. Nakakatawa nga eh, ako ang panganay pero ako ang walang trabaho hanggang ngayon. Pero ang nakakabata kong kapatid after graduation, pinag-aagawan. Magna cumlaude na, take 1 passer pa.

Pakatapos kong ayusin ang aking sarili, bumaba na ako't kumain na ng aking almusal. Kahit kailan busog na busog ako hindi lang sa literal na pagkain kundi busog pati sa pagmamahal. Ang swerte ko nga kasi mayroon akong ina na mapag-aruga kahit wala pa akong trabaho. Hindi naman sa bobo ako o tamad kaya wala pa rin akong maayos na trabaho. May mga bagay kasi na gusto mo pero hindi mo naman makukuha. Sadyang marami lang ang magagaling na aplikante kaysa sa akin. Pero 'di bale, hindi ako susuko. Sabi nga nila, kapag may tiyaga, may nilaga.

"Asya, mag-iingat ka. Alam mo naman sa panahon ngayon ang mga tao na ang nakakatakot. Tumawag ka lang kung may kailangan ka," bilin ni mama sa akin.

Pitong Oras (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon