Kabanata 13

634 93 63
                                    

Asya's POV

"Ah!" mahina kong daing sa sakit na nararamdaman ko.

Pagod ang aking katawan na animo'y tumakbo ng napakahabang kalsada.

Iminulat ko ang aking mga mata. Bagamat malabo pa ang aking paningin, meron akong naaaninag na parang may umaamoy sa akin hanggang sa unti-unti na ring lumilinaw ang aking paningin.

Isang kabayo. Ang mukha niya ay isang kabayo ngunit mayroon itong katawan na para sa isang tao. Isang kalahating kabayo at kalahating tao.

Lumayo ako rito at biglang tumayo. Nakahiga kasi ako habang inaamoy ng dalawang malaking kabayo. Marahil sa puting kulay ng mga katawan nito kaya hindi sila nakakatakot pagmasdan. Inihakbang ko ang aking mga paa upang makalayo ngunit lumalapit ang mga ito sa akin na tila gusto akong amuyin muli. Binilisan ko na lamang ang aking lakad na naging takbo hanggang sa tumigil at pinagmasdan lamang ako ng mga ito habang tumatakbo palayo sa kanila.

Kanina hindi ko masyadong naoobserbahan ang buong paligid. Ngayon habang tumatakbo ako, napapansin ko ang kakaibang liwanag na pumapalibot sa buong lugar. Liwanag na nagmumula sa isang apoy dahil wala akong makitang buwan, araw o mga bituin man lang, para itong isang malaking pugon.

Hindi maganda ang pakiramdam ko sa lugar na ito. Mas mabigat kumpara sa aking naramdaman sa mga naunang misyon. Ibang-iba. Mainit ang hangin na ibinibigay ng naturang lugar pero hindi ko alam kung nasaan ako.

Habang tumatakbo ako, may nakita akong basket sa may gilid ng isang malalaking umpok na mga bato. Bigla akong nakarinig ng isang iyak ng sanggol. Nilingon ko ang buong paligid para hanapin ang naririnig kong iyak. Napadako ang aking paningin doon sa basket dahil parang doon nagmumula ang iyak. Nilapitan ko ito nang dahan-dahan. Nag-iingat lamang baka kung ano ang nasa loob nito.

May puting tela ang nakapatong sa basket na siyang una kong nakita nang nakalapit ako rito. Inunat ko ang aking kamay upang tanggalin ang harang. Ganoon na lang ang aking pagtataka bakit may kyut na sanggol dito. Isang inosenteng sanggol. Nahahalina ako sa kanyang mga mata, tila hinihigop ang aking kaluluwa. Napakagandang bata. Bigla itong ngumiti sa akin - isang ngiti ng anghel.

Nang plano ko siyang kargahin, bigla itong nangingisay-ngisay na para bang nakukuryente. Nag-alala ako ngunit wala akong magawa kaya tinitingnan ko na lamang ito.

Masyadong mabilis ang lahat dahil bigla itong lumundag sa aking gilid. Nakaupo at nakatalikod ito mula sa akin. Wala itong damit, kundi isa lamang diaper o sapin sa kanyang pambaba. Kaba ang bumabalot sa akin ngayon ngunit nilabanan ko ito na nag-uumpisa nang sumibol sa aking puso.

Hahawakan ko sana ang sanggol na nakaupo't nakatalikod mula sa akin kaso ganoon na lamang ang aking takot nang biglang umikot nang dahan-dahan ang kanyang ulo at ngumisi ito na para bang tinutuya ako. Humahagikgik na rin ito.

Wala na akong pinalampas pa na oras, ginawa ko ang lahat para tumakbo palayo mula sa tiyanak na ito ngunit bago man ako makalayo, nasa unahan ko na agad ang tiyanak. Kitang-kita ko kung paano ito lumukso o lumundag nang napakataas patungo sa unahan ko. Humahagikgik na naman ito. Nawala ng tuluyan ang mala-anghel nitong mukha dahil napalitan ng napakapangit na mukha. Naglalakad na ito papalapit sa akin. Akala mo ay isang matandang lalaki kung maglakad. Mayabang. Hindi isang lakad ng isang sanggol kundi lakad ng isang hambog ni hindi rin mapatid-patid ang mga ngisi nito.

Paatras na paatras ako. Hinanap ko agad ang bolang kristal ngunit nawawala ito ni isang bulsa sa suot kong puting bestida ay wala rin.

Lalo tuloy akong kinabahan. Wala na ang natitira kong pag-asa na makalayo sa tiyanak na ito.

Naagaw ang aking atensyon sa isa pang kakaibang nilalang na gumagapang. Isang kalahating tao at kalahating ahas na dahan-dahan na ring kinakain ang puwang mula sa akin hanggang sa kanya. Malaki ito kumpara sa ahas na nakita ko buong buhay. Malaking-malaki ito. Mahaba at mataba. Ang kanyang mukha ay isang babae at berde naman ang kulay ng kanyang mahabang buhok. Buhok na siyang tumatakip sa kahubaran nito. Gumagapang ito nang mabagal. Nakatitig nang seryoso sa akin.

Pitong Oras (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon