Kabanata 9

637 103 65
                                    

Asya's POV

Nakalutang ako sa isang napakadilim na lugar at hindi ko masyadong nagagalaw ang aking mga paa't kamay. Pakatapos nang paghila sa akin pababa ng hindi lang isang kamay kundi marami na hindi ko mabilang. Hindi ko na rin naramdaman ang presensya ni Marco.

Ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang biglang lumindol. Umiikot at yumugyog ang buong paligid. Nakakahilo na para bang umuga o umalog ang aking utak maging ang aking sikmura kaya gusto kong sumuka ngunit hindi ko maibuka ang aking bibig.

Pakatapos ng lindol, naramdaman ko muli ang malalamig na mga kamay na humahaplos sa aking nanginginig na balat. Gaya ng aking inaasahan, hinila na naman ako pababa nang walang ingat.

"Aray!" sabi ko sabay tapik sa aking puwet dahil sa pagsalampak ko sa isang sementong sahig.

May tunog akong naririnig. Tunog ng isang patak ng tubig. May tumutulong tubig patungo sa isang metal na bagay kung saan ito ang dahilan kung bakit nakakalikha ng ingay sa ibabaw ng katahimikan namamayani sa sandaling ito.

Makalipas ng halos sampung segundo.

"Asya!" sigaw ni Marco. Kitang-kita ko kung paano siya nahulog mula sa itaas hanggang sa parehong sahig kung saan ako nahulog kanina. Ibinaling ko ang aking tingin sa taas kung saan siya nagmula ngunit isa na lamang itong patag na sementong bubong. Umaasang makakakita ng kahit anong portal o lagusan.

"Asya, ok ka lang ba?" tanong nito. Hindi ko namalayan na nasa harapan ko na siya.

Bigla ko siyang niyakap tanda ng labis na kasiyahan na makita siyang muli.

"Asya, papatayin mo ba ako?"

Ops. Napahigpit ko yata ang aking yakap.

Agad naman akong lumayo sa kanya. "Pasensya na Marco. Masaya lang ako na makita kang muli."

Ngumiti ito sa akin. "Gustuhin ko man yakapin ka nang matagal ngunit kailangan na natin kumilos. Hindi natin alam kung ilang oras tayo nagkahiwalay."

"Tama ka Marco," pag-sang ayon ko.

Malapad ang daanan na aming tinatahak ngayon. Mabuti na lang may mga ilaw na nakadikit sa dingding ng gusaling ito na nagbibigay ng liwanag sa madilim na pasilyong ito. Hindi namin maaninag masyado ang buong lugar dahil maliit lamang na liwanag ang kayang ibigay ng mga bombilyang nakadikit sa dingding ngunit kahit papaano ay sapat na ito na hindi kami mahirapan o hindi mangapa sa dilim.

Natigilan at nagtinginan kami ni Marco sa isa't isa dahil mayroong dalawang pasilyo ang nasa harapan namin ngayon. Isa sa kaliwa. Isa sa kanan. Hindi namin alam kung saan kami o alin sa dalawang daan ang aming tatahakin. Wala na kaming inaksayang oras pa kaya pinili namin tahakin ang kanang bahagi. Mayroon kasi itong ilaw sa kisame na tumatanglaw sa mahabang pasilyo kahit patay sindi ito at aandap-andap, mas mabuti na ito kumpara sa kaliwang bahagi kung saan walang bakas ng liwanag ang makikita.

Isang oras: apat na minuto: sampung segundo

Inumpisahan na naming lakbayin ang daang pinili namin. Napakatahimik. Mas nakakatakot pala ang sobrang tahimik. Nakakabingi. Nakakakaba. Hindi mo alam na baka may nag-hihintay sa iyo. Nag-aabang.

Mas nakadagdag din sa aking takot ang mga ilaw na patay sindi. May bahagi ng pasilyo na walang ilaw at may bahaging may ilaw nga, patay sindi naman. Binilisan na lang namin ang paglalakad.

May naririnig kaming mga ingay. Ingay ng mga aparatus at kagamitang metal na para bang nagbabanggaan, mayroon parang nag-uusap, at may sumisigaw. May naririnig din kaming hinihilang isang lalagyan na may apat na gulong sa baba at may mga mabibilis na mga paa senyales na may naglalakad at nagtatakbo. Nilukob ulit ako ng takot sa aking buong kaibuturan dahil sa mga naririnig namin.

Pitong Oras (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon