Chapter 1

65.7K 870 23
                                    


IBINABA ng isang school bus ang isang walong taong gulang na batang babae. Nagtaka siya kung bakit maraming mga taong nakatayo sa tabing bakod at nakasilip sa kanilang bahay, at nang makita siya ng mga ito ay nagbulungan.

Hindi niya mawari ang kabang biglang naramdaman. Bagaman may kabigatan ang bitbit na school bag ay sinikap niyang mapabilis ang lakad.

Nakita niyang may dalawang nakaputing lalaking lumabas sa kanilang pintuan. Buhat ng mga ito ang isang stretcher.

Iniwan niya ang bag sa driveway at patakbong sinalubong ang mga ito. Sinulyapan niya ang laman ng stretcher na natatakpan ng puting kumot. Bago pa may nagawa ang dalawang attendant ay naalis na niya ang kumot at natambad ang duguang lalaking nasa stretcher.

Parang napasong binitiwan niya ang kumot.

Ang nakahiga ay ang Tito Ramon niya! Iyon ang tawag niya sa lalaking malimit bisita ng mama niya pag nasa destino ang kanyang papa.

Patakbo siyang pumanhik sa itaas ng bahay nila. Sa sitting room ay naroon ang papa niya. May kausap itong dalawang pulis.

Naisip niya, bakit naroon ang kanyang papa? Hindi ba't nasa destino ito at sa isang linggo pa dapat ang uwi?

"Papa!" Patakbo siyang lumapit sa ama na noon lang siya napansin.

Mabilis siyang sinalubong ni Fernan at niyakap.

"Papa, bakit ang daming tao sa labas ng bahay natin? Bakit may mga pulis? Ano ang nangyari kay Tito Ramon?" sunod-sunod na tanong niya.

Hindi sumagot si Fernan, bagkus ay hinigpitan ang yakap sa kanya. Mula sa kinalalagyan nila ay natanaw niya ang nakabukas na silid ng mga magulang. Naroon ang mama niya na nakabalabal ng kumot at kinakausap ng isa pang pulis. Nakayuko lang itong nakaupo sa gilid ng kama.

Muli niyang tiningnan ang kanyang papa. May luha ang mga mata nito.

Ang sumunod na namalayan niya ay ang pagdating ng kanyang Ninong Lauro at Ninang Adela. Sandaling kinausap ni Fernan ang mga ito. Pagkatapos ay binalingan siya ng ama.

"Sweetheart, doon ka muna sa mga Ninong Lauro at Ninang Adela mo, ha? May aasikasuhin lang ang Papa," gumagaralgal ang boses nitong sabi sa kanya.

"Saan ka pupunta, Pa? Huwag ka nang umalis."

Sinulyapan niya ang kanyang ina. Nagagalit ito pag malambing siya sa kanyang papa. Kung sabagay ay lagi namang galit ang mama niya sa kanya.

"Halika na, Katherine. Pag naayos na ng papa mo ang aasikasuhin niya ay kukunin ka niya sa bahay," anang Ninang Adela niya na hinawakan ang kanyang kamay.

Nakita niya nang sapuhin ng papa niya ng dalawang kamay ang ulo nito.

Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon