HINDI napilit ni Emilio si Katherine na muling dumaan sa tulay. Napilitan silang maglakad ng malayo hanggang sa makarating sila sa bahaging madaling panhikin.
Dumaan muna sila sa bahay ng binata upang magpalit ng tuyong damit. Pinagminindal muna sila ng mag-asawa.
"Ngayong namayapa na palang pareho ang mag-asawang umampon sa iyo, Katherine, wala nang dahilan para muli kang magbalik ng Amerika," si Mariana na naglapag ng guyabano sa mesa.
"May... may trabaho po ako roon. At sa susunod na linggo ay baka bumalik na ako ng Maynila," sagot niya na sinulyapan si Emilio na agad na nagsalubong ang mga kilay
"Ano'ng sabi ng papa mo?"
"Kakausapin ko po ang Papa. May aasikasuhin pa kasi ako sa Maynila bago ako magbalik ng Amerika. Dalawang buwan lang ang bakasyong ibinigay sa akin at malapit na ngang maubos."
Dinampot ni Emilio ang helmet sa mesa. "Kung tapos ka na ay tayo nang lumakad, Katherine."
Nagulat pa ang dalawang babae sa pagalit na tono ng boses nito. Nagpaalam ang dalaga sa mag-asawa at sumunod sa binatang naunang lumabas.
Ilang minuto na sila sa daan ay hindi pa rin kumikibo si Emilio. Bigla ay nagkaroon ng lambong ang masayang maghapong pinagsaluhan nila.
Hanggang sa makarating sila ay hindi uagsalita ang binata. Hindi nito ipinasok sa garahe ang motorsiklo.
"Hindi ka ba papasok?" ani Katherine na hinubad ang suot na helmet.
"Tutuloy ako ng Mariana. Siyanga pala, sa katapusan ay anibersaryo ng kasal nina Kuya Fernan at Helen. And that is eight days from now. Siguro ay makapaghihintay ang anumang aasikasuhin mo sa Maynila," hindi nito mapigil ang galit sa tinig.
"Walang sinasabi ang Papa..." banayad niyang sagot.
"Wala pang dalawang araw mula nang dumating ka. Natitiyak kong sasabihin nila sa iyo iyan."
"H-hindi ko alam kung bakit ka nagagalit Siguro, dahil napag-usapan na naman ang pag-alis ko. I... I really enjoyed today, Emilio. Higit kaysa alinmang kasayahang nadaanan ko na. At nagpapasalamat ako sa iyo."
Tumango-tango lang ang binata na sinikap ngumiti. Ginusot nito ang buhok ng dalaga at marahang tinapik sa mukha.
"Pumasok ka na. Hindi ako nagagalit." Pinatakbo na nito ang motorsiklo nang pumasok sa gate si Katherine.
Subalit nanatiling nakatayo roon ang dalaga hanggang sa mawala sa paningin niya ang motorsiklo.
Isasara na lang niya ang gate na bakal nang mapunang nakatayo sa di-kalayuan si Charmaine. "Charmaine! Kanina ka pa ba riyan?"
"Natanaw ko ang pagdating ninyo," nakasimangot nitong sagot. "Maghapon kayong wala, saan kayo nanggaling ni Emilio, Katherine?"
"Sa Kintanar Farm."
Umasim nang tuluyan ang mukha nito sa sagot niya. "Inihatid ako ni Emilio kagabi. Hindi niya nabanggit na pupunta kayo roon." Naghihinala nitong sinabi. Hindi mapaniwalaan ng babae na nakarating na agad siya sa Kintanar Farm.
"Hindi niya sinabi sa Papa at kay Helen." Tulog pa ang papa niya kaninang paalis sila kaya kay Helen sila nagpaalam dahil maaga itong bumaba. "May dahilan ba para sabihin niya sa iyo?"
"Matagal na akong iniimbitahan ng Tito Damian at Tita Mariana sa farm nila," itinaas pa nito ang noo na parang hinahamon si Katherine na pasubalian ang sinabi niya.
"Oh, well, siguro dahil gusto lang ni Emilio na ipasyal ako sa kanila bago ako bumalik ng Maynila."
"Kailan iyon, Katherine?"
Nagkibit ng balikat ang dalaga. "Pagkatapos siguro ng wedding anniversaiy ng mga Papa and that's probably later next week."
Bahagyang umaliwalas ang mukha ng dalaga sa sinabi niya. "See you around, Katherine," at dumeretso na ito.
Hindi siya gusto ni Charmaine dahil kay Emilio. Puwes, walang dapat ipag-alala. Wala siyang balak dagdagan ang komplikasyon sa buhay niya. Hindi rito ang mundo niya. Sooner or later ay babalik na siya ng Amerika. At least, natawid niya ang tulay na nakapagitan sa kanilang mag-ama. Iyon naman ang pinakamahalaga sa lahat, paniniyak niya sa sarili.
Nang gabing iyon ay ipinaalam sa kanya ng mag-asawa ang tungkol sa anibersaryo ng mga ito. Ika-sampung taong anibersaryo ng kasal nina Fernan at Helen. At magkakaroon ng party.
Kailangan niyang tawagan ang abogado ni Adela upang i-postponed ang appointment niya rito. Pagkatapos niyang kausapin ang abogado ay si Aling Patring naman ang tinawagan niya.
"Maaatraso ako ng uwi, Aling Patring... opo..."
"Siyanga pala, Katherine. May tumawag ditong Amerikano. Hindi ko naman maintindihan ang ibang sinasabi. Hinahanap ka. Kent yata ang pangalan. At narinig kong may sinabi siyang Mandarin Hotel."
Nagulat si Katherine. "Narito sa Manila si Kent? Imposible! Mandarin ba ang dinig ninyo Aling Patring?'' Umoo ang nasa kabilang linya. At pagkababa ng telepono ay nag-long distance si Katherine sa Mandarin Hotel. At totoong naka-bil-leted doon si Kent.
Inimbitahan niya itong magpunta ng Mindanao sa mismong araw ng anibersaryo ng papa niya.
BINABASA MO ANG
Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)
Romance"I'll make you fall in love with me, Katherine. Maybe then... you'll stay." Makalipas ang sampung taong paninirahan sa Amerika ay nagbalik si Katherine sa bayan nila. Hindi upang manatili kundi upang sapilitang magbigaygalang sa tinakasang ama. Doo'...