KINABUKASAN ay sinikap ni Katherine na hindi sila magkita ni Emilio. Magkasama sila ni Kent na inayos ang mga ticket nila pabalik ng Maynila.
Subalit sa hapunan ay dumating si Emilio at wala siyang maidadahilang iwasan ito dahil nakaupo na silang lahat sa mesa. Kinuha ng binata ang puwesto nito sa hapag-kainan at walang kibong naglagay ng pagkain sa pinggan.
"Anong oras ang flight ninyo bukas, hija?"
"Alas-onse ang schedule ng flight, Papa," nagyuko siya ng ulo nang sumagot dahil nakita na niya ang biglang pag-angat ng ulo ni Emilio. "Aalis kami ng alas-nuwebe rito dahil mahigit isang oras din patungo roon."
Kalansing ng kutsara at tinidor ang nagpatuon ng mga mata ng lahat kay Emilio na biglang tumayo mula sa mesa.
"Emilio..." si Helen na sinundan ng tanaw ang kapatid na lumabas.
"We are sorry about that, Kent," paghingi ng paumanhin ni Fernan sa bisita na nagkibit lang ng balikat at inilahad ang mga kamay. Hindi na kailangang ipinta pa sa harap nito ang problema sa pagitan nina Emilio at Katherine.
Kasunod na narinig ng lahat ay ang paglabas ng motorsiklo mula sa garahe sa pagalit na paraan. Inabot ni Katherine ang baso at uminom. Pagkatapos ay tumayo.
"E-excuse me..." Kailangan niyang makatakbo sa silid niya bago makita ng lahat ang pagpatak ng kanyang luha.
Hindi na siya muling lumabas ng silid. Kung kailan huminto ang mga luha niya sa pagpatak ay hindi na alam ni Katherine. Sa buong magdamag ay gising siya at kulang na lang na hilahin niya ang mga oras upang mag-umaga na. Kailangang makaalis sila ni Kent bago siya" panghinaan ng loob.
Nasa kusina si Helen nang bumaba siya upang magkape kinaumagahan.
"Katherine..."
"Please, Helen..." Hindi niya gustong marinig ang anumang sasabihin nito.
"Hindi umuwi kagabi si Emilio at namumugto ang mga mata mo," patuloy ni Helen. "Ano ba ang nangyayari sa inyo?"
Tiningnan ng dalaga ang grandfather's clock sa sulok ng sala. "In two hour's time, I'll be out of his life. Babalik sa normal ang lahat."
"Hindi ka niya nakalimutan ten years ago paano ka nakatitiyak na magiging ganoon kadali ang lahat para sa kanya ngayon?"
Napalingon sa bintana si Katherine sa tunog ng motorsiklo. Dinampot ang tasa ng kape. "Sa itaas ko na ito iinumin. Maliligo pa ako."
BINABASA MO ANG
Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)
Romance"I'll make you fall in love with me, Katherine. Maybe then... you'll stay." Makalipas ang sampung taong paninirahan sa Amerika ay nagbalik si Katherine sa bayan nila. Hindi upang manatili kundi upang sapilitang magbigaygalang sa tinakasang ama. Doo'...