TAHIMIK na pinagmamasdan ni Katherine ang dalawang batong marmol. Gusto niyang umiyak pero walang luhang tumulo sa kanyang mga mata. Napabaling sa kawalan ang tingin niya. Kung siya ang masusunod ay hindi na kailangang bumalik pa ng Pilipinas. Wala na siyang babalikan pa.
Muli niyang tinunghayan ang mga batong marmol. Nakasulat doon ang pangalan ng mag-asawang umampon sa kanya. Dalawang taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Lauro pagkatapos ng mahabang pakikipagtunggali sa sakit na kanser.
Hindi naging madali para kay Adela na tanggaping wala na ang pinakamamahal na asawa. Nanatili ito sa mahabang pamimighati hanggang sa ito man ay igupo na rin ng karamdaman. May hinala siyang hindi na rin nito gustong tumagal pa ang buhay.
Hiniling ni Adela na iuwi ito ng Pilipinas upang dito mamatay. Ipinahukay nito ang mga buto ng asawa upang isama pabalik. At wala pang dalawang linggo matapos silang makabalik sa dating bahay ay namatay si Adela.
Isang huling sulyap ang ipinukol ng dalaga sa mga bato bago mabigat ang mga hakbang na bumalik sa nirentahang sasakyan. Iniwan sa kanya ni Adela ang lahat ng mga ari-arian nito. Ang pera sa bangko sa New York at ang bahay at lupa dito sa Pilipinas. Ipaaayos niya sa abogado ang lahat ng kailangang gawin sa pagbebenta ng lupa at bahay. Bibigyan niya ng sapat na pera ang mag-asawang katiwala upang makauwi ng Mindanao. Pagkatapos ay babalik siya sa Amerika upang huwag nang magbalik kailanman.
Pagdating niya ng bahay ay nalaman niya mula kay Aling Patring na may bisita siyang naghihintay.
Sa sala ay tumayo ang isang may-edad na lalake nang pumasok siya. Inabot nito ang isang kamay sa kanya.
"Good afternoon, Miss Alveza. I am attorney Francia."
Bahagyang tumango si Katherine. Ipinasa ba ng abogado ng Mommy Adela niya sa iba ang trabaho nito? "Please sit down, Attorney Francia." Naupo siya sa katapat nito.
"Three days ago, nabasa ng kliyente ko ang pagkamatay ni Mrs. Adela de Guzman sa obituary page, Miss Alveza. At nais niyang ipaabot sa inyo ang kanyang pakikiramay. Ganoon din ako," tumikhim ito.
"Thank you. Sino ang kliyenteng tinutukoy ninyo, Attorney?"
Nag-angat ng ulo ang abogado at tinitigan siya. "Si Mr. Fernando Alveza."
Mahigpit na napahawak si Katherine sa armrest ng sofa. Bakit kailangan niyang kabahan sa pangalang binanggit ng abogado? Hindi ba't sa loob ng sampung taong pamamalagi sa Amerika ay ipinangako niya sa sarili niyang hindi siya maaapektuhan.
"W-well... how nice of him to send you for his condolences," naroon ang sarcasm sa bahagyang nanginginig na boses niya.
Muling tumikhim ang abogado. "Ikinalulungkot kong sa pagkakataong ganito tayo nagkita, Katherine," muli itong tumitig sa kanya. "Can I call you, Katherine?"
Bahagyang tumango ang dalaga. "Kung hindi dahil sa announcement na iyon sa obituary page ay hindi namin malamang narito ka sa Pilipinas."
Hindi alam ng dalaga ang sasabihin. Saan patungo ang usapang ito?
"Limang taon ko ng kliyente si Mr. Alveza, hija. At sa loob ng mga panahong iyon ay hindi iilang beses akong pumaparito sa bahay na ito upang alamin ang iyong kinaroroonan. O, di kaya ay upang alamin kung nakabalik na kayo mula Amerika," patuloy ng abogado.
"I wonder why, Attorney." At bakit nagpalipas ng limang taon si Fernan para alamin kung nasaan siya? Ano ang nangyari sa naunang limang taon. Ganoon ba katagal bago nito na-realize na umiiral siya?
"Gusto ka niyang makita, Katherine. Ang bilin niya ay isama kita sa pagbabalik ko ng Mindanao. I came here for that purpose alone."
Napatayo ang dalaga. May pumasok sa isip niya.
Ang sinabi ng Mommy Adela niya sa mga huling araw nito.'See your father, Katherine, please. Ipangako mo sa akin na makikipagkita ka sa kanya pagkamatay ko. Ihingi mo ako ng tawad.' Hindi niya alam kung bakit sinasabi iyon ni Adela. Hindi niya ninais malaman. Higit ang pag-aalala niya sa kondisyon nito.
Hinarap ni Katherine ang abogado. "Maaari ninyong sabihin sa inyong kliyente, Attorney na... na... busy ako dahil sa pagkamatay ng Mommy Adela. Na inaasikaso ko ang mga naiwan niya... na..."
"May sakit ang papa mo, Katherine. Three months ago ay nagkaroon siya ng atake. Kung hindi ay kasama ko siya rito."
Hinatak niya patalikod ng dalawang kamay ang buhok. Ano'ng pakialam ko! gusto niyang isigaw. Pero pinigil siya ng breeding at kabutihang-asal.
Napapailing ang abogado sa emosyong nasa mukha niya na hindi maisatinig. "Nasa recovery period si Fernan, Katherine. Makasasama sa kanya kung sasabihin kong hindi mo gustong makipagkita sa kanya. Ayokong gawin iyon. Sasabihin ko sa kanya na darating ka."
"Hindi ninyo gagawin iyon, Attorney," pormal ang tinig niya at nahimigan ng matandang abogado ang pag-uutos.
"Hindi ko alam kung ano ang problema ninyong mag-ama, hija. Pero alam ko kung gaano ang paghahangad ni Fernan na makita ka. So please see him," pagkasabi niyo'y tumayo na ang abogado. Dinampot ang attache case sa ibabawng center table.
Tumayo rin si Katherine. "I'm sorry, Attorney. I really..."
Nilingon siya nito. "Sasabihin kong darating ka. Good day, hija. I'll see you there."
BINABASA MO ANG
Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)
Romance"I'll make you fall in love with me, Katherine. Maybe then... you'll stay." Makalipas ang sampung taong paninirahan sa Amerika ay nagbalik si Katherine sa bayan nila. Hindi upang manatili kundi upang sapilitang magbigaygalang sa tinakasang ama. Doo'...