MALAYO na si Katherine ay nagpupuyos pa rin siya sa galit na lalong nagpahirap sa kanyang matunton ang tamang daah. Kailangan pa niyang magtanong upang matutuhan ang da an patungo sa bahay ng ama niya. Ang fifteen minutes na takbo mula sa town proper kung saan siya nakabangga ay naging treinta minutos.
Ipinarada niya ang kotse sa harap mismo ng gate na bakal. Ito pa rin ang gate bagaman bagong pintura. Ang bakod ay bahagyang tinaasan. Kinakabahang sinilip ng dalaga ang maluwang na bakuran. Sa gitna ay ang dating bahay-kastila na kung saan siya ipinanganak.
Alanganing diniinan niya ang nakitang buzzer. Wala ito noon. Makalipas ang ilang segundo ay may lumabas mula sa likod ng bahay. Katulong marahil. Parang napakatagal bago ito nakarating sa gate.
"May kailangan po sila?" wika nito sa visayan accent.
Tumikhim muna ang dalaga. "Na... nariyan ba si Helen? Kaibigan niya ako." Bakit si Helen ang hinanap niya?
Binuksan ng katulong ang gate at pinapasok siya. Tumatahip ang dibdib na nilinga niya ang loob ng bakuran. Tulad pa rin ng dati. Malawak at nag-riot ang mga bulaklak at halaman sa paligid. Naroon pa rin ang dalawang puno ng Kalachuchi sa dulo. Nagyabong ang iba't ibang kulay ng bulaklak ng Bougainville. Puti, pink, violet, red at dilaw. Ang sabi ng papa niya noong araw ay collection ito ng lola niya. Kaygaganda rin ng mga rosas.
Sa driveway ay ang malalaking daisy. Iba't ibang kulay rin. Hindi niya maunawaan ang warmth na naramdaman niya sa dibdib.
Binuksan ng katulong ang malaking pinto sa sala at pinapasok siya. Sa dulo ng malaking bulwagan ay naroon ang hinahanap niya. Nagbaba ito ng isang basong juice sa lamesita sa harap ng asawa.
Sunod-sunod ang kaba niya.
"Manang Helen, may nagliahanap sa inyo," ang katulong na nilingon siya at muling nagpatuloy sa paglakad. Naiwan siyang nakatayo sa malapit sa pinto.
"May... kailangan ka sa akin, Miss?" bungad ni Helen na sinabayan ng lingon ang asawang titig na titig sa bagong dating.
Inabot ng lalake ang baston sa tabi at marahang tumayo. Buong lakas ay nakatuon sa baston. Marahan itong tumayo at humakbang papalapit sa kanya. Siya man ay lumakad nang marahan.
Muli siyang tiningnan ng lalake mula ulo hanggang paa. "Katherine... ikaw nga ba?" bulong nito.
Hindi alam ng dalaga na kanina pa siya nagpipigil ng paghinga. Kumawala ang malalim na paghinga niya. "K-kumusta ka na, Papa?"
"Ikaw nga! O, sweetheart, ikaw nga!" Inilahad nito ang mga kamay para sa kanya. Lumapit si Katherine at yumakap sa ama. Mahigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. Sinikap niyang kontrolin nang husto ang emosyon at luhang nakaantabay.
"My baby!" Bahagya siya nitong inilayo. Tumatawa pero may tumulong mga luha. "Ang unica hija ko, Helen," nilingon nito ang asawang nakamasid lang. Bakas ang tuwa sa mukha ni Helen.
"Welcome home, Katherine..." anito.
Bahagyang nagulat si Katherine. Home. Where is home? Ang bahay ba nina Lauro at Adela? Ang boarding house? O ang apartment niya ngayon sa New York kasama ang dalawa pa niyang ka-share doon?
Inakay ni Fernan ang anak sa sofa. "Aba'y ang taas mo na, ah. Halos pumantay ka na sa akin," muling sinipat ang anak. "And very lovely!"
"Sinabi ni Attorney Francia na darating ka, Katherine. Hindi nga lang niya matiyak sa amin kung kailan. Pinag-uusapan ka lang namin ng papa mo."
Sinulyapan ng dalaga ang madrasta. Maliban sa mga taong nadagdag ay maganda pa rin at palangiti si Helen.
"I'm sorry kung hindi ako nakapag-abiso. Ang Mommy..."
"Ikinalulungkot ko ang nangyari kay Adela, Katherine. Hindi ako makapunta. Kumusta na si Lauro?" Bahagyang nag-angat ng ulo ang dalaga sa nahimigang galit sa tinig ng ama.
"Dalawang taon na siyang namamatay. Sa Amerika pa..."
Malungkot na ngumiti si Fernan bagaman nasa mga mata ang kinikimkim na galit. "Tinangay nila sa kamatayan nila ang sampung taon na ninakaw nila sa akin," wika nito sa matigas na tinig. Nanginginig ang mga kamay nito sa pagkakahawak sa baston.
"Fernan, please. Nangako ka..." si Helen na humawak sa balikat ng asawa. Pinagtakhan ni Katherine ang sinabi ng ama.
"Ang mahalaga'y narito kang muli, hija," tinapik nito ang kamay niya.
Nasa ganoon silang pag-uusap nang biglang bumukas ang pinto.
"Helen, ano ang ginagawa ng kotseng iyon sa harap ng gate natin?" walang kaabog-abog na bungad ng lalaki.
Napatayo si Katherine sa biglang pagpasok na iyon ng lalake at nagsalubong ang tingin nila.
"Ikaw!" magkapanabay pang nasabi ng dalawa.
BINABASA MO ANG
Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)
Romance"I'll make you fall in love with me, Katherine. Maybe then... you'll stay." Makalipas ang sampung taong paninirahan sa Amerika ay nagbalik si Katherine sa bayan nila. Hindi upang manatili kundi upang sapilitang magbigaygalang sa tinakasang ama. Doo'...