NAGKITA na ba kayong dalawa, Emilio?" nagtatakang tanong ni Helen na pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa. "Emilio, natatandaan mo ba si Katherine? Katherine ang kapatid ko."
Hindi pinansin ng dalawa ang sinabi ni Helen na nakatitig pa rin sa isa't isa.
Si Emilio ito? takang tanong ni Katherine sa sarili. Matangkad at payat ang dating Emilio na kilala niya. Guwapito sa hapis na mukha. Ibang Emilio ang kaharap niya ngayon. Ito ang uri ng lalakeng pag nagdaan sa harap mo ay mapapabuntong-hininga ka. At mangangarap na sana'y ngitian ka.
At parang gusto niyang mainggit sa kupasing maong na suot nito. Aba'y halos nakayakap na sa mga maskuladong hita at binti sa higpit. Ang mga advertisers ng blue jeans sa New York would surely welcome him with open arms to model their brand.
Blue checkered long sleeves na nakapaloob sa pantalong walang sinturon ang pang-itaas nito. Nakarolyo ang mahabang manggas hanggang sa bago dumating ng siko. At nakikita niya ang mga balahibong nag-aalpasan mula sa mga braso nito.
Oh my! Paano na laug ang mga tagong bahagi ng katawan nito?
Si Emilio ang uri ng lalaking gusto mong magkasala kung hindi man sa gawa ay sa isip. At isiping sa uri ng trabaho niya ay nagkalat ang macho at guwapo. Ang ex-boyfriend niyang si Kent Myers ay guwapo at hunk.
Pero binigyan ni Emilio ng bagong kahulugan ang salitang 'hunk.'
Sa palagay ng dalaga ay taon ang tinagal ng pagtititigan nilang iyon. Tumikhim si Fernan at unang nagbaba ng tingin si Emilio at mabilis na muling lumabas.
Naupo si Katherine. Napahiya sa mag-asawa.
"Nabunggo ko ang motorsiklo niya kaninang patungo ako rito, Helen," paliwanag niya. "Hihingi sana ako ng dispensa at aayusin kung anuman ang damage pero sininghalan na niya ako agad. So, nagalit din ako."
Nagkatitigan ang mag-asawa at sabay na nagtawanan. "Kaya pala ganoon na lang ang pagsasalubong ng kilay noon. Wala pang isang linggo mula nang mai-deliver ang Honda na iyon, Katherine."
"I'm sorry. I'll shoulder all damages."
Iwinasiwas ni Helen ang kamay nito. "Kalimutan mo na iyon. Si Emilio na ang bahala roon."
"Hindi. Sasagutin ko. Kasinghalaga ng kotse ang Honda niyang iyon, ah. At saka talaga namang kasalanan ko, totoo namang nasa tabi ang motorsiklo niya."
"Hayaan mong sila ni Emilio ang mag-usap doon, Helen," ngingiti-ngiting sagot naman ni Fernan. "Samahan mo na si Katherine sa dati niyang silid. Hayaan mong makapagpahinga siya bago maghapunan."
"Nasaan ang mga gamit mo, Katherine?" ani Helen. "Nasa kotse ba sa labas? At bakit ka nga pala nakakotse?" sunod-sunod nitong tanong sabay sulyap kay Fernan na tumingin din sa anak.
"I rented the car. Na... naka-checked in ako sa Mariana, Papa. Naroon ang maleta ko."
"Pero bakit hindi ka dumeretso rito? Bakit sa hotel ka nagtuloy gayung kaydaming silid ng bahay na ito, hija?" nagugulumihanang tanong ni Fernan.
Hindi alam ng dalaga kung paano agad sasagutin iyon. Mula sa likod ay hindi niya napuna ang muling pagpasok ni Emilio. Sumandal ito sa may divider na siyang nakapagitan sa malaking sala at dining room.
"I... I... don't intend to stay longer than necessary," mahinang tugon niya.
Ilang sandaling katahimikan ang lumipas. Si Fernan ay nakamasid lang sa anak.
"And how long is necessary? Three days? O three weeks?" seryosong tanong ni Emilio pagkatapos ng namagitang katahimikan.
Kung bakit kailangang malito ni Katherine sa tanong na iyon ay hindi niya alam. Hindi ba at napagpasiyahan na niya kung gaano siya katagal dapat na manatili roon?
Sinulyapan ng dalaga ang ama na tila nahahapo. "K-kailangan kong makipag-usap sa abogado ng Mommy Adela, Papa. Maraming dapat asikasuhing naiwan."
"Kukunin ko ang mga gamit niya sa Mariana, Kuya Fernan. At ako na ang bahala sa kotse," si Emilio na kay Fernan nakatingin.
"Why, you...!" Napigil ang dalaga sa sasabihin dahil sa warning na nakita niya sa mga mata ng binata na muling tumingin kay Fernan.
Tumayo si Fernan at sa kauna-unahang pagkakataon ay napagtuunan niya ng pansin ang baston ng ama at ang wheelchair sa may sulok.
"Akina ang susi mo sa kuwarto sa hotel, Katherine," si Emilio uli sa awtorisadong tinig.
Inalis ng dalaga ang tingin sa ama. Parang gusto niyang pagsisihan ang sinabi. May sakit bang talaga si Fernan?
Dinukot niya sa bag ang susi at inabot kay Emilio na hindi inaalis ang mga mata sa pagkakatitig sa kanya. Pagkatapos ay inilabas ang wallet at kumuha ng pera at iniabot din kay Emilio.
Nagsalubong ang mga kilay ng binata. "Para saan iyan?"
"Sa hotel bill ko at sa car rental."
Isang huling sulyap ang ibinigay ni Emilio sa kanya bago tuluyang lumabas. Nilingon ni Katherine ang mag-asawa. Nagtatanong ang mga mata niya.
"Mariana Hotel is a family business, Katherine. Pag-aari ni Emilio ang kalahati at management control," ani Helen.
"And the other half?"
Tiningnan muna ni Helen si Fenian na bahagyang tumango. "Sa iyo."
Nanlaki ang mga mata niya. "A-anong ibig mong sabihin?"
Huminga nang malalim si Fernan. "Nasa pangalan mo ang kalahati ng share ng hotel, Katherine, at ang bahay na ito."
"W-why?" Hindi pa rin makapaniwala ang dalaga. "I-ikaw, Helen? Hindi ko maintindihan..."
"When I die, mapupunta kay Helen ang lupain sa bukid na may mga ilang ektarya rin."
"Huwag kang morbid, Fernan. Subukan mo at isang araw ka pa lang namamatay ay dalawa na ang kapalit mo," ani Helen sa pagsisikap na magpatawa upang maging magaan ang sitwasyon. "Hindi ko kailangan ang mga kung ano-anong materyal na iyan, Katherine. Wala naman kaming anak ni Fernan. Maliban pa sa may mamanahin din naman ako mula sa mga magulang namin ni Emilio."
"I... don't know what to say," mahinang usal niya. Hindi niya inaasahan iyon. Ang mga iniwan lang ni Adela sa kanya ay sapat na upang mabuhay siyang maayos kung hindi man milyonarya. At ano ang gagawin niya sa mga ito? Tinitiyak niyang hindi magiging dahilan ang mga ito upang manatili siya sa bayang iyon.
"Tayo na sa itaas, Katherine," nakangiting yakag ni Helen.
Nilingon muna ng dalaga ang ama bago marahang sumunod. Tumango ito.
Iyon pa rin ang dating silid niya. Ang four-poster semi-double bed na ang sabi ng papa niya noon ay maliwanag na ibinilin ng lola niya na para lamang sa apo nito. Naroon pa rin ang malaking antigong aparador. Sa sulok ng silid ay ang munting mesang bilog na sa ibabaw ay isang lamparang matanda pa marahil sa ama niya.
Ang tanging bago ay ang varnish sa solid narra na mga dingding at pinto.
Binuksan ni Helen ang lampshade sa night table. Madilim na ng kaunti dahil pasado alas-sais na.
"Dalawang toilet and bath ang ipinadagdag ng papa mo dito sa itaas, Katherine. Ang isa ay nasa kanang bahagi ng pasilyong ito malapit sa silid mo."
"Thank you, Helen," paglabas nito ay nahiga sa kama ang dalaga. Kailangang mag-long distance siya sa abogado ni Adela upang i-postponed ang appointment nito sa kanya next week. Marahil ay matatagalan siya rito ng at least, isang linggo.
Wala siyang intensiyong matulog subalit dala marahil ng pagod sa biyahe ay hindi niya namalayang naidlip siya.
BINABASA MO ANG
Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)
Romance"I'll make you fall in love with me, Katherine. Maybe then... you'll stay." Makalipas ang sampung taong paninirahan sa Amerika ay nagbalik si Katherine sa bayan nila. Hindi upang manatili kundi upang sapilitang magbigaygalang sa tinakasang ama. Doo'...