MAHIRAP ba namang gawin iyong iyakap mo sa baywang ko ang mga kamay mo? Mamaya mo ay nahulog ka na riyan sa likod ko'y hindi ko pa alam," nilingon siya ng binata.
Ano nga ba ang nangyayari sa kanya at para siyang isang napakahinhing probinsiyana? Bakit naiilang siyang yumakap dito gayong kagabi lang ay nakayakap din ito sa kanya habang inaalo siya sa pag-iyak. At bakit siya nagkakaroon ng ganitong damdamin kay Emilio gayung kung tutuusin ay mahigit pa sa yakap ang ginagawa ni Kent sa kanya noong mag-boyfriend pa sila. At bagaman hindi naman sila umabot doon sa puntong ipinagkaloob niya ang sarili dito ay pinahintulutan naman niya ang petting at necking.
Walang kibong inilagay niya ang mga braso niya sa baywang nito.
"That's better," ani Emilio na binilisan ang pagpapatakbo ng motor.
Sa pagitan nilang dalawa ay ang kanilang mga kasuotan lamang. At nararamdaman niya ang maskuladong likod ng binata sa dibdib niya. At nakapagtatakang gusto niya ang damdaming dulot noon. Parang may humaplos na init sa kalamnan niya.
"Anong oras ang dating natin sa bukid ninyo?" aniya makalipas ang kalahating oras na pagtakbo ng motorsiklo sa rough road.
"Bukid na namin itong nakikita mo sa bandang kahwa ng daan," inginuso ni Emilio ang walang katapusang kakahuyan at niyugan sa may kaliwa. "Malapit na tayo sa bahay"
Isang kalsada pakaliwa ang nilikuan ni Emilio at nakita ng dalaga ang nakalagay sa sign post na kahoy - Kintanar Farm.
Sa tabi ng daan ay hile-hilerang pinya na may bunga at malapit nang anihin. Nagulat pa ang dalaga nang sa isang pagliko ay sa mismong tapat ng bahay huminto ang motorsiklo. Hindi niya agad napuna ang bahay dahil sa mga punong tumatabing dito.
Malaki ang dalawang palapag na bahay. Bato at adobe ang ibaba at kahoy naman ang itaas. May berandang kahoy sa itaas na nakapaikot sa buong palapag.
Mula sa pinto ay lumabas ang dalawang matanda na sa hinuha niya'y ang mga magulang ni Emiho. Hinila siya ng binata patungo sa bahay.
"Ang Tatay Damian, Katherine. At gusto kong makilala mo si Mariana, ang inay ko."
Nginitian ng dalaga ang dalawang matandang mukha namang mababait sa tingin niya. So, ang pangalan ng hotel ay kuha mula sa nakangiting babae sa harap niya. Para na niyang nakita si Helen pagtanda nito.
"Papasukin mo ang bisita mo, Emilio. At bakit hindi ka nagpasabing darating kayo?" ani Mang Damian.
"Kahapon lang dumating si Katherine, Itay," nagpatiuna na itong pumasok at hawak pa rin sa kamay ang dalaga.
"Katherine ba 'ika mo, Emilio. Ang anak ni Fernan?"
Tumango ang dalaga.
"Ka guwapa nimo 'no."
"Ikaw na ang maging modelo, Inay..." ani Emilio na natawa sa sinabi ng ina. Siniko ng dalaga ang binata. "Ouch!"
Napalingon ang dalawang matanda sa mahinang pag-aray na iyon ng anak. Napuna ng mga ito ang bigla nitong paghawak sa tiyan. Ngumiti si Katherine na palihim na inirapan ang binata.
"Okay, okay I got the message. No modelling talks," anasnito. "Magpipiknik nga pala kami sa ilog, Itay. Tuloy mamimingwit na rin."
"Ihahanda ko kung ganoon ang pamingwit at pain. Maiwan ko na muna kayo. Ihanda mo, 'Nay ang babaunin ng mga bata," baling nito sa asawa bago tumungo sa loob.
"Mamaya na, Inay. Tutulungan ko ang Tatay sa paghahanda ng mga bingwit. Kausapin n'yo na muna si Katherine," kinindatan nito ang dalaga.
Naupo ang matandang babae sa tapat ng dalaga. "Alam mo bang malimit kang ikuwento ni Emilio sa amin noong bago-bago pa lamang mag-asawa ang papa mo at si Helen?"
BINABASA MO ANG
Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)
Romance"I'll make you fall in love with me, Katherine. Maybe then... you'll stay." Makalipas ang sampung taong paninirahan sa Amerika ay nagbalik si Katherine sa bayan nila. Hindi upang manatili kundi upang sapilitang magbigaygalang sa tinakasang ama. Doo'...