THE BROKENHEARTED.
“Ayla!”
Tahimik akong nagsusulat sa kuwaderno ko nang biglang may sumigaw ng pangalan ko. Lumingon ako sa may pinto at nakita ko nga roon si Sia na seryosong nakatingin sa akin.
Nag-martsa siya papunta sa puwesto ko at basta-basta na lang hinablot ang kamay ko. Hindi ako naka-angal dahil sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Narinig ko pa nga’ng tinawag ni Zubby ang pangalan ko pero walang nakapigil kay Sia na kaladkarin ako sa kung saan.
Patuloy ang paglalakad niya at mahigpit na rin ang naging hawak niya sa may palapulsohan ko.
Hindi man alam kung ano ang mga nangyayari, iginala ko na lang ang tingin ko sa paligid. Maya-maya lang ay tumigil si Sia sa paglalakad. Dito niya ako dinala sa stage ng sirang covered court ng aming eskuwelahan.
Agad kong sinipat ng tingin ang palapulsohan ko nang mabitiwan na iyon ni Sia. Pulang-pula ito at bumakat talaga ang kamay ni Sia roon.
Pagsasabihan ko na sana si Sia nang bigla na lang siyang humagulgol ng iyak at umupo sa may hagdanan ng stage.
“S-Sia?” bigla akong kinabahan dahil sa ginawa niyang pag-iyak. Yumuko siya at sunod-sunod ang galaw ng kaniyang balikat.
Hindi ko tuloy alam kung tatapikin ko ang balikat niya o kung ano kasi hindi ko alam kung ano ang nangyayari rito. Wala akong kasalanan dito!
“Ang sakit… Ang sakit-sakit…” hagulgol niya ulit.
Tumabi ako sa kaniya at dahan-dahang tinapik ang kaniyang balikat. Nag-angat siya sa akin ng tingin at ganoon na lang ulit ang gulat ko nang makita ang mukha niyang basang-basa ng luha. Basta, hindi na maipinta ang kaniyang mukha dahil sa matinding pag-iyak.
“Ang sakit-sakit nang ginawa niya, Ayla, sobrang sakit.”
“A-Ano ba ang nangyari, Sia?” tumikhim ako para ayusin ang boses ko, medyo kinabahan kasi ako sa nangyayari ngayon kay Sia, e.
Mas lalo siyang umiyak at biglang yumakap sa akin.
“Breth and I broke up. Nakipaghiwalay siya sa akin. Ang sakit-sakit, Ayla,” humihikbing sabi niya sa akin.
Nagulat na naman sa biglang pagyakap niya, wala akong ibang nagawa kundi ang dahan-dahan siyang aluin.
Ano ba ang gagawin ko sa kaniya?
Kusang kumalas si Sia sa yakap pero patuloy pa rin siya sa paghikbi.
“N-Nakipaghiwalay si Breth sa akin kasi sabi niya I’m not enough daw,” patuloy na sabi niya habang umiiyak pa rin. “If I know, nakipaghiwalay siya sa akin dahil hindi ko nakuha ang best in cheer captain award. Puwede ko namang mabawi ‘yun next year kasi ga-graduate na naman this year si Jessa, e, pero bakit nakipag-hiwalay pa rin sa akin si Breth? Am I really not enough? Binigay ko naman sa kaniya lahat ah?”
Nag-iwas siya ng tingin sa akin at itinuro niya pa ang sarili. Matinding paglunok ang nagawa ko dahil hindi ako sanay sa ganito. Marami nang naging boyfriend si Sia pero ito ang unang beses na umiyak siya nang ganito. Dati kasi kinu-kuwento niya lang sa akin.
Pinisil-pisil ko ang bawat daliri ng aking kamay habang nakikinig sa bawat pagngawa ni Sia.
“S-Sia, a-alam mo namang babaero talaga si Breth ‘di ba?” medyo kinakabahang sabi ko at medyo hindi rin sigurado kaya matapos kong sabihin ‘yon, dahan-dahan kong nilingon si Sia na natigilan na nga sa pag-iyak at salubong ang kilay na nilingon ako.
“So you’re telling me na kasalanan ko? Is it my fault?”
‘Yan na nga ba sinasabi ko, e.
BINABASA MO ANG
Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)
General FictionAyla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?