CF - 9

256 14 1
                                    

THE FEELING.


Ulap…
Isang parte ng kalangitan na araw-araw mong makikita.
Tumingala ka lang at ito’y iyong mapagmamasdan.
Maputi at malambot na animo’y bulak
Puwede ring cotton candy, marshmallow, at icing ng cake.

Sinarado ko ang aking cell phone (‘yung ibinigay ni Fabio noong huling kaarawan ko) at isinantabi ito. Ang pangit ng nagawa kong tula tungkol sa ulap. Bigla na lang kasi itong sumulpot sa aking utak habang nagpapahinga sa lilim ng kahoy.

Napabuntonghininga ako at pinagmasdan ang ulap.

Minsan talaga ang buhay ng tao, parang ulap. May dalawa silang katangian. Una, ang isang kalmadong ulap na hatid ay magandang panahon. Kung ihahalintulad mo ito sa tao, isa ito sa mga masaya at normal na buhay ng tao, ‘yung chill lang, walang problemang dala. Pangalawa, ‘yung ulap na may dalang ulan, ‘yung madilim at ‘yung tinatawag naming dag-om. Nagre-representa iyon ng isang masalimoot na parte ng buhay ng tao. Siguro dahil sa kadilimang hatid nito kaya masasabi kong masalimoot nga.

Bigla ko tuloy naalala ang isang uri ng ulap na kung tawagin ay Nimbus Clouds… isang grupo ng mga ulap na ang hatid ay ulan, may dala-dalang ulan. Tapos nakikita ito sa tuwing may kulog at kidlat… speaking of kulog at kidlat, naalala ko na naman si Tungkung Langit.

Ilang buwan na nang marinig ko ang istoryang iyon galing sa kaniya. Halos isalaysay ko na nga sa sarili kong salita ang istoryang iyon dahil kusang mi-ne-morize ng utak ko ang istoryang iyon. Sauladong-saulado ko na at mukhang iyon na ang paborito kong kuwento tungkol sa pagmamahal. Hindi ko maitanggi pero si Tungkung Langit ay, maliban sa literal na kakaiba, talagang kakaibang magmahal. At ang kuwentong iyon ay galing pa talaga sa isang hindi inaasahang tao. Akala ko puro pa-pogi lang siya, akala ko puro kayabangan sa katawan dahil sa sobrang yaman lang ang alam niya. May iba pa pala siyang alam at mukhang hindi ko talaga siya lubos na kilala kahit na ang lahat ng tao sa bayan namin, kilala siya at ang pamilya niya.

Don’t judge a book by its cover, wika nga nila.

Kinamot ko ‘yung ilalim ng mata ko at tumayo na para sa pagpapastol ng kalabaw ng kapitbahay namin. Umalis kasi sila kaya hinabilin sa akin ang pag-aalaga nito. May alam naman ako kung paano kaya pinatulan ko na. Wala kasing ibang gawaing bukid na maibigay sina Tiya Judy sa akin, sa susunod na linggo pa raw.

Ilang buwan na nga ang lumipas magmula no’ng huling kaarawan ko. Nagbago ang taon at ilang araw na lang at magtatapos na ako sa high school. Nakapag-entrance exam na ako sa isang malapit na State College sa bayan namin. Kahit walang kasiguraduhan, sinubukan ko pa rin. Napilit din kasi ako nina Zubby kumuha dahil may balak silang sa parehong State College sila mag-aaral. Kaso, hindi ko pa alam kung naka-pasa ba ako o hindi, matagal pa kasi mabibigay sa amin ang resulta kaya hindi pa talaga sigurado ang lahat.

May isang State University pa silang in-offer sa akin na kuhanan ko raw ng entrance exam pero masiyadong malayo, sa may kabisera ng probinsiya namin malapit ang State University na iyon kaya kahit gusto ko man, tinanggihan ko na lang kasi paniguradong hindi ko kakayanin kung doon nga ako makakapag-aral.

Tapos si Fabio naman, kumuha ng entrance exam sa Philippine Normal University – Visayas. Inaya niya ako. Sinubukan ko naman kahit wala sa listahan ng kukunin kong kurso ang pagtuturo. Siguro kung wala na talagang pagpipilian na iba, baka ‘yon, patulan ko ang pagtuturo. Wala kasi talaga sa dugo ko iyon.

Malakas na tumunog ang cell phone ko kaya kinuha ko iyon sa bulsa ng aking short at agad tiningnan kung sino ang tumatawag.

Zubeida Yesenia Mahinay is calling…

Bakit naman tatawag sa isang normal na Sabado itong si Zubby?

Matagal bago ko nasagot ang tawag dahil tinitigan ko pa ito ng ilang minuto at oo, maganda kasi ang ringtone kaya pinakinggan ko pa.

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon