021 : Short story

19 4 1
                                    

Truth or dare?

"Water break muna!" sigaw ng kinuha naming choreographer. Ang section namin ang napiling ilaban sa isang dance competition kaya heto kami, walang kapaguran sa pagpa-practice.

Lumapit ako sa kaibigan kong si Missy. Nakaupo na siya sa lapag malapit sa bag namin. Kasalukuyan na rin siyang umiinom ng tubig.

"Paabot ng tubig ko," pakisuyo ko sa kanya. Ayoko na ring umupo dahil maya-maya pa ay tatawagin muli kami para sumayaw.

"Uy, stress na stress ka ha." Napalingon ako sa kadarating lang at nagsalitang si Andrew, crush ko.

"Pagod lang," sagot ko naman saka uminom ng tubig. Dinig ko naman ang pagtikhim na ginawa ni Missy. Mahina at pasimple ko siyang sinipa.

"Doon muna ko ha. Kausapin ko sila," pagpapaalam ng kaibigan ko saka umalis. Alam ng buong section namin na may gusto ako kay Andrew at maging siya ay alam din 'yon.

"Sige," sagot ko sa kaibigan bago siya tuluyang umalis at itinuloy ang pag-inom ng tubig.

"Ayusin mo ang buhok mo, sayang ganda," saad naman ni Andrew na sinabayan niya ng tawa.

Lumingon ako sa kanya at hindi agad ako nakagalaw nang marahan niyang iniligay ang mga takas kong buhok sa likod ng tainga ko. Nakangiti pa siya noong ginawa niya iyon.

Naramdaman ko naman ang agad na pag-init ng pisngi ko kaya madali akong umiwas ng tingin.

"Balik na sa pagsasayaw!" sigaw ng choreographer namin. Walang pasabi akong umalis doon at bumalik sa gitna habang nagpipigil ng ngiti at kilig.

"Ano 'yon ha!" pang-aasar sa akin ni Missy nang makalapit ako. "May pahawi-hawi ng buhok, girl!"

"Ewan ko sayo!" sagot ko sa kaibigan. Nilingon ko ang gawi ni Andrew at naabutan ko siyang nakatingin sa amin habang may malapad na ngiti sa mga labi.

"Baka hindi ka makasayaw nang maayos ha!" patuloy na pang-aasar niya sa akin. Kung hindi ko lang napigilan ang sarili ko, kanina ko pa siguro nahampas nang nahampas si Missy sa sobrang kilig.

Tumuloy kami sa pag-eensayo ng sayaw. Hindi ko maipagkakailang mahirap ang mga step pero agad ko rin namang nakukuha.

Natapos ang dalawang oras na pagsasayaw at inanunsyo ng aming choreographer na pwede na kaming kumain ng lunch. Naghiyawaan naman ang ilan kong mga kaklase. Sa wakas ay mahabang pahinga na rin.

Naupo ako sa sahig kung nasaan si Missy. Kasalukuyan siyang nagbubukas ng baunan niya, ganon din ang ilan naming mga kaklase. Ang ilan naman ay nagpunta pa sa canteen.

Kinuha ko na rin ang baon ko sa bag. Magsisimula na sana akong kumain nang may naupo rin sa tabi ko. Pa-indian sit siyang umupo, dala-dala ang baunan niya.

"Pasabay ha," sabi ni Andrew nang makapwesto na saka sumubo mula sa kanyang pagkain.

"No problem!" sagot ni Missy. Pasimple pa siya kung sikuhin ako. Mas kinikilig pa ata ang kaibigan ko kaysa sa akin.

"Pwede ka ba sa Sabado? Kain tayo sa labas. Treat ko!" Mabuti na lang ay hindi ko pa naisusubo ang pagkain ko nang sabihin iyon ni Andrew. Malamang ay naibuga ko na ang kinakain ko kapag nagkataon.

Makahulugan naman kaming nagkatinginan ni Missy. Totoo ba 'to? Niyayaya akong lumabas ng crush ko?

"Ha? Sige ba!" sagot ko saka sumubo. Pilit kong itinatago ang kilig ko. Bwisit na Andrew 'to!

Nagtuloy-tuloy ang pag-kain naming tatlo habang nagkukuwentuhan. Minsan pa ngang nagbiro si Missy na thirdwheel daw siya. Tinawanan lang naman iyon ni Andrew.

Natapos na kaming lahat kumain. Maging ang ilan naming mga kaklase ay nakabalik na rin pero wala pa rin ang choreographer namin kaya naisipan naming lahat na bumuo ng bilog at maglaro ng truth or dare.

"Kung sino ang tatapatan ng bote, siya ang tatanungin. Kung kanino naman tatapat ang kabilang dulo ng bote, siya ang magtatanong. Game?" Pagpapaliwanag ng kaklase ko. Sabay-sabay naman kaming sumagot ng 'game!'.

Magkatabi kami ni Missy samantalang sa malayo naman naupo si Andrew. Okay na rin 'yon, makakapagpigil ako ng kilig.

Nagsimulang paikutin ang bote na sa akin naman tumapat. Sa kabilang dulo naman ay ang president naming game na game sa kalokohan.

"Truth or dare?" natatawang tanong niya.

"Truth!" matapang na sagot ko.

"Ano at sino ang ideal guy mo?" tanong niya.

Nangibabaw naman ang sigawan at tilian sa aming lahat. Isinisigaw pa ng iba ang pangalan ni Andrew. Nanahimik naman sila nang magsalita na ako.

"Magaling sumayaw," unang sagot ko.

"Andrew!" sigaw ng isa sa mga kaklase ko.

"Magaling magdrawing,"

"Andrew na talaga!"

"Kahit hindi maganda ang boses basta magaling maggitara."

"Andrew nga!"

"Nasagot mo na ang 'ano'. 'Sino' naman?" tanong ng aming president na nagpatahimik sa buong klase.

"Si Andrew," matapang na sagot ko nang may ngiti sa labi at nilingon siya. Nagtilian naman silang lahat.

"Andrew, anong masasabi mo? Ligawan mo na kasi!" Pang-aasar pa ng isa kong kaklase. Lahat sila ay nagtitilian na at halatang kinikilig. Dapat hindi na siya tinatanong, hindi naman tumapat sa kanya ang bote!

Nang tanungin siya ay agad na nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Naging seryoso rin ang kanyang mukha na nagpakabog nang malakas sa aking dibdib.

"Sorry, Abby, pero may girlfriend ako."

The UntoldWhere stories live. Discover now