Perya
"Sa letrang B, kalbo!"
"Pasok na kayo sa horror booth namin, sampung piso lang!"
"Popcorn kayo, ma'am."Samu't saring alok at sigawan ang nangibabaw nang muli akong tumuntong sa peryahan. Ang saya at tuwa noong unang beses ko rito ay hindi pa rin nawawala. Alas siete pa lang ng gabi ay agad na akong nagtungo rito. Piyesta na naman kaya maraming tao para magperya.
Tulad ng dating nakasanayan, nagtungo ako sa isang pwesto rito. Kailangan mo lang maghagis ng piso sa isang malapad na board na nakalatag sa mahaba at malaking lamesa. Mayroong iba't ibang sulat iyon. Kapag tumapat ang piso mo sa nakadrawing na kahon na naglalaman ng numero na '2' ay may dalawang piso ka. Kung sa salitang tasa naman ay may tasa ka. At kung ano-ano pang papremyo.
Paswertihan na lang siguro ang paglalaro nito. Tyamba kumbaga. Naghagis ako ng piso, walang tinamaan. Muli akong naghagis ng magkakasunod na barya ngunit wala pa rin. Para hindi makasagabal, agad hinawi ni ate na nagbabantay ang mga baryang wala namang natatapatan.
"Daddy, gusto ko ng teddy bear!"
Napalingon ako sa kaliwang banda ko. Naroon ang mag-ama na handa ring maglaro. Itinuro pa ng bata ang maliit na teddy bear na nakasabit sa itaas.
"Sige, kukunin ko para sayo." Sagot ng kanyang ama.
Tulad ng ginagawa ko, naghagis din ng barya ang matanda. Ilang subok pa lang ay tumapat na ang kanyang piso na nakadrawing sa kahon na may sulat na 'teddy bear'. Agad namang nagtatatalon ang bata nang ibigay sa kanya iyon ng lalaking nagbabantay.
"Gusto ko rin." Bulong ko sa sarili.
Muli akong humarap sa malapad na board sa aking harapan. Naghagis ako nang sunod-sunod na barya. Laking tuwa ko nang tumapat din iyon sa may nakasulat na 'teddy bear'!
"Yes!" napasigaw ako sa tuwa.
Agad namang lumapit sa aking ang isang lalaking pormal manamit. Nakaslacks pa ito at nakatupi hanggang siko ang kanyang puting long sleeves. Kagagaling lang ata sa trabaho. May bibit din siyang malaking teddy bear sa kanang kamay at mga rosas sa kaliwang kamay.
"Hindi mo naman kailangan maglaro pa riyan para sa isang teddy bear." Saad niya nang makalapit sa akin.
Inabot niya ang hawak na teddy bear at mga rosas nang may ngiti sa mga labi. Unti-unti rin namang sumilay ang ngiti sa aking mga labi para abutin ang kanyang ibinibigay. Akala ko ay hindi na siya darating. Tinupad niya ang kanyang pangako.
"Miss! Ano ba, maglalaro ka pa ba?!" Bumalik ako sa ulirat nang sumigaw 'yong lalaking nakatoka sa larong ito. "Ang sabi ko lumagpas nang kaunti ang hinagis mong piso kaya hindi ka makakakuha ng teddy beear! Nakaharang ka, maraming maglalaro oh!"
Tumango ako nang sunod-sunod dahil sa pagsigaw niya. Umatras ako ng tatlong beses para magbigay ng espasyo sa iba pang maglalaro.
Naalala ko na naman ang lahat. Nakaraang taon pa pala nangyari iyon ngunit hindi ko pa rin magawang kalimutan. Naalala ko na naman kung paano ka dumating galing sa trabaho at inabutan ako ng malaking teddy bear. Narito rin ako sa pwestong iyon nang dumating ka; tumatawa dahil sa saya sa pagtapat ng aking piso sa malapad na board.
Pagod ka pa noon ngunit pinili mong samahan ako sa peryahan himbis na magpahinga. Pauwi na tayo nang bumangga ang sinasakyan natin sa humaharurot na truck. Matagal na nga pala iyong nangyari. Binawian ka nga pala ng buhay noon bago ka pa maisugod sa hospital. Oo nga pala.
Kung inaya na sana kitang umuwi, kung hindi mo na sana ako sinamahan pa, siguro ay buhay ka pa. Siguro ay kasama pa kita. Siguro ay magkasama pa tayong tumatawa at nagsasaya habang nagpeperya. Siguro ay marami na tayong nabuong alaala sa mumunting peryahan na 'to.
YOU ARE READING
The Untold
PoesíaA collection of lame one shot stories, ugly poems, and random thoughts. In short, a collection of trashes.