023 : Short story

17 4 0
                                    

Happy Valentine's Day

Kaliwa't kanan, maparito man o maparoon, kahit saan ako tumingin ay mga magkakasintahan ang pumuno sa buong parke. Nariyan pa ang mga tindero at tindera kaharap ang kani-kanilang mga paninda—mapupulang rosas, malalaking lobo, matatamis na tsokolate at kung ano-ano pa. Kung tutuusin ay ako na lang siguro ang walang kasama rito ngayon; mag-isa at naghihintay sa pagdating mo.

Ilang oras na mula noong dumating ako rito pero kahit ni isang anino mo ay wala akong nakita. Nag-aaway na ang isip at puso ko kung dapat pa ba akong maghintay o dapat na ba akong umalis; baka hindi ka na darating, baka nagbago na ang isip mo, baka nakalimutan mo na ang araw na ito.

Sa ilalim ng malaking puno, naroon ako; nakaupo at nakasandal sa katawan nito, naghahanap ng masisilungan. "Darating ka pa kaya?" paulit-ulit na tanong sa isip ko. Nalusaw na ang sorbetes na binili ko ngunit wala ka pa. Nag-alisan na ang ilang mga tao ngunit kahit anino mo ay hindi ko pa nakikita. Nagkakaubusan na ng mga paninda ngunit hindi ka pa dumarating. Bigo at naluluha, nagsimula akong maglakad paalis sa parke; nakayuko at pinaglalaruan ang mga daliri. Dapat na siguro akong umuwi.

Nang marating ang kalsada, maraming tao ang naghihintay makatawid. Matulin pa kung tumakbo ang mga sasakyan. Ngunit isang tao lang ang nahagip ng paningin at atensyon ko. Nang nakita kita, tila nawala ang mga tao at bumagal ang mga sasakyan. Mula sa malulungkot, pumungay ang aking mga mata. Sa wakas ay dumating ka na!

Maayos ang pagkakaparte ng buhok mo. Suot mo rin ang bago mong biling t-shirt at sapatos. Sa kaliwang kamay mo ay hawak mo ang pulang rosas. Mabilis na pumorma ang ngiti sa aking mga labi. Nagsitigil na rin ang mga sasakyan, hudyat na maaaring tumawid na ang mga tao. Inayos ko ang aking damit, maging ang pagkakasukbit ng aking bag sa balikat. Nagsimula na akong maglakad patungo sa direksiyon mo nang hindi inaalis ang ngiti sa mga labi, at ganoon ka rin.

Ngunit parang tumigil ata ang mundo ko nang lagpasan mo ako. Dire-diretso ang lakad mo kasabay ang mga tao patungo sa kabilang parte ng kalsada. Dinaanan mo lang ako na parang isa akong multo at hindi mo ako nakita. Naiwan akong nakatayo sa gitna ng kalsada. Umikot ako para harapin ang direksiyong tinahak mo. Naroon ka na sa kabila, kaharap ang isang magandang babae. Pinaulanan mo siya ng mga halik sa noo at mahigpit na yakap. Sa kanya mo rin inabot ang dala-dala mong rosas.

Tila bumabahang bumalik sa aking alaala ang nakaraan. Isang taon na ang nakalipas. Tatlong oras akong naghintay sayo sa parke sa parehong araw at sa parehong oras. Dumating ka ngunit tinalikuran lang kita at hindi pinakinggan ang paliwanag mo. Dire-diretso ang lakad ko, hindi alintana ang dami ng tao at sasakyan.

"Ayla!"

Huling beses kong narinig ang boses mo at huling beses na tinawag mo ang pangalan ko. Nagliwanag ang kanang bahagi ng daan. Isang rumaragasang sasakyan ang dire-diretso ang takbo, tila ba nawalan ng preno. Hindi na nito nagawa pang iliko ang manubela. Ang huling bagay na naalala ko ay tumilapon ako sa kabilang parte ng daan bago tuluyang magdilim ang paligid at hilain ako ng antok.

Kung sana ay pinakinggan ko ang paliwanag mo, kung saan ay hindi ko pinairal ang galit ko, sana ay buhay pa ako at kasama ka sa araw na ito. Sana ay ako ang babaeng kasama mo. Sana ay sabay nating babatiin ang isa't isa ng matamis na "Happy Valentine's Day".

The UntoldWhere stories live. Discover now