LIPI NG DIABLO
Isinulat ni Alex AscIlang araw na silang umaali-aligid sa bahay ko, hindi nila ako tinatantanan. Talagang nais na nila akong pabalikin sa samahang iyon. Akala ko, natibag na ang kultong iyon, sa haba ng panahon na nagdaan, bakit ngayon pa lang sila nagpaparamdam.
Malakas ang sinag ng araw na nagmumula sa bintana nang umagang ito. Tumayo ako mula sa pagkakahiga. Nilingon ko ang asawa ko, tulog pa rin siya ngunit wala ang anak ko.
Kumabog ang dibdib ko, mabilis akong napatayo at tumungo sa bintana. Natanaw ko si Jersey na naglalaro sa bakuran namin.
Nakahinga ako ng maluwag kahit hindi ko lubos maisip kung paano siya naparoon.
Ngunit napadako ang mga mata ko sa apat na nilalang. Mga nakasuot ng itim na maluluwang at mahahaba hanggang tuhod na may hood. Bahagyang natatakpan ang kalahati sa kanilang mukha dahil sa suot. Matitipuno sila't malalaki ang katawan. Pumaparoon sila sa aking anak.
"Huwag!" bahagya akong napasigaw. Tumingala sila sa akin. Mabilis akong bumaba sa hagdan ng bahay at patakbong tinungo ang anak ko.
Nayakap ko si Jersey ng marating ko siyang patuloy pa ring naglalaro. Karga ko na siya habang hinahanap ng tingin ang mga 'yon sa kapaligiran.
"Hinding-hindi kayo magtatagumpay!" sigaw ko sa kanila.
Napatingala ako sa may bintana, nakadungaw roon ang asawa ko habang pansin sa kaniya ang pagtataka.
Kumakain na kami ng mga sandaling ito. Hindi ko nalalasahan ang pagkain dahil palagi akong napapasulyap sa anak ko. Labis-labis na ang pag-aalala ko sa mag-ina ko.
"Jerry, ano ba itong nangyayari sa iyo?" takang tano ni Rebecca, ang asawa ko.
"Ikaw dapat ang sumagot niyan," wala sa sarili kong sagot.
Nagtagpo naman ang kilay niya sa sinabi ko.
"A-ang ibig kong sabihin, dapat binabantayan mo si Jersey, tingnan mo at narating pa niya ang bakuran."
Sadyang nakakapagtaka rin kong iisipin. Sa idad na halos tatlong-taong gulang pa lamang ay nagawa niyang bumaba sa hagdan at tumungo sa labas. Marahil kagagawan nila iyon, malakas ang kutob ko.
"Pasensya na rin, tulog rin kasi ako e. Nakakapagtaka paano nabuksan ang pintuan at nakababa't nakalabas ang anak mo," wika niya.
Huminga lamang ako ng malalim.
Madilim ang paligid ng mga sandaling ito, habang tinatahak ko ang kakahuyan. Napatanaw ako sa lalaking tumakbo sa may puno at kumubli roon, sadyang napakabilis niya. Sa kabilang dako naman may tumakbong parang pitik lamang kung dumaan. Hanggang sa lumilibot na sila ng mabilisan sa paligid ko. Napakatulin nila at nahihilo na ako sa kanilang ginagawa.
Napaluhod akong sapo ang ulo ko. Tumigil sila at nagsalita.
"Jerry, bumalik ka na at ituloy ang nasimulan ng ating angkan! Hinding-hindi kami matatahimik hangga't hindi mo ginagawa iyon!" nakakakilabot ang tinig niya na wari nanggaling pa sa hukay.
Iniangat ko ang ulo ko at ganoon na lamang ang sindak ko sa kaniya. Ang halimaw! Ang halimaw na pinatay ko noon, walang iba kundi ang aking ama. Nakasuot siya ng itim na mahaba at may hood sa ulo. Naglaho siya sa harapan ko at natanaw ko ang isa sa kanila na pumapalayo sa akin habang buhat nito si Jersey.
"Anak!!!" malakas kong sigaw sanhi upang mapabalikwas ako.
Katabi ko ang asawa't anak ko sa silid habang alalang-alala sila sa akin.
"Kanina pa kita ginigising, Jerry. Binabangongot ka," aniya sa akin. Hindi ako nakaimik.
Hindi ko magawang ipagtapat kay Rebecca ang karumal-dumal naming gawain noon. Sumumpa ako sa sarili kong magiging lihim ang lahat, hanggang sa abutan ako ng kamatayan. Ayaw kong magbago ang tingin niya sa akin. Ayaw kong katakutan niya ako at sabihing halimaw na mamatay-tao. Mahal na mahal ko ang mag-ina ko at lagi ko silang ipagtatanggol kahit kaninoman.
BINABASA MO ANG
MGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 5
HorrorMGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 5 Mga Oneshot stories ni Alex Asc MGA NILALAMAN 1- Tres Marias Aswang 2- Monkey Island 3- Anak ng dagat 4- The Boyband 5- Baby Sitter 6- Depression 7- Samantha 8- Surot 9- Lipi ng Diablo 10- Taong grasa 11- Karend...