ANGKAN NI MARIAH

574 19 0
                                    

ANGKAN NI MARIAH
Isinulat ni Alex Asc

Magkakasama ang magkakaibigan na tinatahak ang masukal na kakahuyan. Tanghaling tapat at pagod na sila sa paglalakad.

"Malayo pa ba, Mariah? Pagod na pagod na ako. Gaano pa ba kalayo?" pagrereklamo ni Reynalyn. Kanina pa kasing umaga nila nilalakad ang malawak na kakahuyan ngunit parang hindi nila mahanap ang lugar.

Habang nakatitig lang sa mapa at sinusundan ni Geoff ang compass.

"Sabi dito, sa may bandang kanluran pa, malapit na natin marating ang lugar," wika ni Geoff.

Lumingon siya kay Mariah na mababakas pa rin ang kalungkutan sa dalaga.

Namatay ang ina ni Maria ngunit naipagtapat naman ang tungkol sa ama ni Mariah.

Ang sabi ng kaniyang ina noon ay patay na ang kaniyang ama ngunit nitong oras ng pagpanaw ay inamin ng kaniyang ina na buhay na buhay ito. Ayaw na sanang sabihin ng ina kung saan matatagpuan ang ama ni Mariah ngunit mapilit ang anak kaya't nabanggit niya tuloy ang kinaroroonan. Bago pa tuluyang maglaho ay nakapagbitiw ng babala ang kaniyang ina.

"Anak, huwag kang pupunta roon. Pakiusap, mangako ka," pilit ang pagsasalita ng kaniyang ina. Nais pa sana niyang itanong kung bakit ngunit binawian na ito ng buhay.

Makaraang mailibing ang ina ay heto't inumpisahan nila ang balak. Kasama ng matalik niyang mga kaibigan. Apat na babae at isang lalaki.

Katunayan, iba si Geoff sa kanila. Kaibigan niya si Geoff at hindi ng tatlong iba pa.

"Bakit naman dito pa nakatira sa bundok ang iyong tatay?" wari'y pagrereklamo rin ni Irene.

"Guys... huwag naman kayo puro reklamo! Bakit pa kayo sumama kung hindi rin lang pala bukal sa kalooban n'yo!" wari'y pagtataray ni Judith na may halong biro ang tinig ngunit sa kaloob-looban ay napipikon na rin siya sa dalawa.

"Ako, bukal ang puso ko para sa GFF ko," sabay akbay ni Reynalyn sa Girl Friend Forever niya.

"Ako rin." Sabay lapit din ni Irene at inakbayan din si Mariah. Halos naipit na si Mariah sa paglalambing ng dalawa. Bumabawi lamang sila dahil napansin nilang nasasaktan pa rin ang kaibigan.

"'Di ba, pang-19th birthday mo, bessy?" wika ni Irene na iniba ang usapan. Kaya nga sila nagpasya na kumbinsihin si Mariah  patungo rito dahil iyon ang magiging regalo nila sa kaarawan nito ngayon. Nang sa gayon ay mapasaya nila ang kaibigan.

"May naririnig ako," sambit ni Geoff sabay senyas sa kanila upang matigil sa kakasalita.

Bahagya naman silang nagtago sa isang makapal na punong-kahoy. Ngunit wala namang dumating mula sa ingay na iyon. May kaluskos na wari'y umaali-aligid sa kanila.

Mabilis ang paglingon ni Geoff. Nagulat siya at hindi maitatanggi nang isipan niya na may parang tumakbo nang mabilis na kumubli sa may puno.

"Sino 'yan?" tanong ni Geoff habang unti-unting humahakbang paroon. Habang ang mga babae ay labis na takot ang gumapang sa kanilang dibdib.

Muli'y may mga kaluskos na mas lalong lumalakas. Nagpalinga-linga na silang apat pero wala silang matiyempuhan. Wari'y may mabilis na kakaibang nilalang na basta na lamang nagpapasalin-salin sa mga puno. Halos naiyak na ang mga babae sa labis na takot.

"Mariah, ano ba iyan! Mukhang may mga halimaw rito!" Halos maihi na sa short si Irene sa sobrang takot. At nagyakapan na lamang ang apat sa tabi ng malaking puno.

"Hindi kaya, aswang o engkanto ang iyong ama?" hula ni Reynalyn.

"Psst! Tumigil ka! It's not the right time!" sita ni Judith.

MGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon