"I DON'T get it, Tita Ali. Marami na kaming church na napuntahan ni Manong Gusting. I kept praying for the same thing. Pero bakit hindi matupad-tupad?"
Nahinto mula sa tangkang paglabas ng kwarto ng pamangkin si Aliyah pagkatapos marinig ang nagrereklamong boses nito. Bumalik ang kanyang mga mata sa labing-isang taong gulang na si Joshua na kasalukuyang naka-lotus position sa kama nito habang deretsong nakatitig sa kanya.
Naaaliw na ngumiti si Aliyah. "Bakit? Ano ba'ng ipinagdarasal mo sa iba't ibang simbahan at idinadamay mo pa si Manong Gusting?" tukoy niya sa driver ng school service nito. "Come on, sweetheart. 'Wag ka ng magpahaging pa. Is it a new bike? Matataas naman ang mga grades mo. I can buy you one."
"No." Umiling si Joshua. "Simple lang naman ang gusto ko, Tita. I just want an Uncle. Pero..." Sumimangot ang gwapo nitong mukha. "May kumokontra po yata sa prayers ko."
Naglaho ang ngiti ni Aliyah. May dalawang taon na rin sa pangangalaga niya ang bata. Isang taon pa lang siyang nakakabalik sa Pilipinas pagkatapos ng apat na taon niyang pagtatrabaho sa Amerika bilang architect nang sabay na naaksidente ang mga magulang ni Joshua. Nag-crash ang sinasakyang eroplano ng mga ito na papunta sanang Malaysia para sa second honeymoon.
Mabuti na lang at nang panahong iyon ay iniwan ng mga ito ang bata dahil kung nagkataong isinama sa biyahe si Joshua ay siguradong mag-isa na lang siya sa buhay ngayon. She shivered at the thought.
Ang ina ni Joshua na siyang ate ni Aliyah at nag-iisang kapatid ang nagtaguyod sa kanya para makapagtapos siya sa kolehiyo. Kahit walong taon lang ang tanda ng kapatid sa kanya ay sinikap pa rin nitong gampanan ang pagiging ama at ina sa kanya mula nang yumao ang kanilang mga magulang.
Their father was a soldier. Nasawi ito sa pakikipagbakbakan sa mga rebelde sa Zamboanga noong pitong taong gulang siya. Ang kanilang ina naman ay sumunod sa ama pagkalipas nang dalawang taon matapos atakihin sa puso. Joshua's father on the other hand, was also an orphan.
Sa loob nang dalawang taon ay masaya at kuntento naman silang namuhay ng kanyang pamangkin. But lately, the kid was beginning to ask her things she could never provide. Nagsisimula na itong maghanap ng iba pa raw makakasama nila sa bahay. Hindi niya maiwasang hilingin sa mga ganoong pagkakataon na sana ay hindi siya ang mag-isang nagtataguyod kay Joshua, na sana ay hindi namayapa ang mga magulang nito.
"Two months na lang, family day na naman."
Umupo si Aliyah sa kama ni Joshua at marahang hinaplos ang buhok nito. "Tulad ng dati, your Uncle Jeric and I can come with you. Hindi pa ba sapat sa 'yo si Uncle Jeric mo?" tukoy niya sa best friend niyang may-ari ng architectural firm na pinapasukan.
"Bakit po? Kayo na ba?"
Napasinghap si Aliyah. "Joshua!"
"I want a constant buddy, Tita Ali." Nakikiusap na tinitigan siya ni Joshua. "It's always been you and me. Hindi ka po ba nalulungkot? Oo nga po at nandiyan si Uncle Jeric pero hindi naman palagi. Kung hindi lang naman po namatay si Daddy, hindi naman po ako maghahanap sa inyo."
Frustrated na napatayo si Aliyah. Sa nakaraang mga linggo ay ang love life niya ang pinagdidiskitahan ng kanyang pamangkin na siguro ay impluwensiya na rin ng mga napapanood o napapansin nito tuwing lumalabas sila. Naiintindihan niya naman ang pamangkin. Joshua was growing really fast. There were some things that he could not confess to her.
"Am I not enough for you, Josh?" mahinang tanong ni Aliyah nang hindi na malaman ang isasagot.
"I love you, Tita Ali. You're the best aunt in the world," sa halip ay malambing na sagot ni Joshua. "Pero hindi ba pwedeng magka-boyfriend ka na para may makasama na tayo rito? My teacher said he was willing to apply for the position if it's still vacant. Hindi ko gaanong naintindihan ang sinabi niya pero sa tingin ko, gusto niyang manligaw sa 'yo."
"I guess... I'll just have to buy you a new bike." Masuyong hinagkan ni Aliyah sa noo si Joshua. "Good night, sweetheart," aniya at mabilis nang umalis ng kwarto ng pamangkin.
Nang maisara ni Aliyah ang pinto ay sunod-sunod siyang humugot ng malalim na hininga para kontrolin ang pagsigid ng kirot sa kanyang puso. Kung sana ganoon lang kadali ang hinihiling ni Joshua ay pagbibigyan niya ito. But a boyfriend was too much. The last time she had one, it took all of her strength to find the will to move on when they broke up.
Aliyah had the tendency to give and love too much, that was her problem. Meanwhile, the men around her had the tendency to hurt her just as much, that was another problem.
"I'm so sorry, sweetheart," namamasa ang mga matang naibulong ni Aliyah sa nakasarang pinto. "Noong huli kasing nagmahal si Tita Ali mo, halos hindi niya na makilala ang sarili niya pagkatapos. Kapag sumubok siya uli at nadapa uli, baka kahit ang isiping bumangon ay hindi niya na magawa."
BINABASA MO ANG
Echoes Of I Do
Romance"Wherever I go, my heart will always yearn for you." (Published under Precious Pages Corporation) Kung kailan nagsisimula na si Aliyah na buuin ang sarili pagkatapos ng matinding pagkabigong dinanas kay Brennan ay saka naman muling bumalik sa buhay...