Letter P

20 0 0
                                    

Maraming salamat sa patuloy mong pagbasa sa Letter A-Z! 
Alin na ba sa mga "letrang-sawi" ang masasabi mong naranasan mo na rin?

Uulitin ko lamang na huwag mo sanang husgahan ang babae sa likod ng mga liham na ito. Ito'y kathang isip lamang ng awtor. Nawa'y iyong magustuhan.





Paolo, 

Nako, nako! Ayaw talaga kitang sulatan pero naisip ko na ano pa bang magagawa ko kung hindi sulatan ka dahil parte ka ng aking nakaraan. 

Nakaka-miss pisilin ang iyong mga pisngi na para bang lagi kang nagpapa-cute sa salamin. 

Teka lang ah, baka naman isipin mo na kaya ko nagsulat sayo para makipagkita ako at makipagbalikan. 

No. No. NO!


Pero bakit hindi? Sa totoo lang, gustong-gusto kitang makapiling muli sa mga oras na ito. 

Alam mo ba bakit ako nagsulat? Syempre, gusto ko lang talaga sabihin at ipaalala sa'yo ang mga pagkakataon na magkasama tayo. Hatid-sundo pero nagtatago ka sa mga magulang ko dahil iniisip mo na ayaw mong mahabol ng itak ng tatay ko. 

Totoo, kahit ganoon man ang nasa isip mo sobra akong natutuwa sa'yo.  Sobra kitang minahal. 

Hindi ito ang unang beses na susulatan kita, mahilig ka kasi sa mga love letters. Pero iba 'to sa mga letters na naibigay ko na sa'yo noon pa. Gusto mo palagi kang makakatanggap ng mga liham para sabihing espesyal ka. 

Totoo naman, espesyal kang tao sa akin, hindi dahil mahal mo ko 'non kung hindi mahal talaga kita sa mga pagkakataon na 'yon. 

Laking pasasalamat ko nga ng hindi mo ako hinusgahan sa mga nakaraan ko. Gaano kamiserable ang buhay ko na idagdag mo pa ang mga naging karelasyon ko. Nang maikwento ko nga sayo si Oscar, akala ko magbabago ka pero hindi, nandon ka pa rin sa pagiging mabuting tao mo. 

Magkaibigan pa lang tayo 'non ng isa-isahin kong sinabi sayo yung mga pagkakamali ko ng minahal ko si Oscar. Naibahagi ko rin sa'yo na ako ang nasa maling sitwasyon pero ako yung matapang. Doon ka nakatunog kung bakit ako lumipat ng ibang trabaho dahil may iba pa lang masamang nangyari sa pinagtatrabahuhan kong kompanya. 

Ngumiti ka lang sabay sabing "Ganoon naman talaga ang nagmamahal, kahit masakit na pinipilit mo paring gumagawa ng paraan", pero napansin mo na tila ba hindi pa rin ako ngumingiti sa mga sinasabi mo, kaya nagpahapyaw ka muli na kahit kailan hindi ko makakalimutan...

"May dalawang pangyayari kapag nagmamahal tayo, pipiliin mo ba ang pagmamahal na nararamdaman mo o pipiliin mo ang sasabihin ng ibang tao kaya mananahimik ka na lang? Sa pagkakataon na 'yon pinili mo ang pagmamahal na kung ano ang nararamdaman mo kahit anuman ang sabihin ng ibang tao sa'yo. Naging matapang ka kahit alam mong mali kasi nagmahal ka, pero di mo pwedeng isisi sa sarili mo lahat ng pagkakamali kung hindi lang ikaw ang nakaramdam ng pagmamahal sa inyong dalawa"


Tingnan mo? Tandang-tanda ko pa rin ang sinabi mo sa akin, hinding-hindi ko ito makakalimutan. 

Sa mga oras na 'yon, doon mo pinagaan ang loob ko. Sinabi ko pa nga sayo na "ang swerte ng babaeng mamahalin mo dahil mayron siyang lalaking kagaya mo na futuristic mag-isip"

Tawang-tawa ka sa mga sinabi ko na para bang nagbibiro lang ako sayo. 


Ilang buwan din ang hinintay mo para aminin sa akin na gusto mo talaga ako, na iba na ang nararamdaman mo kapag nakikita mo ko at magkasama tayo. 

Hihintayin mo talaga akong umuwi kahit ang mga kaibigan natin ay nagsipag-uwian na. Gusto mo kasing masigurado na ligtas ako kapag uuwi na ako. 

Nang gabi na ring iyon, doon mo sinabi sa akin na handa kang maghintay para sa akin. 

Hindi ako makapagsalita.

Nandoon na naman ako sa iniisip ko na "handa na ba akong magmahal muli at ikaw na ba talaga ang huli kong mamahalin?" 

Binasag mo muli ang katahimikan at sinabing, huwag ako mag-alala dahil handa ka maghintay. Natuwa ako sa mga sinasabi mo noon kahit hindi halata sa mukha ko. 



Dalawang buwan ang lumipas ng mapagdesisyunan kong sagutin ka. Tuwang-tuwa ka ng mga oras na 'yon at nangako na kahit anumang problema ang dumating hindi tayo susuko. 

Ngunit sa 1 taong pagkakakilanlan at 3 buwang pagsasama bilang magkarelasyon, binasag mo muli ang puso kong patuloy na umasang may magmamahal sa akin panghabang-buhay. 

Hindi ako makapaniwala na wala ng mag-te-text o chat sa akin ng magandang umaga, hihintayin ako para may kasabay ako pumasok at ihahatid para makita na ligtas akong makakauwi sa amin. 


Nakita ng mga kaibigan natin sa trabaho gaano ako nasaktan sa pangyayari. Kahit anong pilit kong magtrabaho, wala ni isa sa mga kaibigan natin ang kinakausap ko. Sobra pa rin ang pasasalamat ko sa kanila dahil inunawa nila ako sa mga masasakit kong karanasan. 

Sobrang hirap tanggapin ang lahat Pao, minu-minuto kong tinitingnan larawan natin at iniisip na sana hindi nangyari sa atin ito. Na sana hindi mo ako iniwan. 


Hindi mo ko hinayang mag-isa sa laban na ito. Lahat ng masasaya at magagandang alaala ay tanging alala ko na lamang. 

Paano kita babalikan kung alam kong wala ka na? Sana mabasa mo ito.

Ngunit Pao, hindi ko alam kung makakahanap pa ba ako ng lalaking katulad mo na handa akong ipaglaban. Sobra akong nalulungkot at humihikbi  na habang hawak ko ang kamay mo nakikiusap na sana huwag mo akong iwan, ngunit kahit anong pag-iyak ko sa'yo hinayaan mo lang ako at kusang binatawan ang aking mga kamay. 










Happy 1st Death Anniversary Pao, hindi ko man maipadala ang liham na ito sana nababasa mo pa rin ang nilalaman ng puso ko. Lagi kong tatandaan ang pangako mo para sa akin na alagaan ang aking sarili at piliin pa rin ang taong handa akong mahalin ng higit sa naibigay mo. 

Sana, isang malaking sana na mayroon pang kagaya mo na handa akong mahalin at handa akong piliin kahit hindi ako kapili-pili. 

Letter A-ZTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon