Letter D

98 4 2
                                    

Dave,

Masaya ka na sa buhay mo ngayon. Wag kang mag-alala dahil gusto ko lang sabihin sayo yung mga bagay na 'di ko nasabi sayo 'nong basta-basta mo na lang akong iniwan sa LRT. 

Nakakaloka ka. Hindi ko alam bakit bigla mo na lang akong sinigawan 'don na alam mo namang monthsary natin. Nakipagsiksikan ka pala talaga para lang makapasok at hinayaan mo akong maiwan ng tren. 

Hindi ko talaga lubos maisip kung bakit mo ginawa 'yon. Umuwi ako sa bahay na nagtataka kung bakit mo ako sinigawan. Yung ang bigat ng nararamdaman ko kaya lang kailangan kong magtimpi muna para lang hindi mahalata ng Nanay at Tatay ko kung ano bang nangyari sa akin. Noong ipinaliwanag mo sa akin ang lahat naunawaan ko na at kung nakikita mo ako ngayon. Natatawa ako ng bongga.

Aaminin ko nasaktan na naman ako ng sobra 'nong inamin mo sa akin ang katotohanan. Hindi mo ako masisisi sa mga pinagsamahan at pinagsaluhan nating alaala. Masarap kasi makita na pinahahalagahan ka ng taong sobra mo ring pinahahahalagahan at binibigyan ka ng importansya kahit sa maliit na bagay lang.

Kaso hindi na talaga ako nadala. Hindi talaga ako marunong mag-isip sa mga gantong sitwasyon. For short "shonga ako".

Isang malaking "telenovela" lang pala ang lahat sa atin. Yun bang may nakatutok na kamera at kailangan nating maging sweet sa isa't isa. Ikaw na ang BEST ACTOR pagdating sa pag-aartista. Hindi ko alam paano naging maayos ang relasyon nating dalawa na may tinatago ka pala. Hindi ko man lang alam kung ano yon. Magaling kang matago. Alam mo kung saan ilalabas ang mga sitwasyon katulad nito. 

Hindi ko lubos malaman na dumating tayo sa puntong iiyak tayo pareho. 

Naiintindihan kita kung bakit mo ginawa iyon. Yun nga lang ang hirap lang sa akin na matanggap. 

Sa unang pagkakataon na magkita tayo nakaramdam ako nang lungkot. Bakas kasi sa mata mo na hindi ka masaya sa ginagawa mo. Yun bang "go with the flow" ka lang sa lahat ng mangyayari. At hindi naman ako nagkamali 'don. 

Tumingin ka sa akin bigla sabay titig ng matagal. Hindi ko alam bakit hindi ko agad inalis ang pagkakatingin ko sayo. Pakiramdam ko talaga 'non parehas tayo ng nararamdaman. Malungkot. Sawi atbp. COMPATIBLE ika nga. 

Haaaaaaay! Lagi na tayong nagkikita sa park. Nakipag-usap ka na sa akin nang masinsinan. Inalam mo na ang pangalan ko pati kung ano ba yung tipo ko sa lalaki.

N'ong minsan tayo nagkakwentuhan tungkol sa mga kahiligan natin, ang lakas ng trip natin sa mga dumadaan na magkasintahan. Hindi sila bagay dahil kung hindi panget yung babae yung lalaki naman. Basta, tuwing hapon ng sabado. Palagi tayo nadoon para mam-bully ng mga nagmamahalan na hindi natin napansin na isa na tayo sa kanila. Mahal na ang isa't isa. 

Yung pinitas mong santan na sinabi mo tayo na. Na umaalma ako kasi hindi ka naman nanligaw. Pero sabi mo nanliligaw ka na sabay sumimangot ka. Oo, nanligaw ka na binibiro lang kita 'non. Pero nakakakilig yung sinabi mo na "tayo na kasi alam na natin sa isa't isa" 

Tama ka. Alam na natin sa isa't isa kaso ikaw alam mong mahal kita pero ako hindi ko alam kung naging totoo ba.

Wag kang magagalit ah? Pero gusto kong ulitin 'yon. Gustong-gusto. Kahit alam ko na malabo na. Mas malabo pa sa ilog pasig.   

May isang araw tayo na sobra sa pagkawirdo. Tahimik lang tayo, walang gustong magsalita kahit isa. Tapos hinawakan mo lang yung kamay ko sabay ngiti. Alam ko sa mga oras na 'yon may problema ka. Hinayaan kita na umiyak. Hindi na ako nagtanong kasi alam kong mabigat ang nararamdaman mo. 

Hanggang ngayon alam ko dinadala mo 'yan. Sinunod mo ang gusto mo kahit na ayaw ng mga magulang mo. Ikaw na nga nagsabi sa akin na "choose what makes you happy". 

Kaya kita pinili kasi ikaw yung nagpapasaya sa akin. Kaso, isa ka rin sa dumurog ng puso kong umasang muli. 

Inabot na tayo ng gabi sa daan, sabi mo sa akin magtiwala lang ako sayo na ginawa ko naman hanggang ngayon. 

Ilang araw, buwan na muntikan ng umabot sa taon, naging masaya tayo pareho at hindi mo naman ipinagkaila sa akin 'yon. Yung tawanan natin sa tuwing kakain tayo sa labas, yung sweet words mo rin ng sinabi mong thank you sa pagmamahal. 

Dave, Dave, Dave. Alam ko marami ng nagbago sayo. Alam ko na hindi na lang ikaw yung bastang Dave na nakilala ko. Nakakalungkot isipin na isa ka na lamang alaala. I miss you. I really miss you. 

Sa pag-iwan mo sa akin sa LRT, don ko narealize na may nagbago sayo. Hindi ko alam kung ano, kung bakit, para saan o kung ano pa. Basta alam ko may nagbago. Hindi ko na dama yung dating tayo.

Tinatawagan kita at tinetext pero hindi ka sumasagot. Hinanda ko sarili ko sa maaaring mangyari. Ramdam ko 'non na baka makipaghiwalay ka na kasi alam ko na 'yun din yung patutunguhan.

Umiyak ako ng umiyak hanggang kinabukasan napansin ng Nanay ko na namamaga ang mata ko. Wala na lang talaga akong imik 'non kasi ayaw ko ng lumaki at ayaw ko ng magpaliwanag sa kung ano bang mayroon na sa atin.

Hanggang isang gabi tumawag ka, seryoso at hindi ko alam ang sasabihin ko. Ang korny ko lang kasi umiyak ako habang kausap ka na umiyak ka rin kasi hindi mo na alam yung mangyayari kung di mo pa sasabihin sa akin. 

Panay ka sorry na hindi ko naman alam ang rason kung bakit. Nang nagkita ulit tayo sa park bumalik ang saya sa akin. Niyakap mo ako ng mahigpit at binalikan ko yun ng sobrang higpit din. Ramdam ko na mahal mo pa ako ng mga oras na 'yon. Namumula na ang mata mo na dapat pupunasan ko pero niyakap mo akong muli. Pinagtitinginan tayo ng mga tao. Hinayaan natin sila kasi parehas nating gusto na maramdaman na mahal natin yung isa't isa. 

Sa pag-upo natin walang may gustong bumasag ng katahimikan. Gustuhin ko man hindi ko alam paano sisimulan. Nang magsalita ka tungkol sa Tatay at Nanay mo na mayroon silang ayaw sayo, nagbakasakali akong hindi ako dahilan para maghiwalay tayo. Yun talaga ang iniisip ko 'non dahil gusto kong maniwala na di matatapos kung ano ang nasimulan natin pareho.  Hanggang sa nangyari na nga ang ikinatatakutan ko. 

Marami akong hindi alam sayo at marahil ikaw rin marami kang hindi alam sa akin. Pero hindi ko inisip na magtatago ka ng sobrang bigat na nararamdaman na alam mo sisira sa ating relasyon.  

Hindi halata sayo na hilig mo rin sa kagaya mo. Noong sinabi mo na hindi mo alam kung paano lulutasan ang gantong sitwasyon dahil alam mong lubos kitang minahal at alam mong hindi tatanggapin ng magulang mo kung ano ka ay mas minabuti mo na lang na aminin sa akin para tulungan ka.

Sa lahat ng masasakit na sitwasyong ikinahaharap ko sa buhay lagi kong pinipigilang umiyak. Pero inilabas ko na lahat ng luha, dahil ang bigat. Sobra. 

Isipin mo, ang saya natin tapos gigising ka isang araw malalaman ko kung ano bang mayroon sa taong mahal ko. Lihim na dapat sinabi na 'non pa. 

Huling beses nating pagkikita sa park. 

Wala ng usap-usap.

Wala ng kamustahan.

Wala na, basta lahat wala na. 

That's life ika nga. Maraming lihim na dapat sinasabi na noon pa. 

Nakita ko nga pala picture mo sa FB mas maganda ka na sa akin ngayon. Dati ang gwapo mo lang ngayon tinalbugan mo na ako. Sana nga masaya ka na sa buhay mo ngayon. Patawarin ka na sana ng mga Magulang mo. 

Letter A-ZTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon