Letter G

156 3 3
                                    

Gabriel,

Napakagandang pangalan. Parang isang anghel na napadpad sa lupa. Kaso, kung ikaw ang Gabriel na 'yon. Nagkakamali ka, hindi kagaya mo ang dapat ituring na anghel sa ugali mong nakakatawa, nakakainis at napakawalang-kwenta.

Pinabilib mo ako sa husay ng iyong mahika. Sa galing mong magbigay aliw na pati ang puso ko galing na galing.

Alam mo, hindi ko inaakala na magiging tayo. Wala kasi sa loob-loob ko na sagutin ka dahil napapagod na akong umasa sa wala. Magmamahal tapos sa huli iiyak lang din naman. Hanggang sayo, umiyak na naman muli ako. 

Nanood lang kami dati ni Tricia sayo sa isang sikat na Mall, hanggang sa tinawag mo ko at nang idahilan mong may ibibigay ka sa akin gulat na gulat ako ng makita ko sa bag ko ang isang box ng gummy bear. Mas nagulantang ako ng sinabi mong paborito ko 'yon kaya ibibigay mo na sa akin. Paano mo ba nalaman na gusto ko 'yon? Kaya ka ba nanligaw kasi alam mong madali mo kong mauuto? At nagpauto na naman talaga ako.

Maganda talaga ang pangalan mo kaya lang hindi ko alam bakit ganyan ang ugali mo. Hindi ka ba nagsasawa?

Nong mga panahon na nagsisimula kang ipakita ang pagmamahal mo ikaw lagi gumagastos, kahit anong gusto ko bibilhin mo. Nahihiya ako 'non sayo kasi imbis ipunin mo yung pera para may pambili ka sa susunod ng gusto mo bibili at bibili ka pa rin at kahit hindi ako humingi bibigyan mo pa rin ako. Dahilan mo naman gusto mong ipakita sa akin yung sinseridad mo. Kung gaano mo ako kamahal, at kung gaano mo ko pinahahalagahan. 

Nabighani na naman ako sa mga kasinungalingan na kahit kailan hindi magiging makatotohanan. Hindi ako materialistic na babae sa totoo lang. Kung ganoon ang pagpapakita mo ng salitang pagmamahal wala akong magagawa. Kaya nga kapag bibili ka para sa akin na kahit ayaw ko tinataggap ko na lang dahil ayaw kong masayang 'yong SINSERIDAD na sinasabi mo na isa lang ding mahika. Sa madaling sabi, KALOKOHAN LANG ANG LAHAT NG ITO.

Pangalawang pagkakataon natin magkita sa park. Nag-assume ka na kaagad na gusto kita kaya ako nandoon. Kahit hindi mo sabihin sa akin ramdam ko 'yon. Sa totoo lang hinihintay ko si Tricia dahil pupuntahan namin ang Lola niya sa Antipolo kaya wag kang mag-isip-isip ng mga bagay na hindi naman totoo. Wala akong ideya na sasabihin mo sa akin na gusto mo ako. Wala akong alam na yayain mo akong makipag-date. Sa isip-isip ko ang lakas naman ng loob ng taong 'to. Halatang hindi torpe, sasabihin kung anong gusto.

Nang mapansin mong parang wala lang sa akin ang mga sinasabi mo. Wala talaga akong intensyon na kausapin ka. Hindi naman kita kilala, hindi rin kita mahal. Pero sino bang babae ang tatangi na ipakita ng isang lalaki ang kanyang SINSERIDAD sa pagmamahal? Yung bang pinapakita ang lubos na katapangan pagdating sa pagmamahal.

Ganoon ba ang Sinseridad na sinasabi mo? Lahat na lang ng bagay na ibinibigay mo sa taong mahal mo may kapalit? Oo, dapat talaga may kapalit ang pagmamahal ng pagmamahal din. Hindi mo ba naiisip na hindi ka marunong magmahal? Ibang klaseng pagmamahal kasi yung pinapakita mo sa akin at sa mga babaeng nabiktima mo. 

Akala ko noong una ayos lang sayo na bumili ka ng kahit ano para sa akin. Pero noong nagtagal na tayo sa tuwing ipinagdiriwang natin ang ating araw lagi mong pinagdidikdikan na manlibre naman ako. Ibang klase ka rin makapagturo ng kahit anong gusto mo. Para akong Nanay mo na walang magawa kasi yung anak ko "spoiled" sa lahat ng bagay.

Hindi ko maisip bakit ako nagpadala sa mga mahikang kasinungalingang di naman makabuluhan.

Natitiis mo yung ganyan mong pag-uugali? Hahanap ka ng babae hanggang sa kapag nauto muna at nabilog mo na ang utak sa salitang "mahal kita" gusto mo lagi ka nang gagastahan ng pera?

Nakakaawa ka sa lahat ng taong nakilala ko. Wala atang nagmamahal sayo. Hindi mo kasi alam yung salitang tama sa mali at hindi mo rin alam yung pwede sa hindi.

Inis na inis  ako sayo noong sinabi mong magsisisi ako dahil hiniwalayan kita. Hiyang-hiya yung balat ko sa'yo. Sa totoo lang inis na inis ako sa sarili ko dahil bakit ko hinayang maging ganon ang pagtrato mo sa akin. 

Nakakatuwa ka rin. Bakit? Akala mo magseselos ako kung ipapakita mo palagi sa akin na may kasama kang iba't ibang babae?

Kapag nagkikita tayo sa sakayan ng Bus sa Edsa kung hindi yung nakaraang babae na pinagpalit mo kaagad sa akin yung kabit mo naman. Nagtataka ako kung ilang koleksyon ba ng babae ang kailangan mo.

Siguro hinding hindi mo pagtitiisan basahin 'tong liham ko para sayo ngunit sana matapos mo hanggang dulo. Galit, inis halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa'yo. Maayos tayong nagsimula pero habang tumatagal nag-iiba at ang pag-ibang 'yon ang nagsabi sa aking kailangan ko ng sumuko dahil sa hindi na kita mahal kung hindi iparamdam sa'yo na napapagod din akong ipakita na kailangan kitang tanggapin sa kung ano ka.

Masisisi mo ba ako kung napapagod akong intindihin yung ugali mong lagi lang akong peperahan? Masisisi mo ba ako kung aayaw ako kung hindi mo na pinararamdam yung dapat nararamdaman nating dalawa? At masisisi mo ba ako kung mawawala yung pagmamahal na inakala kong totoo?

Habang lumalapit ka sa akin noon sa may sakayan muli ng Bus, mugto ang mga mata mo. Umiiwas ako sayo dahil ayaw ko nang makipag-usap kasi alam kong wala ring magandang patutunguhan at isa pa unti-unti kong natatanggap na hindi mo ko kayang mahalin maliban na lang kung may pera ako. Pasakay na ako ng Bus nang bigla mo akong hatakin sabay sabing sandali lang. Kinabahan ako dahil iba ang tono ng boses mo. Ibang-iba. Mas lalo akong kinabahan ng umiyak ka sa harap ko. Hindi ako nakapagtiis kaya sabi ko mas mainam na wag tayo sa maingay na lugar. Umiyak ka ng umiyak sa akin dahil alam mong nagkamali ka.

Nagagalit at naiinis ako pero sino ba ako para hindi magpatawad? Alam kong hindi madali pero bakit hindi? Sa unang pagkakataon nakita ko yung sinderidad mo sa paghingi ng tawad sa akin.

Habang kinukwento mo ang araw na iniwan kita dahil sinabi kong pagod na ako sa lahat nang nangyayari. Hindi mo naman pala intensyon sabihin sa akin na magsisisi ako sa huli pero isa 'yon sa kinainisan ko ng sobra. At nang inamin mo sa akin na masakit sayo ang pagkawala ko sa buhay mo nawala lahat ng galit sa puso ko, nawala yung pighati lahat pero aaminin ko hindi na bumalik yung dating pagmamahal na binigay ko sayo.

Nang mga oras na binanggit mong hindi ka lang makikipag-ayos kung hindi balak mong manligaw muli wala na akong masabi. Hindi ko alam ang isasagot ko sayo. Ngunit wala na, kaya ang tangi ko na lamang nasabi sayo na ibigay mo 'yan sa karapat-dapat na babaeng makakatikim simula umpisa ng matamis mong pagmamahal.

Sa pagbabasa mo ng liham na 'to gusto kong sabihin na pinapatawad na kita. Sana gumaling ka na, kasama ka palagi sa panalangin ko. Napakaswerte sa'yo ni Elisa. Alam ko siya yung babaeng minsan mo nang naikwento sa akin noong gusto mong bumawi ng kasalanan mo sa akin habang nililibre mo ako. Nasabi ko na lahat sayo sa liham na 'to. Yung galit ko, yung kalokohan mo sa tingin ko. 

Gabriel, Habang tulog ka sa mga pagkakataong 'to sa kanya ko binigay ang liham na 'to. Alam kong masaya siya na alam niyang pinatawad na kita. 

Letter A-ZTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon