"Wala kang respetong bata ka ah!" Tumayo si Aling Betay at sinugod ako. Isang malakas na sampal ang natamo ko sa kanya. Nanlalaki ang mga mata nitong nakatingin sa akin.
Kahit masakit ang panga at pisngi ko, nagawa ko pa ring sumagot. "Nagbibigay lang ako ng respeto sa taong deserving nito. Pero kung sa kagaya mo rin lang namang mapanglait sa kapwa tao, wag na. Hindi ka karapat-dapat sa respeto ko."
Yinakap ako ni Mikoy sa beywang. "Ate, tara na. Umalis na lang tayo dito." Hinawakan ni Mikoy ang kamay ko.
"Wag na wag mong pagsasabihan ang pamilya namin ng kung ano ano kasi wala kang alam. Mahilig kang magpakalat ng kwento tungkol sa amin na hindi naman totoo. Matuto kang lumugar kasi kahit kailan, hindi ka namin binigyan ng permiso para pag-usapan at laitin ang pamilya ko."
"Wala akong pakialam sa buhay ng pamilya mo, Krisel. Isa lang naman kayong salot dito sa baryo namin na nagdadala palagi ng gulo. Lagi kayong nakakabulahaw sa mga kapitbahay dahil sa pagwawala ng ama mo. Hindi mo niyo na naisip na may mga tao din kayong nagugulo?"
Gusto niya bang maglabasan ng baho dito? Pwes, handa ako. Marami akong nalalaman tungkol sa mabahong storya ng pamilya ni Aling Betay.
"E bakit di mo pagsabihan yang asawa mong naninira ng mga buhay? Bakit hinahayaan mong mag benta ng droga ang asawa mo kaya't nakakaluwag kayo sa buhay?" Nakita ko naman kung paano nagulat si Aling Betay sa isiniwalat ko. "Sino ang mas mas masahol at salot sa atin ngayon?"
"Walanghiya ka, Krisel! Bawiin mo yan, hindi yan totoo." Nagsimula nang maging maputla si Aling Betay. Ramdam ko ang takot niya dahil sa panginginig ng mga kamay niya.
"Gulat ka no?" Sarkastikong tanong ko. "Hindi na katakatakang nagpapakalat ka ng mga kung anong balita tungkol sa amin para pagtakpan ang illegal na ginagawa ng asawa mo."
Nagsimula na ang gulo sa pagitan namin. Isang malakas na sampal ulit ang natamo ko. Hila sa buhok, sipa at tadyak ang ginagawad niya sa akin. Palibhasa, malaki siyang bulas kaya wala akong kalaban-laban. Pilit ko ring inaabot ang buhok niya para naman makaganti kahit papaano.
Natigil lang kami nang may pumagitna sa amin. Naramdaman ko na lang na umangat ako sa ere. Binuhat pala ako ni Papa at inilayo kay Aling Betay.
"Tama na, Krisel!" Saway ni Papa.
Nagpupumiglas pa rin ako. "Bitiwan mo ako, Papa! Pinagsasalitaan nila tayo ng hindi maganda."
"Umalis na tayo dito!"
"Ayoko. Hangga't hindi natuturuan ng leksyon ang babaeng yan!"
Galit na galit ako dahil sa paratang ng babaemg yan. Pagbalik-baliktarin pa man ang mundo, ni katiting na karapatan para punahin kami ay walang wala siya.
Isang malutong na sampal ang nagpahinto sa pagpupumiglas ko. Hindi dahil sa sakit ng sampal, kundi sa taong inaasahan kong ipagtatanggol ako, mananatili sa tabi ko at dedepensahan ako. Si Mama ang sumampal sa akin. Puno ng galit ang mukha niya. Dismayado ko siyang tinignan.
"B-bakit ako?" Naiiyak kong tanong. Ang sakit sa dibdib at lalamunan kapag nagpipigil ng iyak. "Sinubukan ko lang namang ipagtanggol kayo sa mga maling sinasabi nila eh. Pero ako pa rin ang nagmumukhang masama?"
"Umuwi ka na. Pumasok ka sa bahay. Doon tayo mag-uusap." Gigil na sabi niya.
"P-pero----."
"Umuwi ka na!" Sigaw niya ulit at sinampal ako. Natigilan ang mga tao sa paligid.
Bakit? Bakit ako pa rin ang talo sa huli? Pwede bang kahit sandali, ako naman ang kampihan niya?
Ang sakit sakit na pagbuhatan ka ng kamay ng sarili mong magulang. Bakit hindi nila nakikitang ginagawa ko ito para sa kanila. Para linisin ang pangalan nila. Wala naman akong ibang intensyon kundi alisin sa mata ng mga tao ang pinagkakalat na chismis nitong si Aling Betay.
----------------------
Please vote, comment and follow!
hansolbabe