Magandang tanghali po sa inyong lahat, patuloy pa rin po ang pagdagdag ng kaso ng Covid-19 sa Pilipinas.
Inis kong kinuha ang remote at inilipat ang channel ng tv.
Kumpirmado ang isang pasyenteng nag positive sa Covid-19 ay pinauwi dahil daw puno na ang ospital.
What the heck?! Bakit ganun din yung balita dito? Isang-isa na lang talaga, kapag hindi pa nagbago to..
Isang lalaking hinihinalang may Covid-19, sinasabing wala naman daw sintomas at hindi malala ang sakit na dinaramdam kung kaya't pinauwi ito ng ospital. Ngunit binawian rin naman ito agad ng buhay kinabukasan!
Sa inis ko ay madiin kong pinindot ang power button ng remote. Pagkatapos patayin ito ay itinapon ko na lang ito kung saan sa sofa. Inis akong tumayo ng couch at nag tungo na lang sa ref para kumuha ng tubig. Ang init init na nga ng panahon ay nakakapang init pa ng ulo ang mga paulit-ulit na balita!
Inabutan ako ng lockdown sa bahay namin sa Cavite. Ako lang mag-isa dito.
Si Mama kasi, naabutan ng lockdown sa Surigao kung saan siya nagtatrabaho ngayon, kaya nakituloy muna ito sa bahay ng aming Tita na si Tita Shon. Nakatira kasi siya malapit lamang sa pinagtatrabahuhan ni Mama.
Si Papa naman, busy sa company niya. Businessman kasi siya, tsaka workaholic talaga. Kahit ang pandemic at lockdown ay hindi siya mapipigilan. Dun siya tumutuloy sa ngayon sa office niya.
Si Kuya Jake naman ay may sariling condo na, pinayagan naman siya nila Papa na humiwalay sa amin pero paminsan-minsan ay dumadalaw naman siya samin.
Hinugasan ko muna ang ilang mga nakatambak na hugasin sa lababo. Yung mga plato na kagabi pa nakatambak. At kahit naman tinatamad ako ay wala pa rin akong magagawa dahil sarili ko lang ang kasangga ko ngayon.
Pagkatapos ay agad akong nagpunta ng kwarto, binuksan ko muna ang aircon at pabagsak na inihiga ang sarili. Kinuha ang cellphone ko sa ilalim ng aking unan, mabuti pa mag bukas na lang ako ng social media ko baka sakaling matuwa pa ako.
Una kong binuksan ang Facebook account ko. Konting scroll lang at nood ng mga memes. Sa panahon kasi natin ngayon e malaking tulong ang nagagawa ng mga memes na ito lalo pa at wala ng ginagawa ang mga tao sa kanilang bahay kung hindi ang maghanap na lang ng aliw sa social media.
Sunod kong binuksan ang Twitter account ko. At tsaka ko lang napagtanto na huli na ata ako sa balita. Pinasarado na pala ang channel ng ABS-CBN. Maraming mga posts patungkol sa paksa na yun, trending pa nga ata. Dahil syempre marami na ang mga nabulok na rin sa panonood ng Ang Probinsyano. Pero siguro mas maigi naman na yon kaysa sa Anak ni Waray Vs Anak Ni Biday sa GMA. Pero ako man ay aaminin ko na hindi ko naman kinalikahan na channel ang ABS-CBN dahil Channel 7 lang ang malinaw na palabas sa TV namin noon. Namulat ako sa Mulawin, Captain Barbel, Darna, Asero, Encantadia, at sobrang dami pa. Hati-hati naman ang simpatya ng mga tao. Pero dahil alam ko na stress lang ang dala ng mga tao ngayon rito ay naglog-out na lang ako.
Maigi pa yata kung magbukas na lang ako ng TikTok account ko e. Halos humagalpak ako sa tawa sa mga napapanood kong videos dito. Nagpagulong-gulong ako sa kama pero natigilan ako ng may biglang lumagabog sa baba. Hindi lang siya normal na lagabog e. Kaya naman napahinto ako sa ginagawa ko.
Pinause ko muna yung video, dahan-dahan akong umupo sa kama at inilapag muna ang aking cellphone. Nakiramdam muna ako sa paligid sandali, at ng wala naman ulit na ingay ay nagpasya na kong i-check na lang.
Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan. Imposible naman kasi na may nakapasok dito dahil hindi ko naman narinig na bumukas yung pinto.
Pagbaba ko naabutan ko si Matt na nakaupo at nangangamot ng tenga sa tabi ng nabasag na vase. Napakamot ako sa ulo, pero napangiti rin naman ako ng maglaon.
Hindi ko pala nabanggit na kasama ko sa bahay si Matt, ang alaga kong pusa na ubod ng taba. Ewan ko ba kasi kung saan siya nag sususuot kanina kaya nakalimutan ko tuloy andito din pala siya.
"Ikaw lang pala yan, Matt. Halika nga dito." mahina kong sabi habang lumalapit ako kay Matt. Binuhat ko siya gamit ang dalawa kong kamay at nagtungo kami sa couch. Hilig kong himasin ang balahibo niya, dahil ang dulas kasi noon e. Tsaka mabait si Matt, malambing, matagal ko na rin siyang kasama. Para bang best friend na rin.
Meow..
Salita nito sa akin, ngumiti lang ako sa kanya at mas lalo pa siyang pinanggigilan. Maya-maya ay tumayo na ako para umakyat sana ulit sa kwarto. Nakita ko na nakasunod sa akin si Matt.
Kinuha ko ang cellphone ko at pagkabukas ko ng screen ay may nag pop-up na message.
Message galing kay Sid. Ang best buddy ko sa school.
From Sid:
What's up, Tol? Plano mo sa darating na birthday mo? Papainom ka ba? Kasi kung oo, kahit lockdown pupuntahan kita hahaha!
"Tss.. gago ka talaga Sid." mahinang bulong ko sa sarili dahil sa nabasa ko.
To Sid:
Gago ka Sid, wag ka na pumunta dito baka mahawa pa ako sa virus mo. Hahahaha! Adik ka pa rin pala sa alak.
Pagkatapos ko i-type ay sinend ko na agad. Napangiti naman ako ng maalala ko na malapit na pala ang birthday ko. Sa isang araw na, pero sa kamalas-malasan naman ay na-extend pa yung lockdown! Yung mga tropa kong hayok sa alak na halos isang buwan na ring hindi nakakatikim ay kino-kumbulsyon na ata hahaha!
Ang hirap pala ng ganitong sitwasyon, pero ang iniisip ko na lamang ay ang mahalaga ligtas pa rin ang mga magulang ko, at Kuya Jake, kasama na rin si Matt sa kumakalat na virus.
Iniisip ko na tuloy kung sino-sino kaya ang mga babati sa akin sa darating na kaarawan ko? Ilan kaya ang magbibigay ng regalo? Ang makakaalala?
BINABASA MO ANG
Ang Regalo ni Mama
Mystery / ThrillerPaano kung isang araw makatanggap ka ng isang regalo sa araw ng iyong kaarawan na siyang magiging dahilan para magbago ang takbo ng buhay mo? Makakaya mo bang ipaglaban ang sarili mong buhay? O hahayaan mo na lang mamatay ka sa kanilang kamay?