Epilogue

52 3 0
                                    

"Alam mo, hindi ko naman pinlano ito e. Hindi ko naman alam na magtatapos sa ganito. Gusto ko lang naman na mamatay ka, Joey. Iyon lang. Kaya nga naisipan kong kuhanin ang regalo ni Mama sa iyo at palitan ng mga tapes na iyon. Kasi sigurado ako na mapapatay ka nila dahil doon."

Marahan niyang inugoy-ugoy ang baby ng paulit-ulit habang humihimig sa magandang tono. "Pero ito ang rebelasyon ko sa iyo, Joey. Hinding-hindi ka nila makakayang saktan. Gusto ka lang naman ni Mama na maidala ka rito ni Papa, para masigurong magiging ligtas ka, para pakalmahin ka. Kaya ayun, ako naman ang hindi nakapag timpi. Pinatay ko siya."

"P-pero bakit mo ako gustong m-mamatay? Ano bang n-nagawa ko sayo?" sabi ko habang pilit pinipigilan ang mga luhang nagbabadya na malaglag sa mga mata ko. Hindi kasi ako makapaniwala sa mga naririnig ko. Akala ko kasi.. akala ko kasi nalaman ko na ang puno't dulo ng lahat, pero hindi pa pala doon natatapos ang lahat.

"Alam mo, sa totoo lang, yung bata sa video, ako yun e. Ako yun, Joey at hindi ikaw. Hirap silang magkaanak noon at isa pa mahal na mahal nila ang pagkitil. Kaya nga noong makuha nila ako noong araw na yon, tuwang-tuwa sila e." sabi niya na parang inaalala pa ang mga ilang nangyari sa nakaraan niya.

"E-eh? Ang buong akala ko..."

"Pinalabas ko lang ang lahat. Syempre para mataranta ka, para mag-alala sila. Kasi noong dumating ka noon, nabalewala na ako e. Kaya gusto kitang patayin, Joey. Kasi kinuha mo ang maganda kong buhay, inagaw mo ang pamilya ko sakin!" maya-maya ay bigla itong ngumisi sa akin. Tuluyan na nga ata siyang nawala na sa katinuan, habang tumatagal ang usapan ay mas lalo pa akong kinikilabutan at natatakot sa kung ano pa ang maaari niyang magawa. Baliw na ang Jake na kaharap ko ngayon!

"Gusto ko lang makaramdam naman sila ng sakit. Mahal na mahal ka nila, Joey. Hindi ko nga rin maintindihan kung bakit. Pero ako? Hindi ganoon katulad ng pagmamahal nila para sayo. Pero nabago ng anak ni Maricar ang pag-iisip ko. Noong inimbita ni Mama si Maricar sa bahay para mapauwi ka, doon palang alam ko na kung anong gusto kong mangyari noon pa. Pagmamahal.. Kailangan ko lang ng magmamahal sa akin unconditionally. Iyon bang mapapagbago ako, iyon bang huhubugin ng maigi ang pagkatao ko sa panibagong buhay."

Marahan kong hinimas ang balahibo ni Matt. Kailangan ko ng makakapagpakalma sa akin at siya lang ang makakatulong sa akin. Si Matt lang ang palaging nandyan para sakin.

"So, ano na?" tanong ko habang pinagmamasdan ang nakabukas na bintana sa likod ng couch.

"Alam mo," sabi niya habang inilalagay ulit sa aparador ang baby at isarado iyon. "Kailangan mo pa ring mamatay, Joey. Kailangan ko lang namang pagmukhaing," saglit siyang huminto sa pagsasalita at pagkatapos ay nagkibit balikat. "nag suicide ka. Iyon lang ang kailangan ko sa demonyo ko."

Kinuha niya ang kutsilyo sa kitchen counter at marahang naglakad palapit sa akin. Ang ekspresyon ng mukha niya ay pamilyar na pamilyar sa aking paningin, ang ekspresyon na nakita ko na noon, maraming beses na nga sa katunayan. Ang tingin ng pagkadisgusto, ang tingin ng isang mamamatay tao. Ang mga eksaktong pagkakatingin na nakita ko sa mukha ni Mama noong tinatadtad niya ang mga kaawa-awang nilalang sa video.

"Akin na ang pulso mo, Joey." angil niya. "Wala ng rason para gawing mas masakit at mas mahirap pa ang mga ito."

Tumayo ako sa pagkakaupo sa rocking chair at dahan-dahang umaatras palayo sa kanya. Mahigpit kong hinawakan si Matt. Alam ko na isang shot lang ang mayroon ako dito, ang kailangan ko lang ay ihanap ng maiging posisyon ang sarili ko. Noong makalagpas si Jake sa rocking chair ay tumalikod naman ito panandalian para bumalik sa couch, pero nagkamali ata siya sa ikinilos niyang iyon dahil doon na ako kumilos.

Mabilis kong ibinaba si Matt sa lapag, at itinuro sa kanya si Jake. "Atakihin mo siya, Matt!" sigaw ko. "Fuck him up!"

Magkasabay kaming sumugod kay Jake. Kitang-kita ko ang paglaki ng mga mata niya sa pagkagulat at pagkabigla. Kung kaya naman ay mabilis niyang naitarak ang kutsilyong hawak niya sa balikat ko. Napahinto ako sandali sa pag-atake, bakas sa mukha ko ang sakit pero mas tinatagan ko pa ang loob ko. Bagamat napaluhod ako sa sakit na naramdaman ay hinawakan ko pa rin ang handle ng kutsilyo sa balikat ko at dahan-dahan kong hinugot iyon. Oo, masakit. Pero parang wala na rin naman akong maramdaman dahil napagdaanan ko na ata ang lahat ng sakit at paghihirap na maaari kong maranasan magmula pa pagkabata. Pagkatapos noon ay buong lakas ko siyang siniko sa singit niya, kaya napaluhod rin siya sa sakit. Hindi pa ako nakuntento at tumayo ako sa kinaroroonan ko pagkatapos ay sinuntok ko siya ng ubod ng lakas sa mukha dahilan para walang laban siyang mapahiga sa sahig. Kahit nanghihina pa ay pinilit pa nitong makatayo at makalapit sa akin.

Pero mabilis naman na tumalon sa kanya si Matt at sinakmal siya nito at pinagkakalmot ang mukha niya ng marahas. Kaya naman nawalan ito ng balanse at tuluyan ng natumba, rinig ko ang pag-ungot ng couch ng tumama siya kanto nito.

Kinuha ko na ang pagkakataon na iyon para gamitin ang natitira ko pang lakas para sugudin siya ng buong pwersa. Malakas ko siyang itinulak palabas ng nakabukas na bintana. Maririnig naman mula doon ang isang malakas na tunog ng pagkabasag ng salamin. Ang likod kasi noon ay bangin, pero hindi ito kataasan katulad ng isang tipikal ng bangin pero sapat na ang magagawang impact nito para makapatay ng tao. Rinig ko pa ang sigaw nito na bakas na bakas ang takot. Nang dumungaw ako ay nakita ko pang nakasama sa pagkakahulog maging si Matt. Tanaw mula sa itaas ang naglalawang dugo sa paligid ng katawan nito at maging ang ilang nabaling buto nito sa katawan dulot ng hindi magandang pagkakabagsak.

Ilang minuto pa akong nakatayo sa harapan ng bintana. Pero nang maisip ko na tapos na ang lahat ay parang bigla ko naman naramdamang nanghina ang mga tuhod ko kaya napaluhod ako sa kinatatayuan ko. Naramdaman ko na rin ang hapdi na dulot ng pagkakasaksak sa balikat ko, at ang unti-unting pag-iksi ng paghinga ko.

Pero tila nabuhayan ako ng loob ng marinig ko ang mahihinang iyak na nagmumula sa aparador. Tila niligtas ako nito sa bingit ng kamatayan. Kaya kahit pa nanghihina ay pinilit ko pa rin na makapunta sa kinalalagyan nito. Bahagya kong binuksan ang antigong aparador at maingat ko siyang inihilig sa bisig ko. Naramdaman ko naman na malaki ang pagkakapareho nila ni Matt. Halos magkapareho lang din kasi sila ng bigat, kahit pa magkaiba sila ng texture.

Naupo ako sa couch. Saglit akong nawala habang matamang nakatingin sa mga mata nito. Siguro nga gusto ko rin bumuo ng sarili kong pamilya. At siguro nga si Jake ang demonyo ko sa likod ng bagyo.

Pero hindi. Hindi ako katulad nila. Hindi ako katulad ni Lolo, o ni Mama, o ni Papa, o kahit pa ni Kuya Jake. Ginawa ko ang alam ko na sa tingin ko ay tama. Tumawag ako ng pulis. Pero sa pagkakataong ito ay alam ko na ang mga tamang salita na sasabihin ko sa kanila. Malinaw kong inilarawan sa kanila ang lahat ng nangyari, magmula sa simula hanggang sa dulo. Simula sa mga video hanggang sa pagkakamatay ni Jake.

Pagkatapos noon ay naramdaman kong bumuti na ang aking pakiramdam. Nawala na ang bigat na dinadala ko. Nakaramdam na rin ako ng kalayaan. Pero sa kabila ng lahat ay nakaramdam pa rin ako ng kalungkutan. Lalo na at nawala ang pinaka matalik kong kaibigan. Si Matt...

Nasubaybayan niyo naman, na ang lahat ay nagtapos sa pagkamatay ko. Pero hindi naman literal, mentally siguro. Ang pagkamatay ng personal kong pagkatao. Ngayon ay mag-uumpisa na ng panibagong buhay ang bagong ako.

Noong ikuwento ko sa mga pulis ang nangyari ay pinaniwalaan naman ako ng mga ito. Pero iyon nga lang ay sumailalim ako sa katakot-takot na interrogation. At hindi rin naman agad-agad sila naniwala sa akin dahil inabot rin ito ng ilang araw.

Isa lang naman ang pinaka tumatak sa isipan ko sa mga tanong nila. At ang tanong na iyon ay sigurado akong ikagugulat mo pero sa kabilang banda ay ikatutuwa mo rin.

Sa pangalawang araw ng interview, tinanong ako ng detective tungkol sa.. tungkol sa bangkay ni Jake.

"May nakita kasi kaming mga marka at mga sugat na nakita sa katawan niya, na hindi namin malaman kung saan ba nagmula." sabi ng detective sa akin. "Sa mukha kasi ng suspect, para bang mayroong kumalmot nito. At hindi lang basta kalmot dahil panigurado na baon na baon ang mga kuko nito sa mukha ng suspect."

Sumagi tuloy sa alaala ko ang mga panahon na hinihimas-himas ko ang balahibo ni Matt. Agad sumilay sa labi ko ang isang ngiti ng maalala ko ang mga sinabi nito. Dahil... Totoo si Matt. Totoo siya.


~~WAKAS~~

Ang Regalo ni MamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon