Nine

60 6 0
                                    

Para bang may pumalo ng ulo ko dahil parang sumakit ito dahil sa narinig ko. Hindi ako nakapagsalita agad, hindi ko din kasi alam kung saan ko ba kukunin ang mga salita na sasabihin ko sa huling sinabi niya. Masyado yata akong nagulat at hindi pa rin ako nakakabawi hanggang ngayon. Nung walang makuhang sagot sa akin si Jake ay nagsalita siya ulit.

"Joey, makinig kang mabuti. Gusto kang makausap ng mga pulis. Sobrang importante nito para sa kanila. Kaya wag na wag kang aalis dyan, ok? Dyan ka lang sa cabin. Hindi magiging maganda para sa imahe mo kung aalis ka dyan at iiwanan ang kaso."

"S-sige." sagot ko kahit medyo nalilito pa rin. "Pero bakit? Bakit hindi na lang ako pauwiin? Wala naman akong ginawang masama ah. Nasakin pa ang mga tapes, pwede kong ibigay iyon sa kanila para mapanood rin nila at mapatunayan na wala akong kasalanan at makita nila na si Mama talaga ang may kagagawan ng lahat."

"Basta dyan ka lang, naririnig mo ba?" parang galit na na-sabi niya. Seryoso na ang tono ng pananalita nito. "Wag kang aalis dyan, dahil ibinigay ko na sa kanila ang lokasyon kung nasaan ka. Sila na ang susundo sa iyo papunta rito, Joey. Wag kang gumawa ng kahit na ano, maliwanag ba?"

"Ok, sige na." sagot ko sa kanya habang nakatingin ako kay Matt na nakaupo pa rin sa lap ko. Habang ako ay pilit na iniintindi ang mga nangyayari. "Sige, dito lang ako, hindi ako aalis, tutal ay kasama ko naman si Matt."

"Oo, tama si Matt." pag-sang-ayon niya pero rinig ko rin ang malalim na buntong-hininga niya. "Dyan ka lang kasama si Matt. Sasabihin ko lang sa kanila, diyan ka na muna, ok?"

"Sige, thanks Kuya," sabi ko. "Mamaya ulit."

Pinutol na niya ang tawag. Habang ako ay iniwan naman niyang nalulunod nanaman sa isang malalim na pag-iisip. Alam ko naman na mapagkakatiwalaan ko si Kuya Jake, pero sa kabilang banda, alam ko rin kung kailan siya nagsasabi ng totoo. Kasi nagawa na niya ang mga yun sa akin dati e. Mag-iiwan siya ng mga salitang makakapagpakalma sa akin, ng mga kwento, tapos ok na. Ayaw na ayaw niya ako na nag-aalala, na nakukunsume, na mawala sa katinuan. Pero ngayon kasi, parang may nag-iba e. Parang bang mas lumala. Dahil ngayon, sigurado ako na hindi siya naniniwala sa akin, o ang mas malala pa ay hindi niya ako pinagkakatiwalaan.

Hindi ko alam sa pagkakataon na ito kung anong sinabi sa kanya ng mga pulis, o kung ano man ang sinabi niya sa mga ito. Kaya sa kaloob-looban ko, nabuo ang isang desisyon. Desisyon kung saan ay gagawin ko ang ipinag-uutos niya. Pero sa kabaliktaran naman nito. Dali-dali akong umalis sa nasabing lugar. Dala-dala si Matt at ang ilang mga tapes, nakipagsapalaran sa kakahuyan, kahit na wala akong kahit isang ideya kung nasaan na ba ako. I-dagdag pa na hindi ako ganoon kagalingan pagdating sa direksyon.

Tila isang miraglo na ligtas pa rin akong tumatakbo hanggang ngayon sa kalagitnaan ng kawalan. Maswerte na iilang galos lang ang natamo ko at kabilang na doon ang dumudugo ko ng tagiliran dulot ng pagtusok ng isang patulis na sanga na nakaharang pala kanina. Hindi ko na rin kasi namamalayan ang dinadaanan ko dahil ang nasa isip ko lang ay ang makatakas sa lugar na ito at hindi maabutan nila Kuya Jake at ng mga pulis.

Nagtungo ako sa madidilim na lugar dahil na rin sa ito ang sinisigaw ng utak ko. Pilit ko pang inaalala ang mga bagay na hindi ko akalain na bahagi pala ng kabataan ko. Ang ilang mga oras pa ay hindi ko inaasahang maituon sa pag-aalala ng mga pangyayari noong bata pa ako. Hindi ko rin kasi alam, pero pakiramdam ko ay masyado lang kakaunti ang mga naaalala ko noon. Meron namang mangilan-ngilan, pero hindi ganoon karami. Hindi ba parang nakakabahala ang mga iyon?

Maya-maya pa ay namasdan ko si Matt na tila natutuwa pa sa pagdila ng aking damit na may bahid ng kaunting dugo, sa pakiwari ko ay nililinis niya ito. Nagpapasalamat pa rin ako na narito siya, tila nagsilbing anghel ang pusa ko dahil nagagawa nitong makontrol ang stress level na nararamdaman ko ngayon.

Walang humpay na pagtakbo pa ang ginawa ko hanggang sa makalabas ako sa dulo ng kakahuyan, naging maingat ako sa pagtawid ng kalsada. Nakuha ko pang lumingon sa kaliwa at kanan ko para malaman kung mayrooon bang nakakita sa akin. Siguro ay maswerte na rin ako dahil kakaunti lang ang mga taong naglipana sa naturang lugar. Pero sinugurado ko pa rin ang kaligtasan ko at hindi naging kampante.

Ligtas akong nakarating sa lumang apartment namin na tinirahan noon ni Kuya Jake noong bago siya manatili sa condo niya sa kasalukuyan. Dito ko rin kasi balak noon na tumira noong iwanan ito ni Kuya, plano ko na din kasi na humiwalay na din. Yun nga lang ay nagkataon naman na walang tatao sa bahay namin. Kinabahan naman ako ng makasalubong ko si Zack, ang dating kapitbahay ni Kuya. Nagtataka itong nakatingin sakin dahil sa mga mantya ng dugo sa t-shirt at shorts ko. Pero mukha namang wala lang sa kanya ito kaya kinuha ko na ang duplicate key ng front door na nakalagay sa isang sikretong taguan na kami-kami lang ang nakakaalam nila Papa. Walang lingon-likod na akong pumasok ng pinto.

Nakahinga naman ako ng maluwag ng tuluyan na akong nakapasok ng apartment. Shower, malinis na damit, pagkain, tulog, ilan sa mga bagay na binabalewala ko lang noon pero hahanap-hanapin pa rin kahit isang araw lang mawala. Ibinaba ko si Matt at nagpasalamat sa pananatili niya sa akin maging hanggang ngayon. Sinigurado ko naman na nasa maayos na kalagayan ang mga tapes, pagkatapos ay dumiretso na ako para mag shower. Inaalala ko rin kung saan na kaya napadpad ang laptop ko. Naalala ko kasi na naiwan ko ito sa daan kahapon nung hinahabol ako ng kotse ni "Papa". Malamang may iba ng nakapulot noon.

Sa kalagitnaan ng paglalakad ko papuntang CR para mag shower ay may naamoy akong mabaho. Kakaiba ang ginagawa nitong epekto sa aking ilong. Nanunuot ito sa kasuluksulukan at halos pigilin ko na ang hininga ko wag ko lamang itong maamoy. Huminga ako ng malalim at pinigilan ko ulit ang paghinga ko. Nangingibabaw ang amoy ng nabubulok at parang masangsang. 

At kahit pa kumakabog sa kaba ang dibdib ko habang palapit sa CR ay pinilit ko pa rin lakasan ang loob ko. Kaunting hakbang pa at malapit ko nang maabot ang pintuan. At nang tuluyang makalapit ay lakas loob kong binuksan ang ilaw. Tila nanigas ako sa kinatatayuan ko sa nakita. Ilang mga alaala pa ang biglang nag flash sa utak ko, para bang nangyari na din kasi ito noon. Malalakas na sigaw, dugo, at kamatayan. Mga luha, pag-iyak, at pagdurusa.

Merong... merong lumulutang sa bathtub.. Siguradong-sigurado ako na tao ito. Pira-piraso ang laman at lamang loob nito na siyang lumulutang-lutang sa tubig na kulay dugo. Naramdaman ko agad na parang hinalukay ang sikmura ko at parang gusto kong masuka sa nakita. Sandali pa akong natulala pero nang makabawi ay agad kong sinarado ng ubod ng lakas ang pintuan. Nanginginig akong napaupo sa sahig. Nanginginig ang buo kong pagkatao at hindi ko na maisip kung anong gagawin ko.

Ang mga sumunod na minuto ay winaldas ko lang habang pinipilit kong ayusin ang paghinga ko sa sahig. Halos mabaliw ako ng maalala ko ang nakita sa loob ng CR. Isang ulo, isang mukha, ang nagpapalutang-lutang sa dugo kasama ng mga pinag-pira-piraso nitong katawan at lamang-loob. Ang mukhang nakilala ko agad sa unang kita ko pa lang. Ang mukhang nakita ko na ng maraming beses noon.

Ang mukha ni Mama..

Kahit pa nanginginig at tuliro pa sa naganap kanina lang ay parang awtomatiko kong naisip na kunin ang cellphone ko. Para bang kusang iniuutos ng utak ko na tawagan ang nag-iisang taong alam kong maaasahan ko sa ganitong pagkakataon. Pero pagkabukas ko ng screen nito ay iba ang sumambulat sa mukha ko. Isang damukal na unread messages at mga missed calls, at lahat ng iyon ay galing kay Kuya Jake. Siguro hindi ko lang narinig. Binuksan ko ang mga mensahe, agad naman akong kinilabutan habang binabasa ko ang mga ito.

Jake: Andyan ka pa ba? Papunta na ang mga pulis, wag kang aalis.

Jake: Sigurado akong nandyan na sila sa labas ng cabin. Wag kang gumawa ng kahit na ano. Wag na wag kang aalis dyan!

Jake: Nasa loob na sila, pero hindi ka daw nila makita. Nasaan ka? Tumawag ka sa akin.

Jake: Nasaan ka na? Puta ka! Diba sabi ko wag kang aalis?!

Jake: Tangina mo, Joey!! Nasaan ka?!

Jake: Sa oras na mahanap kita, papatayin kita, Joey!


***********

[FD's Note: Hi guys, sorry late upload. Handa na ba kayo sa nalalapit na pagtatapos ng Ang Regalo ni Mama? Please vote na rin, maraming salamat sa lahat ng sumubaybay!]

Ang Regalo ni MamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon