Chapter Eight

319 23 1
                                    

KAHIT paano ay gumaan ang pakiramdam ni Selena ng gabing iyon. Isinama siya ni Jace sa isang eksklusibong bar sa Taguig dahil birthday daw ng isang malapit nitong kaibigan at gusto siya nitong ipakilala sa mga kaibigan nito. She's getting envious stares from every female guest in that bar. Pero ang mahalaga sa kanya'y ang makasama si Jace sa gabing iyon.

Noon lang sila muling nagkita dahil sinundo siya nito sa Isabella's Cafe at hindi ito pumayag na hindi siya sasama dito ng gabing iyon. Ilang araw kasi niya itong hindi hinarap pagkatapos ng insidente kung saan naipit ito sa pagitan nila ng mommy niya. Pakiramdam kasi niya'y wala siyang mukhang ihaharap dito dahil sa mga masasakit na salita na binitiwan ng mommy niya.

And speaking of her mom, hindi pa rin sila nakakapag-usap ng maayos hanggang ngayon. Magkasama sila sa iisang bahay pero hindi siya nito kinikibo man lang. Hindi na nito pinapansin ang mga ginagawa niya katulad ng dati. Isang araw ay natukso siyang sabihin dito ang tunay na pagkatao ni Jace pero pinigilan din niya ang sarili niya. Naniniwala siyang baling-araw ay mag-iiba rin ang tingin nito sa mundo at sa mga tao. Hihintayin niyang mangyari ang araw na iyon.

Ang mahalaga sa kanya ngayo'y si Jace.

"Okay ka lang?" tanong sa kanya ni Jace habang akbay siya nito.

"Oo naman," aniya rito saka uminom ng tequila na laman ng kopitang hawak niya.

"Don't drink too much," bilin nito sa kanya pero nginisihan lang niya rito.

"Hindi naman ako nalalasing agad," sabi lang niya rito.

"Still, don't drink too much. Baka mamayang paghatid ko sa'yo sa inyo, sigawan ulit ako ng mommy mo," anito sa kanya.

"Wala na siyang pakialam sa'kin ngayon. Kaya okay lang," aniya rito saka ito binigyan ng isang payak na ngiti.

"Bakit hindi mo sinabi sa kanya ang totoo tungkol sa'kin?" tanong nito sa kanya ngunit hindi na niya iyon nasagot dahil nakuha ng mga kaibigan nito ang atensyon nila.

"Get a room, you two!" kantiyaw ng mga ito sa kanila ni Jace.

"Kapag nawala ang dalawang 'yan mamaya, alam na," tudyo sa kanila ni Rafe na pinsan ni Jace.

"Pupunta sila sa madilim at malamig na lugar," kantiyaw pa ni Henrick na marami-rami na rin ang nainom na alak. Ito ang may birthday.

Jace covered her ears. "Bakit?" tanong niya rito.

"Baka ma-demonyo ka dahil sa mga 'yan. 'Wag kang makinig sa kanila," bulong nito sa kanya.

"Hindi na ako inosente sa usapang ganyan kaya ayos lang, Jace," sabi niya rito. Mas masahol pa ngang mag-usap tungkol sa 'bagay' na iyon ang mga dati niyang kaibigan.

"Oh, really?" tila namamanghang tanong ni Jace na may pilyong ngiti sa mga labi. Pabirong tinampal niya ito sa noo saka nagpaalam ditong pupunta siya sa comfort room. "Bilisan mo lang ha. Kapag thirty-minutes na ang nakalipas at wala ka pa rin dito, papasukin na kita do'n," sabi pa nito sa kanya.

"Aba! Tingnan mo 'tong si Jace, napaka-possessive. Magsi-CR lang si Selena," kantiyaw dito ni Henrick.

"Bantayan n'yo 'yang kaibigan n'yo ha. Baka may makadagit d'yan. Lagot kayo sa'kin," banta naman niya sa mga kaibigan nito.

"I wonder kung magpapadagit nga 'yan. You got him by a finger, Sel," sabi naman sa kanya ni Rafe.

"Good," aniya sa mga ito saka muli siyang bumaling kay Jace at binigyan ito ng isang kindat.

Mukhang marami nga siyang nainom na alak dahil nakaramdam siya ng kaunting pagkahilo. Kaya nang makarating siya sa comfort room ng bar ay agad siyang naghilamos. Mabuti na lang at hindi siya nasusuka. Wala pa naman siyang dalang toothbrush. Pagkatapos niyang maghilamos ay nag-CR na siya. At pagkalabas niya ng cubicle ay nagulat siya dahil bigla na lang may humarang sa kanya at itinulak siya sa may dingding.

Maggie's Diaries Book 2: Wonderstruck [Published under PHR - Unedited Version]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon