Chapter CPH4-1028-08

56 4 10
                                    

"Dadalhin ko siya sa clinic," sabi ni Aries.

"Huwag!" pagpigil ni Athena.

"Ha? Hahayaan na lang natin siya dito?" pagtataka ni Aries.

"Huwag natin siyang galawin baka kasi may bali-baka lumala lang."

"Guys, si Ervin!" sigaw ni Vince nang makita ang nakabulagtang kaibigan.

"Anong gagawin natin ngayon?" tanong ni Romeo.

"Hihingi ako ng tulong sa clinic," saad ni Sheina. Pagkasabi niyang iyon ay tumakbo agad siya nang mabilis.

Ilang sandali pa lang ay bumalik na si Sheina kasama ang Emergency Response Team ng unibersidad at sina Ms. Galon at Ms. Urbano.

Habang maingat na inilagay sa mga stretch board ang dalawa, inalam naman nina Ms. Galon at Ms. Urbano ang mga naganap.

"Anong nangyari sa kanila?" tanong ni Ms. Galon.

Walang gustong magsalita sa kanila. Hindi nila alam kung paano sasabihin ang katotohanan. Iniisip nila na baka hindi sila paniwalaan at hindi maintindihan.

"Sabihin niyo sa amin ang mga nangyari. Huwag kayong matakot," sabi ni Ms. Urbano.

Nagtinginan silang magkakaibigan na hinihintay lang kung sino ang unang magsasalita.

"Wala bang magsasalita?" tanong ni Ms. Galon habang tiningnan sila isa-isa.

Ginamit ni Bryan ang kaniyang ability sa mga kaibigan upang magpadala ng mensahe. "Si Bruce na lang ang magsasalita tutal siya naman ang bloc chairperson natin."

Tumingin ni Bruce kay Bryan na parang nagtatanong kung bakit. Nakuha ni Bryan ang nais niyang iparating at sinabihan niya ito sa isip na, "Sige na. Kaya mo 'yan."

"Anong sasabihin ko?" bulong ni Bruce habang nakatingin sa kaibigan na napansin naman ni Ms. Galon.

"Bruce, may gusto ka bang sabihin sa amin?"

Huminga muna nang malalim si Bruce bago nagsalita. "Aksidente po ang nangyari."

"Paano?" tanong ni Ms. Urbano.

"Anong ibig niyong-"

"Paano humantong ang mga nakita namin kanina?" pagputol niya kay Bruce.

"Alam ko pong hindi kapani-paniwala pero..." Tumingin siya sa kaniyang mga kaibigan na parang nagtatanong kung sasabihin ba o hindi ang mga nangyari. Tumango lamang ang mga ito at narinig din niya si Bryan sa kaniyang isipan, "Sabihin mo na."

"Nangyari po 'yun dahil sa kapangyarihan ni Ervin. Pinipilit siya ni Gerald na basahin ang mga nakuha naming impormasyon na makakatulong sana sa pagpapalabas ng ability niya subalit nainis at nagalit po siya kaya tumilapon po si Gerald," mabilis na pagsasalita ni Bruce.

"Si Ervin lang ba?" Suminghap sila nang mukhang naging interesado si Ms. Urbano.

"Hindi po," agad na sagot ni Bruce.

Nagulat ang kaniyang mga kaibigan dahil akala nila na ang tungkol lang sa kapangyarihan ni Ervin ang kaniyang ipapaalam.

"Ayusin niyo muna ang mga sarili niyo at huwag masyadong mag-aalala sa inyong mga kaibigan. Magiging maayos din sila," sabi ni Ms. Urbano at nagpaalam na umalis.

UNLOCKED: Serum CPH4-1028 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon