Lumulubog na ang araw sa kanluran at unti-unti nang kinakain ng dilim ang kalupaan. Nasa Physics Lab silang magkakaibigan at naghahanda sa kanilang gagawing pagpasok sa opisina ni Ms. Urbano.
Tatlong grupo ang kinailangan para maisagawa ang plano. Sina Romeo, Aries, Bruce at Sheina ang magkasama na magbabantay sa labas at nakatalaga sa mga guwardiya na maglilibot sa buong campus lalo na sa TAC at Science Building. Sina Gerald, Bryan, Athena, Melody at Vincent ay mananatili sa loob ng Physics Lab. Si Gerald ang mata nila gamit ang mga CCTV cameras sa buong unibersidad na tutulungan din ni Vincent. Si Bryan ang tagapaghatid ng impormasyon sa kanilang lahat batay sa mga nakikita sa monitor ng laptop ni Gerald. Sina Athena at Melody naman ang magiging tainga nila. Silang dalawa ang magkakaroon ng komunikasyon sa dalawang grupo gamit ang mga walkie-talkie na nakita nila sa loob ng Physics Lab. Ang magsasagawa ng tunay nilang pakay ay sina Ervin, Vince at April.
Kumuha ng tig-isang walkie-talkie ang unang grupo. Ang grupo ni Ervin ay kumuha rin ng isa. Ang nalalabing dalawa ay gagamitin nina Athena at Melody.
"Tandaan niyo na ang mga walkie-talkie na hawak ninyo ay gagamitin lang kung may gusto kayong sabihin. Hindi kami magpapadala ng impormasyon gamit nito upang maiwasan ang ingay. Si Bryan ang magbabalita sa inyo mula rito," paalala ni Athena.
Unang lumabas ang grupo ni Romeo at nagpunta sa kanilang pwesto.
"Hindi pa naglilibot ang mga guard," rinig nila sa boses ni Romeo sa walkie-talkie nina Athena at Melody.
"Vince, April, tara na," saad ni Ervin at lumabas sila ng Physics Lab.
"Patayin mo 'yung ilaw, Vincent," utos ni Gerald. Nakapuwesto sila sa likod ng isang mesa upang hindi makita mula sa labas. "Bry, tanungin mo nga kung nasaan na sila. Hindi ko sila kita rito sa monitor."
"Ervin, nasaan na kayo?" tanong ni Bryan sa isipan ng kaibigan.
"Nasa ASAB 4th floor na kami," sagot ni Ervin na narinig mula sa walkie-talkie.
Si Romeo at kaniyang mga kasama ay nasa rooftop ng administration building. Kitang-kita nila mula rito ang kaganapan sa Science building at sa baba pati na rin kung sinong papasok at lalabas ng unibersidad. Ilang sandaling pagmamatiyag ay nakita nilang lumabas ng unibersidad ang sasakyan ni Ms. Urbano.
"Athena, umalis na ng unibersidad si Ms. Urbano," sabi ni Romeo gamit ang walkie-talkie.
Sa kabilang banda, nakarating na sa TAC 6th floor sina Ervin, Vince at April. Nakita nilang wala nang ilaw sa loob ng office ni Ms. Urbano.
"Mukhang nakaalis na siya," sabi ni Vince. Lumapit sila sa pinto at pinihit ni Vince subalit naka-lock.
"Tabi muna," utos ni Ervin sa kanila. May kinuhang metal pin si Ervin sa bulsa at iyon ang kaniyang ginamit na pambukas ng lock. Ilang sandali ay nabuksan na niya ang pinto. Nagmadali silang pumasok at isinarang muli ang pintuan. Lumapit agad si Ervin sa kahon na kinasisidlan ng mga folders.
"Ervin, may photocopier machine dito. Gamitin natin," ani Vince. Tumango lang si Ervin bilang tanda ng pagsang-ayon. Kinuha ni Ervin ang mga folders at dinala malapit sa photocopier machine.
Si April ay nakatingin lang sa mga larawan sa opisina. Sa bawat larawan ay makikita si Ms. Urbano na nakasuot ng lab gown kasama ang iba pa na ganoon din ang kasuotan subalit may isang si Ms. Urbano lang ang nasa larawan. Nakangiti siya at may hawak na vial na itinaas hanggang sa kaniyang balikat. Dahan-dahang inilapit ni April ang kaniyang kamay sa larawan. Nang madampi ang kaniyang balat sa larawan ay pumikit siya at nakita niya ang administration building.
"April, pakihawak nga 'to," pakiusap ni Ervin sa kaniya. Lumapit siya sa kaibigan at iniabot nito ang walkie-talkie na dala.
"Malapit na ba 'yan?" tanong ni April.
"Limang folders pa lang 'yung natapos namin," sagot ni Vince habang patuloy pa rin sa ginagawa.
"Anong maitutulong ko?"
"Ibalik mo na lang 'tong mga folders na tapos na sa box," sabi ni Ervin sabay bigay ng mga folders kay April.
Inilagay ni April sa kahon ang mga folders nang may nakita siyang mga larawan sa loob. "Guys, kasali ba 'tong mga larawan na nandito?"
"Anong mga larawan?" usisa ni Ervin.
"Itong-" Natigilan si April nang may makita siyang mga magulong pangyayari nang kaniyang damputin ang mga larawan. Nakita niyang muli ang administration building kung saan isang lalaki na mukhang kaedad nila na kinaladkad ng tatlong mga lalaking nasa mid-30s at isinakay sa isang lumang elevator. Pinindot ng isang lalaking kumaladkad ang '-3' na button. Nagbago na naman ang mga imahe na nakita ni April. Dalawang babae ang nakagapos sa isang pasilidad at walang malay. May itinurok na isang berdeng likido sa mga batok nito.
Napasapo sa kaniyang ulo si April dahil sa sakit at nabitawan niya ang mga larawan. Natigil ang mga agos ng imahe na kaniyang nakita.
"April! Ayos ka lang ba?" Lumapit sa kaniya si Ervin nang mapansin ang kaniyang ikinilos.
"Ang mga larawang 'yan," sabi ni April habang itinuro ang dalawang larawang nasa sahig. Dinampot ito ni Ervin at tiningnan.
"Si Ms. Urbano ito, ah. Sino 'tong mga kasama niya?" Sa unang larawan ay makikitang nakatayo si Ms. Urbano katabi ang isang lalaki. Sa pangawala, dalawang babae ang kasama niya sa larawan habang sila'y naka-upo sa mga silya.
"Sila 'yung nakita ko," saad ni April.
"Ervin, malapit na 'tong matapos," anunsiyo ni Vince.
Napaigtad sila nang marinig ang boses ni Bryan. "Guys, pabalik si Ms. Urbano sa TAC. Kapapasok pa lang niya sa elevator sa TAC ground floor."
Dali-daling ibinalik ni Ervin ang mga folders sa kahon pati na ang dalawang larawang hawak. "Vince, natapos mo ba?"
"Oo, hinihintay na lang na matapos ang paggawa ng kopya," sagot ni Vince. Kinuha ni Ervin ang mga kopya at inayos para madaling madala.
Muling nagsalita si Bryan. "Guys, lumabas na kayo diyan."
"Tapos na," saad ni Vince. Kinuha niya ang huling mga kopya at tumakbo sila palabas.
"Nasa 6th floor na siya," natatarantang sambit ni Bryan.
Napahinto silang tatlo nang bumukas ang elevator hindi kalayuan sa kanila.
"Patay na!" tanging naibulalas ni Ervin.
"Humawak kayo sa'kin. Dali!" utos ni Vince sa kanila.
Iniluwa ng elevator si Ms. Urbano. Naglakad ito papunta sa kaniyang opisina at dumaan sa kanilang kinaroroonan. Nagtaka si Ms. Urbano kung bakit hindi naka-lock ang pinto. Tumingin siya sa paligid bago pumasok.
Nang sumara ang pintuan ay nakahinga sila nang maluwag.
"Muntikan na," wika ni April na napahawak sa kaniyang dibdib.
"Tara na. Baka lumabas na ulit siya," saad ni Vince. Tumakbo sila pabalik ng Physics Lab subalit narinig nila ang pagpigil ni Bryan.
"Huwag na kayong bumalik dito. Sa labas na lang kayo maghintay."
__________
BINABASA MO ANG
UNLOCKED: Serum CPH4-1028 (Completed)
Fiksi IlmiahTwelve students having their normal college lives in a university discover something strange within them. This is the hidden ability that rested in the depths of their beings. This brings several changes to their lives and challenges the connection...