Ikatlong Kabanata

84 16 0
                                    

ALEX


Nalunod ako sa emosyon na bumabalot sa buong katawan ko. Wala akong pakialam kung ano ang mangyayari pagkatapos ng pangyayaring ito pero ang naiintindihan ko lang ngayon ay nanalo ang puso ko. At masaya ako ro’n.

Habol hininga kaming kumalas sa aming halikan. Iminulat ko ang mga mata ko at tumitig sa mga mata niyang walang ipinapakitang emosyon na muli na namang lumuluha.

Damang-dama ko yung sakit…

Hinawakan ko ang kaniyang pisngi at pinunasan ang mga luhang dumadaloy rito. Ngumiti ako nang mapait. “Mahal na mahal kita, Kief. Handa akong masaktan at tulungan ka para makalimot sa lahat ng sakit na nararamdaman mo ngayon.” Malungkot na saad ko.

Alam kong nakatatanga, mali, at hangal ang sarili ko sa ngayon. Kahit ‘di ako uminom ng alak ay tila nalasing ako sa pakiramdam dulot ng halikan naming dalawa.

Inilapit niyang muli ang mukha niya sa akin at inangking muli ang labi ko. Napapikit ako nang mariin. Sa pagitan ng halikan namin ay ‘di namin alintana ang mga tao sa barikan na abala sa kani-kanilang ginagawa at parang idinala kami sa isang lugar na kami lamang dalawa ang naroroon.

Kumalas siya sa halikan naming dalawa at isinandal ang kaniyang noo sa aking noo. Pikit mata siyang nagbuntong hininga habang hawak-hawak ang aking magkabilang pisngi gamit ang kaniyang dalawang kamay. Muli siyang tumitig sa akin at malungkot na ngumiti.

“Mahal na mahal din kita… Nicole.” Malungkot niyang saad at ipinatong niya ang kaniyang ulo sa aking kanang balikat. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa kaniyang tinuran.

Akala ko baka ito na yung oras na puwede na kaming magsimula para sa aming dalawa. Pero hanggang akala lang pala ang lahat.

Tangina, ang sakit…

Natigilan ako na parang naging bato sa kinauupuan ko. Marahan kong isinandal ang ulo ko sa kaniyang ulo. Napatulala ako sa kawalan at maya-maya lamang ay tumulo na naman ang mga luha ko. ‘Di ko na pinigilan at hinayaan ko na lang ilabas ang bugso ng nararamdaman ko ngayon.

Sa sitwasyon naming dalawa, mas higit akong nasasaktan. Isa, dahil nakikita ko na namang muli ang mahal ko na nalulugmok dahil iniwan na naman siya ng kasintahan niya. At pangalawa, ako yung palaging nasa tabi niya pero kahit kailan ‘di niya ako nakita. Tulad ngayon, kahit lasing na siya’t lahat-lahat at wala sa katinuan, pangalan pa rin ni Nicole ang sinasambit niya.

Ang suwerte mo, Nicole. Napakasuwerte mo…” Bulong ko sa pagitan ng aking mga hikbi. Nang maramdaman ko ang paggaan ng aking emosyon ay pinunasan ko ang aking luha at ibinaling ang tingin sa kaibigan kong natutulog nang mahimbing buhat ng kaniyang kalasingan.

Napangiti ako nang bahagya. “Sana dumating din yung panahon na makikita mo yung halaga ko sa’yo higit pa sa pagkakaibigan. Mahal na mahal kita higit pa sa iniisip mo. ‘Wag kang mag-alala, kung kailangan mo ako para makalimutan at maibsan ang sakit na nararanasan mo ngayon, handa akong magpagamit at masaktan para sa’yo.” Sambit ko at marahan kong hinalikan ang kaniyang kanang sentido at napapikit ako nang mariin.

Mahal na mahal kita. Mahal na mahal…

Dalawang araw na ang nakalilipas mula noong pangyayaring ‘yon. Pero hanggang ngayon, ‘di ko pa rin makalimutan ang bawat detalye sa mga nangyari sa loob ng barikan.

Napahinga ako nang malalim habang nakahiga’t tulalang nakatitig sa puting kisame ng aking kuwarto. Hanggang ngayon ay dama ko pa rin ang kirot sa puso ko nang marinig ko ang katagang huling sinambit niya.

Dalampasigan (Ethereal: Tim)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon