Unang Kabanata

117 20 3
                                    

ALEX


Maingay ang paligid.

Halo-halo ang tugtog na nagmumula sa pinapatugtog na musika sa loob ng barikan at ang ingay ng mga lasing, nagkakasiyahan at nag-iindakan na mga tao, at ang kalansingan ng mga bote ng alak.

Halo-halo na rin ang naaamoy ko. Amoy mula sa usok ng sigarilyo’t halo-halong amoy ng mga likor na nagmumula sa mesa ng mga umiinom.

Nakahihilo rin ang kombinasyon ng mga ilaw na umiikot-ikot na siyang nagsisilbing liwanag sa kadiliman ng paligid.

Sa pagitan ng aking obserbasyon sa lugar na kinalulugaran ko ay ang pagtatanong ko rin sa sarili ko.

Hindi ko alam kung bakit ako naandito.

Hindi ko rin naman nakasanayan na magpunta sa loob ng barikan sa buong buhay ko.

Pero naandito ako dahil sa kaniya.

Hindi naman ako dapat naandito kung hindi dahil sa katabi ko ngayon…

“Tangina, tititigan mo lang ba ‘yang alak na ‘yan?” Kalabit niya sa akin na nagpabalik sa akin sa katinuan. Nilingon ko siya. Nakangiti siya sa akin pero alam ko na may sakit siyang tinatago sa ngiting ‘yan.

At nasasaktan ako na malaman ‘yon.

… at ang masakit pa ay hindi ako ang dahilan ng sakit na nararamdaman niya ngayon kundi ay ibang tao.

Napangiti ako sa kaniya. “Baliw ka ba? Parang ‘di mo ako kaibigan ha. ‘Di naman ako sanay uminom ng alak.” Tawa ko sa kaniya.

Ibinaling niya ang titig niya sa boteng hawak-hawak niya ngayon.

Pang-ilan na ba niya ‘yan? Pangwalo, pansiyam, o pansampu? Kahit ako ay nawala na rin sa bilang sa dami na ng kaniyang naiinom.

“Masakit pala magmahal ano? ‘Di pa rin pala sapat yung mga ginawa ko.” Aniya ngunit halata mo na basag ang kaniyang boses habang sinasambit niya ang huling pangungusap.

Mahirap para sa akin na makita siyang nagkakaganiyan. Malungkot, umiiyak, at wala sa sarili.

Nais ko lang naman na maging masaya siya, kahit ako ay hindi at patuloy lang na nasasaktan.

Ganoon naman siguro kung mahal mo yung tao, susuportahan mo siya sa mga bagay na magpapasaya sa kaniya.

Kahit ang kalakip nito ay panghabambuhay na hinagpis at pagkikimkim ng lungkot.

Tinapik ko siya sa braso upang kahit papaano ay mapagaan ko ang nararamdaman niya. “Di mo naman kasalanan ‘yon. ‘Di niya lang siguro napapahalagan yung mga ibinibigay mo.” Napangiti ako nang mapait habang nakatitig sa kaniyang mukha.

Nagpapasalamat ako na hindi niya gaano nakita ang reaksyon ko sa aking tinuran. Bukod sa nakatuon ang kaniyang atensyon sa bote, ay madilim at kakaunting ilaw lamang ang tumatama sa aking mukha.

“Tayo na lang kaya?” Sambit niya sabay ng kaniyang paglingon sa gawi ko.

Natigilan ako. Hindi ko inaasahan ang sinabi niya. Parang nanigas ako at pinagpawisan nang malagkit dahil sa narinig ko.

‘Yun naman ang gusto ko ‘di ba?

Binatukan ko siya. “Siraulo ka! Lasing ka na talaga.” Sarkastikong tawa ko sa kaniya. Pero sa loob-loob ko ay parang gustong kumawala ng puso ko sa lakas nang pagtibok nito.

“Aray!” Reklamo niya habang hinihimas ang kaniyang batok at bahagyang natawa sa naging reaksyon ko. Ibinalik niya ang tingin niya sa akin at inakbayan ako. “’Di ka naman mabiro.” Asar niya.

Kahit naman siguro ‘yon yung nais ko, alam ko naman na hanggang biro lang ‘yon. Sadyang pinapagaan niya lang yung atmospera sa pag-uusap namin tungkol sa buhay pag-ibig niya.

Biro lang at kahit kailan ‘di magiging totoo.

“… Siyempre, best friend kita. At ang suwerte ko kaya sa’yo. Mawala na siguro ang lahat, ‘wag lang ikaw.” Ngiti niya.

Best friend.

‘Yun lang talaga ang papel ko sa buhay niya at wala nang hihigit pa ‘ron.

Kaibigan na matatakbuhan kapag kailangan niya ng suporta sa mga liligawan niya.

Kaibigan na mahihingian ng tulong kapag nalulungkot siya o hiniwalayan ng kasintahan niya.

Kaibigan na masasamahan siya sa mga pagkakataon tulad ngayon.

Sa madaling salita, kaibigan lang at wala nang hihigit pa ro’n.

Tinignan ko siya. Tila bumagal ang mga pangyayari na nasa paligid ko at parang napunta kami sa ibang mundo na kami lang ang tao ro’n.

Mahahalata mong lasing na siya dahil namumula na ang kaniyang pisngi at tenga na nasisinagan ng kakaunting ilaw na tumatama sa kaniyang mukha. Pero nang mapatitig ako sa mga mata niya, parang kinausap ako ng kaniyang balintataw na siyang unti-unting pumiga sa puso ko.

Nakikita ko at ramdam ko yung lungkot at sakit na nararanasan niya ngayon.

Napaiwas ako nang tingin at kinagat ko ang labi ko upang pigilan ang nagbabadyang pagtulo ng mga luhang namumuo sa mata ko. “Mahal mo talaga, ano?” Tanong ko sa kaniya. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa may pader at napatingala sa kawalan.

“Sobra…” Pagkasabi niya ay napapikit siya nang mariin. Sa pagpikit niya’y tumulo ang kanina pa niyang pinipigilang mga luha.

Isinandal ko ang ulo ko sa balikat niya at napatitig sa mga ubos na bote sa ibabaw ng mesa namin.

‘Di ko kayang makita siyang nagkakaganiyan. Mas nasasaktan ako para sa kaniya.

Napabuntong hininga ako para maiwasan ang paninikip ng dibdib ko. Naramdaman ko ang pagsandal niya ng kaniyang ulo sa aking ulo. Klarong-klaro ang tunog na nagmumula sa kaniyang pasimpleng hikbi kahit maingay ang mga tao at malakas ang tugtugan na umaalingaw-ngaw sa loob ng barikan.

Napangiti ako nang mapait. “Iiyak mo lang ‘yan para mas lalong gumaan. ‘Wag kang mag-alala, naandito naman ako…”

…palagi.” Sa pagsambit ko sa huling salita ay naramdaman ko ang pagtulo ng mga luha ko sa aking kaliwang pisngi.

Ipagpapatuloy...

---

Dalampasigan (Ethereal: Tim)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon