October 14, 2018; Monday
11:26 PM
Katatapos lang ng 18th birthday celebration ko. Masaya kong minasdan ang sarili ko sa harap ng salamin. Tama si Lola Alisa mukha na nga akong dalaga ngayon. Hindi na ako ang dating batang iyakin.
Kanina pa nag-uwian ang mga bisita ko. Siguro ay tulog na rin si Lola Alisa. Ako naman ay hindi pa rin dalawin ng antok. Siguro ay napasobra ang nakain ko sa chocolate fountain kanina kaya gising na gising pa rin ako.
Nagsasayaw ako habang suot pa rin ang gown ko. Ngayon lang ako pwedeng maging prinsesa kaya naman ay nilulubos ko na. Naisip ko na kung buhay pa rin sina mommy at daddy, ano kaya ang mararamdaman nila kung makikita nila ako ngayon?
Matutuwa kaya sila sa akin? Maipagmamalaki kaya nila ako dahil sa wakas dalaga na ang anak nila? Biglang may kumurot sa puso ko. Namimiss ko na sila.
Maya ay nakaramdam ako ng uhaw. Patay na ang mga ilaw nang lumabas ako sa kwarto ko. Liwanag ng buwan ang sumisilip sa bintana at siyang nagbibigay ng sapat na liwanag sa kabuuan ng bahay. Dahan-dahan akong bumaba sa hagdan.
Tahimik na ang buong paligid, muntik pa akong mapatalon nang lumapat ang talampakan ko sa malamig na sahig. Dumiretso ako sa kusina saka kumuha ng malamig na tubig sa refrigerator.
Hindi ko pa man nauubos ang iniinom ko ay nakarinig ako ng kalabog mula sa sala, kasabay niyon ay ang tinig ni Lola Alisa. Marahan kong tinungo ang kinaroroonan ng ingay ngunit nakagigimbal ang sumalubong sa akin.
"Lola?" halos pabulong kong sabi.
Napamulagat ang mga mata ko. Para bang biglang may dumaloy na kung ano sa sistema ko dahilan upang bumilis ang tibok ng aking puso, ganoon na rin ang pagpintig ng ugat sa utak ko.
Binalot ng kilabot ang aking buong katawan. Natuyong muli ang lalamunan ko. Gusto kong sumigaw pero parang naglaho ang tinig ko. Sa halip ay butil ng luha ang pumatak mula sa mga mata ko.
Nakahandusay sa malamig na sahig ang katawan ni Lola Alisa. Duguan ang kaniyang katawan at may kutsilyo sa tabi niya. Sa 'di kalayuan ay may isang lalaki rin ang duguan. Parehas na walang malay ang dalawa, dilat ang mga mata nila.
Nagulat na lang ako nang may taong yumakap sa akin mula sa likuran ko. Mahigpit nitong tinakpan ang bibig ko at dinala niya ako sa madilim na bahagi ng sala namin. Parehas kaming nagtago sa likod ng kurtinang kulay pula na ngayon ay tila naging itim na. Pilit akong nagpumiglas pero...
"Ililigtas kita, hija. Huwag kang sisigaw o gagalaw man lang."
Labis-labis ang kabang naramdaman ko ngunit hindi ko mawari kung bakit napasunod niya ako. Marahil ay dahil iyon sa marahan niyang boses. Maya't maya ay may naaninag akong dalawang tao na sa tingin ko ay mga kaedad ko lang. Pababa sila ng hagdan. Ang isa ay katamtaman ang tangkad habang ang isa naman ay maskulado ang katawan.
"Arkin, si papa!" bulalas ng isang lalaking sa tingin ko'y nakababata. Patakbo itong bumaba ng hagdan patungo sa lalaking nakahandusay sa sahig.
Bigla akong nakarinig ng ingay ng mga sasakyan sa tapat ng bahay namin.
"Anak ng... naloko na, sibat na tayo!" ani lalaking maskulado wari mo'y nanggaling sa ilalim ng lupa ang boses nito.
"Pero kuya, hindi pa natin nakukuha si Eli."
"Babalikan na lang natin siya. Tara na!"
Mabilis na tumakbo ang dalawang lalaki tungo sa dirty kitchen kung saan naroon ang isa pang pinto sa likod na bahagi ng bahay namin.
Noon lang tila nagkaroon ng lakas ang mga tuhod ko. Mabilis akong tumakbo papunta kay Lola, mahigpit ko siyang niyakap. 'Di ko na mapigilan ang tuloy-tuloy na pagtulo ng mga luha ko. Tila parang sumisikip ang dibdib ko.
"Lola, gumising ka! Huwag mo akong iiwan... Please!" 'Di ko na mapigilan ang sunod sunod na paglandas ng luha ko.
Niyakap ko siya nang mahigpit pero kinilabutan ako nang hindi ko naramdaman ang pintig ng ugat sa pulsuhan ni lola. Nangatog ang katawan ko dahil sa matulis na bagay sa tabi ng kamay niya - isang kutsilyo na nababahiran ng dugo.
Tila may kung anong nag-udyok sa akin na hawakan ang kutsilyo sa likod ng kilabot at takot na nararamdaman ko.
Nabigla ako nang may kung anong init ang dumaloy mula sa kutsilyo tungo sa bawat sistema ng katawan ko. Biglang kumirot ang ulo ko na para bang nabibiyak ito sa dalawa. Maya ay iba't-ibang pangitain ang nakita ko sa aking isipan.
Mabilis na kumalabog ang dibdib ko. Unang imahe ay ang pagharang ni lola sa lalaki. Ang pakikiusap niya rito na huwag kaming sasaktan, na huwag akong sasaktan. Sunod noon ay ang madaming beses na pagsaksak ng kutsilyo sa katawan ni lola.
Bukod sa mga imaheng iyon ay naramdaman ko ang pagiging halang ng kaluluwa ng lalaking pumatay kay lola. Ang pagiging sabik nito na pumatay ng tao. Ang galit nito sa pamilya ko. Nakita ko rin ang imahe ng daddy at ng mommy ko na nakikita ko lamang noon sa mga photo albums.
Nararamdaman ko ang emosyon ng lalaki. Iyon ay pinaghalong poot at galit sa pamilya ko. Ramdam ko ang lalim ng galit niya sa bawat pagsaksak niya kay lola. Pero hindi ko makita ang dahilan ng galit niya.
Napakarami pang mga pangitain ang isa-isang nakita ng isipan ko. Sobrang kirot ng ulo ko't nanginginig ang buong katawan ko sa kilabot hanggang sa nabitawan ko ang kutsilyo.
Nawala ang init na dumadaloy sa sistema ko. Noon ko lang ulit naramdaman ang malamig na hangin na humahampas sa mga kurtina at dumadampi sa balat ko. Noon lang din natapos ang paglabas ng mga pangitain.
Nanlambot ang buong katawan ko at nakaramdam ako ng sobrang pagod. Unti-unting nanlabo ang paningin ko't bumigat ang talukap ng aking mga mata.
Huling nakita ko ay ang pagdalo sa akin ng lalaking sa tingin ko ay ang tumulong sa akin kanina. Sunod noon ay kadiliman ang bumalot sa paligid ko at tuluyan akong nawalan ng malay.
YOU ARE READING
TRIFECTA
FantasyAfter the death of Eli's family, she develops a psychometric skill that she'll use for revenge. ~♥~ When her family were killed, Eleonor looks for the killer. Little did she know that her search will lead her to discovering secrets her parents hid...