🥀ONE-SHOT STORY MAKING CONTEST🥀
"SINO NGA BA SILA?"
Written by: mellowyellow_line"Ang pagkakaibigan ay katulad ng pagkakaroon ng isang kapatid. Ito ay..." tuloy tuloy na sabi ng guro namin.
Sa apat na sulok ng silid, tikom ang aking bibig sa mga ganitong usapan, wala naman kasi akong kaibigan...wala na.
Ang ulo ko ay nakatagilid na s'yang humaharap sa bintana. Mahinhin na simoy ng hangin ang sumasalubong sa aking mukha, tinatangay ang pira-pirasong hibla ng akin buhok. Marahan kong inipit sa likod ng aking tela ang mga takas nito. Habang patuloy sa pagsasalita ang aming guro, patuloy ring inanod sa kung saan ang aking isip.
"Taya!" sabi ng bata sa labas matapos madaplisan ang damit ng kalaro. Noong bata ako gan'yan din ako kasaya. Pero sabi nga ng iba walang bagay sa mundo ang mananatili habang buhay.
Anim na taong gulang ako noong nagsimula akong maging malaya. Sa bawat pasilyo ng eskinita malaya kong nililibot ang mga daan hanggang sisigaw na lang si nanay ng, "Kakain na!" Matapos marinig ay para kaming baliw na mag-uunahan sa pagtakbo ng mga kalaro ko na sina Khim, Nica at Ces.
Labing dalawang taong gulang ako noong nasabi ko sa sarili na wala pala talaga akong kaibigan, wala akong kakampi.
"Tulong! Tulong! Tulong!" naiiyak kong sigaw. Kulong ang boses ko sa palikuran, hindi ako makalabas nakasarado ang pinto. May nagkulong sa akin.
"HAHAHAHA bobo talaga!" Nahihimigan ko ang mga boses nila. Hindi ako makahinga.
Iyak lang ako ng iyak hanggang makalabas ako sa tulong ng janitress namin sa school.
Para akong naging bagong tao, iba ang pananaw kaysa noon. Tinatagan ang sarili at pinilit bumangon. Siguro nga kapag naabuso ka na, mag-iiba ka talaga. Kasi binabalot ka ng takot na baka maulit muli. Maging biktima ka ulit.
"Kring! Kring!" Sabay-sabay sumigla ang paligid parang uyayi sa pandinig ng mga estudyante ang tunong ng maliit na kampana. Nagsisilbing hudyat na maaari na kumain.
Sa alon ng mga tao hindi inaasahang nagkasalubong ang aming mga mata. Mabilis akong nag-iwas tingin, takot na baka mabunyag ang tinatago kong kalungkutan. Sa tingin n'ya nakahanap ako ng kalinga.
Apat na buwan na ang nakakaraan magmula nang may dalawang pares ng mga mata ang nagkasalubong. Naging kaibigan ko s'ya, pati na rin ang akay- akay n'yang maliit na bata.
Sa bawat hakbang namin papasok sa eskwelahan maraming mata ang dumidikit sa kung saan kami pumupunta. Maingay ang matutulis na dilang naglalaban sa paglalabas ng mga punyal na salitamg diretso ang tarak sa puso ng biktima. At ang masakit kaibigan ko ang biktima.
Takip ilong, kumukurbang labi papataas, mahihinang bulungan, pumapatay na tingin. Lahat ng iyan ay sumasalubong sa amin. Hindi ako naging mapanghusga pero bakit kailangan kung makatanggap ng ganito. Kaibigan ko sila, nasa iisang eskwelahan lang kami. Pero bakit ganito? Hindi ko magawang masanay kasi alam kong hindi mali ang maging kaibigan sila. Tunay sila, hindi ko kailangan ng kung anong kaibigan kung hindi rin tunay.
"Pffffft yikes anong amoy 'yon?"
"Amoy lupa HAHAHAHAAHA!"
"Girls! Alcohol please!"Matuloy ang pagtatagisan ng mga matutulis na dila. Patuloy rin kami sa paglalakad, ngunit sa ibaba ang tingin ng mga mata nilang sagana na sa tubig.
Pilit kong pinapagaan ang kalooban nila. Matapos maglakad sa dagat-dagatang apoy ng panghuhusga, dinala kami ng aming mga paa sa likod ng eskwelahan. Kalat ang mga bote, lata, plastik at iba pa. Maraming tuyong mga dahon ng saging, umupo ako sa mamamatay ng bangko. Inilabas ang baon at hinati sa tatlong plastik labo. Inabot ko sa kanila ang dalawa habang pilit kong nginiti ang labi.
"Salamat, apo ha," sabi n'ya.
Habang kumakain ilang kaluskos ang nahagip ng aking tainga. Isang malakas na halakhak ang bumulalas.
"Kadiri naman kayo! Really sa dumpsite talaga ng school kayo kakain," ligayang ligaya na sambit ni Khimlyn, kaibigan ko...dati. Kasama n'ya rin si Nica at Ces na pare-parehong may hawak na selpon sa isang kamay habang ang isa nama'y nakatakip sa nakadapa nilang ilong. Binibidyuhan nila ang mga pangyayari.
Sa paglabas nila natigil kami sa pagkain.
"Nako ano ba naman, Mylane?! Makikipagkaibigan ka na lang sa lola pa na may kasamang pulubi, nakakahiya namang naging magkaibigan tayo," sarkastiko nilang bulalas.
"Pasensya na apo," marahang sabi ni Linda, si lola. Nakayuko ito at nakatingin sa balat niyang kinulubot na ng panahon. Nakayuko rin si Kitty habang kitang-kita ang uling sa kabila nitong pisngi, ngumunguya pa rin ito ngunit mabagal.
Tiningnan ko ang sarili, wala naman kaming pinagkaiba. Hindi rin naman ako perpekto at 'yun ang mahalaga ang tanggap mo kung sino at ano ka. Inipon ko ang mga salitamg minsan na tumakas mula sa akin.
"Gano'n naman 'di ba? Ang pagiging magkaibigan ay walang halong panghuhusga, walang pinipilin edad, walang pinipiling estado, walang halong maitim na intensiyon. At sa kanila ko lang nakita 'yon!" Giit ko. Nasa iisang lugar lang kami, naiisang paaralan lang kami pero iba ng layunin sa pagpunta, ako para matuto at sila para mangalakal.
Gulat silang napatingin sa akin. Gulat din akong napatingin sa kanila. Biglang sumilay ang ngiti sa labi ng aking guro.
"'Yan ang pagkakaibigan!" Pagtapos n'ya sa tinuturo n'ya kanina. Tunay ngang unanod ang isip ko kanina, sino nga ba si Linda at Kitty?
#Kudos
#WRA_OneShot
#WRA32ndMonthsary
BINABASA MO ANG
One-Shot Story Making Contest (32nd Monthsary)
ContoWattpad Royal Academy 32nd Monthsary Celebration: One-Shot Story Making Contest Entries held last June 16, 2020