Sa madilim na daan mo natagpuan. Babaeng di mo mawari ang pagkakakilanlan. Lungkot makikita kapag siya ay iyong pinagmasdan.
Tila kay bigat ng kanyang pinapasan.Siya ay iyong nilapitan at hinagkan pinaramdam na sa mga bisig mo ay hindi na siya mawawala pa.
Hinatak mo siya palabas sa madilim na daan na kanyang naging tahanan sa mahabang panahon.
Bumungad sainyong dalawa ang liwanag, tila siya ay nasilaw sa unang pagkakataon.Tinulungan mo siyang imulat ang kanyang mga mata upang makita ang panibagong pag-asa.
Nagtiwala siya at hinayaan ka, binigay lahat ng kanyang makakaya.
Sinuko ang mga bagay na alam niyang iyong kailangan.
Tila nalimutan niya ang dilim at sinalubong ng buong puso ang liwanag.Ngunit sadyang ang lahat ng bagay ay may hangganan.
Iniwan mo siya sa isang pagsubok na mag-isa niyang nilabanan.
Pagsubok na buong tapang niyang hinarap na walang kasamang umalalay.
Sa unang pagkakataon naging matatag siya para sakanyang sarili, pinangako na lalabanan ang pagsubok at babalik sa bisig mo ng buong puso.Ngunit habang lumalaban ay unti unti siyang nawawalan ng lakas dahil sa mga sugat na kanyang nakuha.
Na hindi niya ininda sa mahabang panahon na ngayon ay kumirot at kailangan na ng lunas.
Ang mga sugat na kanyang tinakpan ay unti unti ng bumubuka at lumalabas ang katas.
Katas ng kamandag ng masalimoot niyang pakikidigma na ang tangi niyang sandata ay ang iyong pag-ibig na wala ng kasiguraduhan.Siya ay nabigo sa pakikidigma gumapang pabalik sa kanyang tahanan.
Sa madilim na lugar na walang makakapanakit sakanya.
Binakuran ang daan upang walang sinuman ang makakita sakanya.
Pinangako niya sa sarili na hindi na muli magtitiwala sa mga darating na ibabalik siya sa liwanag, dahil ang tunay niyang tahanan ay ang kadiliman.~Binibining Shazny~
