Valerina's POV
Pauwi na ako ng bahay habang pasan-pasan ang napakabigat na kalungkutang nararamdaman ko. Nakakapanlumo ang mga kaganapan ngayong araw. Parang ang hirap-hirap para sa akin ang magkaroon ng tahimik na buhay.
Isinuot ko parin ang damit ko kahit ang kalahati nito ay halos nasunog na, halos kita na rin ang damit kong panloob. Patuloy parin akong naglalakad sa kalsada pauwi ng bahay namin at pinagtitinginan na ako ng mga tao rito. May mga natutuwa pa dahil sa gusgusin kong istura. Kanina parin namamaga ang braso kong may malaking sugat at ukit dahil sa ginawa ni Moniqua.
Nagtatakipan pa ng mga ilong ang mga taong nakakasalubong ko dahil sa mabahong amoy na nagmumula sa katawan ko.
Dire-diretso lang ako at nang makarating ako sa bahay namin ay pumasok din agad ako. Napansin kong walang tao sa bahay kaya dumiretso ako kaagad sa banyo. Hinubad ang uniporme at binilisan ang pagligo. Nilinis ko na rin ang mga sugat na mayroon ako sa ulo at sa braso.
Matapos ay lumabas ako sa tapat ng pintuan namin at doon ko tinuluyan ang pagsunog ko sa damit. Ayokong makita pa ito ng mga magulang ko. Ayoko silang magtanong. Ayokong tanungin pa nila ako kung kumusta na ang araw ko. At higit sa lahat, ayokong malaman nila ang tungkol sa akin at kay Moniqua. Hindi ko alam kung saan na kami pupulutin kapag nagkaroon ng gulo ang pamilya ko at ang pamilya Escalante lalo pa't alam akong hindi namin sila kaya.
Mabilis kong nilinis at itinapon ang damit na sinunog ko. Mukhang simula ngayon ay kailangan ko nang maglaba araw-araw ng damit dahil iisa nalang itong natira sa akin.
Nagtungo ako sa sulok ng bahay kung saan ginawa kong pansariling silid. Kinuha ko ang mini diary ko sa ilalim ng banig na hinihigaan ko. Natipuhan kong magbasa. Pero sa bawat pahina ng maliit na libro na ito, iisa lang ang emosyon. Iisa klase ng kalungkutang araw-araw walang pinagbabago.
Dito ko pala naikekwento ang miserable kong buhay kay Moniqua at sa mga kaibigan niya. Nakakatawa man isipin na dito ako sa diary humihingi ng tulong. Tulong na kailanman hindi ko makakamtan dahil ako lang din naman ang nakakabasa rito.
Hindi ko napansing tumutulo na pala ang mga luha ko. Mukhang ganitong buhay nalang talaga ang itinadhana sa akin. Kung magkakaroon man ako ng panibagong buhay, pipiliin ko nalang ang tahimik at maayos na pamumuhay kahit wala akong malalaking salapi na hawak.
Binuklat ko ang sumunod na pahina ng diary ko nang may pumuslit na litrato at maliit na pendant, na siyang nakapagpangiti sa akin.
Isang litrato nung ako'y sanggol pa lamang. Ngunit punit ito at parang nahati ito sa dalawa dahil nakatitiyak akong may kasama ako sa litrato, may nakikita akong paa ng isa pang sanggol.
Tiyak rin ako na nasa akin ang kaliwang bahagi ng litrato, kitang-kita ang nakaukit na pangalan ko sa maliit na pendant na nakatusok sa mga maninipis na telang suot ko. At ngayon ay hawak-hawak ko rin.
Ang mga ito na lamang ang nagsisilbing alaala ko nung bata ako. Hindi ko man alam kung saan ako nanggaling pero sa ngayo'y hindi na ako interesadong malaman pa.
Napatigil ako sa mga iniisip ko ng biglang nagbukas ang pinto.
Dumating na sila mama.
"Ma" tipid kong sabi saka inakap ng napakahigpit si mama. Gayon din ang aking ama. Kahit sa mga ganitong paraan, nanunumbalik ang kasiyahan ko. Ganitong simpleng bagay nalang ang nagpapawala ng mga problema ko.
"Anong meron at nanlalambing ang anak ko?" pabirong sabi ni Papa. Pero hindi ako nagsasalita, sinusulit ko lang ang ganitong bagay.
"Anong nangyari sa ulo mo?" tanong sa akin ni mama nang hawakan niya ang ulo ko.