Valerina's POV
Nalulunod.
Nahihirapang huminga.
Wala akong makita sa paligid ko at tanging ang liwanag ng buwan sa itaas lamang ang namamasdan ko. Iisa lang ang natitiyak ko, naririto ako sa napakalalim na katubigang hindi ako makaahon.
Pinipilit kong umangat pero hindi ako marunong lumangoy, bukod pa rito ay hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Gustuhin ko mang sumigaw pero hindi na kaya ng mahina kong katawan. Lumulubog lang ako ng lumulubog.
Unti-unti na akong nahihirapang huminga, lumalabo na rin ang mga paningin ko. Lingid sa kaalaman ko na ganito na pala ang magiging dulo ng lahat.
Mukha ito na nga ang kahihinatnan ko.
Sa sandaling nababatid ko nang malapit na akong lagutan ng hininga, muli kong nasilayan ang buwan na parang bang nagpapaalam na sa akin.
Sa wakas ay makakamtan ko na ang panghabang-buhay na katahimikan. Tuluyan ko nang ipinikit ang mga mata ko,
at napangiti.
*
Napadilat ako at naghabol ng napakalalim na hininga na para bang nakitilan ako ng buhay! Napaupo ako sa pagkakahiga dahil sa gulat. Nagising ako sa reyalidad at napagtantong panaginip lang pala, napabuntong-hininga ako dahil sa masamang bangungot na 'yun. Basang-basa nang kinapa ko ang suot-suot ko paring uniporme, pati na rin ang hinihigaa--
Sandali, hindi 'to ang higaan ko?
Nilibot ko ang mga mata ko ngunit hindi pamilyar sa akin kung nasaan ako. Nakaupo ako sa malambot na kama at nasa loob ng napakalaking silid.
"Nasaan ako?" bulong ko sa sarili ko. Bakas sa mga mukha ko ang pagtataka habang tinitignan ko ang paligid. Hanggang sa makakita ako ng pamilyar na mukha sa picture frame na nasa mesang katabi ng kamang hinihigaan ko. Tinignan ko ang litrato at nakita ko si Mr. Phum na kasama ang siguro ay asawa at anak niya. Nasa bahay ba niya ako?
Agad akong tumungo sa pintuan pero hindi ko mabuksan. Pinaghahampas ko pa ang pinto upang makarinig ng ingay pero wala akong marinig mula sa labas. Hindi ko alam kung may tao rito o wala.
"Tulong!! May tao ba diyan?!" malakas kong sinisigaw sa kwarto kahit hindi ko alam kung dapat ba akong mag-ingay para malaman nilang gising na ako. Sumilip ako sa bintana, nagbabasakaling pwede kong labasan o takasan pero masyado itong mataas kung tatalunin ko. Wala pa rin akong nagawa kung hindi mambulabog sa loob ng silid na'to. Patuloy pa rin akong naghahampas ng pinto at nagsisisigaw.
Ano pa bang pwede kong gawin dito? Nilibot ko muli ang paningin ko at nakita ko sa isang sulok ang bag ko. Tama! Ang telepono ko! Agad akong tumungo at hinahanap sa bag ang telepono para humingi ng tulong ngunit sa kasamaang palad, hindi ko ito makita. Nanginginig akong naghahanap sa bag habang nagsisimula na naman akong pagpawisan. Tinanggal ko na ang lahat ng gamit na mayroon ako sa bag pero wala talaga, hindi ko talaga makita.