CHAPTER 6: THE CONFIDANT

27 7 22
                                    

Valerina's POV

Naiinis na talaga ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung saan ba ako huhugot ng lakas ng loob para sabihin lahat ng mga problema. Ang hina ko, ang hina-hina ko talaga. 

"Val, saan ka ba nanggaling? Kagabi pa kami naghihintay ng tatay mo sayo? Papa mo nga lang ang pumasok ngayon para may maghintay sayo dito" mahinahon na sinabi ni mama habang yakap-yakap ko parin siya.

Tinanggal ko ang sarili ko sa pagkakayakap at tumingin sa mukha ni mama.

"Ma, kailangan ko lang muna magpahinga" malungkot ko namang sinabi. "Medyo mabigat lang 'yung mga gawain ko sa eskwelahan ko ma, pero ayos lang ako"

"Nak, kung may problema ka andito lang kami ha" saka hinimas ni mama ang buhok ko. Ma, gustuhin ko man magsumbong pero nauunahan na ako ng takot. Alam kong may pagbabanta si Mr. Phum sa kanila pero hindi ko alam kung paniniwalaan ko iyon o pananakot lang ba niya sa akin. Pero dahil hindi ako sigurado, kaligtasan parin ng mga magulang ko ang prayoridad ko. 

Hindi rin ako magaling mag-isip ng paraan para makatakas sa mga problema ko sa buhay, siguro kamatayan ko nalang talaga. Nakakabahala man isipin pero totoo naman hindi ba? Kung kinakailangan ko lamang ng permanenteng pahinga, hindi na ako magdadalawang-isip kung hindi magpakamatay na lang. Pero may mga magulang akong malulungkot, alam ko kung gaano kaimportante ang anak sa kanila dahil minsan na silang hindi makabuo.

Tumango lang ako kay mama at ngumiti. Dumiretso na ako sa maliit na silid ko sa sulok ng bahay at kinuha ang maliit na diary sa ilalim ng banig na nakalatag. 

Natipuhan ko muling magsulat, ito nalang talaga ang takbuhan ng mga mahihina ang loob tulad ko. Umaasang kapag nahanap ko na ang lakas ng loob, ay maipapabasa ko na rin ito sa iba. Inilabas ko ang mga kinahitnanan ko sa mga lumipas na araw, mabuti na lang sa pagsusulat ko na ito ay may kalayaan akong isulat at isipin kung paano sana ako lumaban sa mga nangharas sa akin. 

Matapos kong magsulat ay itinuloy ko na ang pagpahinga ko. Humiga na may pangingilid na mga luha sa aking mga mata.

*

Isang linggo ang lumipas at napagdesisyunan kong hindi muna pumasok sa eskwelahan. Alam kong nangangamba ako sa sarili ko dahil marami akong hahabulin na gawain at mga aralin, pero ano nga bang magagawa ko? Hindi ko muna kayang humarap sa mga tao lalo na sa mga guro ko sa eskwelahan. 

Makapagpahinga manlang ako sa lahat ng bagay kahit sa maikling panahon. Kahit pilitin kong pumasok sa eskwelahan ay ayaw ng katawan ko.

Kung anu-ano na ang mga dinahilan ko sa mga magulang ko rito. Tutal bukod sa magaling ako sa pag-aaral ko, magaling din ako sa pagsisinungaling. Sa totoo naman ang pagsisinungaling ang bumubuhay parin sa akin ngayon, dahil maaring matagal na akong nalagay sa mas alanganin kung hindi ko gagawin ito.

Mag-isa ako ngayon dito sa bahay. Biyernes at may pasok sana ngunit andito lang ako sa loob. Hindi ko parin maiwasan matulala sa kahit anong parte ng bahay ng walang dahilan. Siguro ay nandito parin ang trauma at takot na siyang nakakapagpawala ng gana sa akin. 

"Val?!!" 

Napahinto ako sa pagliligpit ng tinanghalian ko nang makarinig ako ng sigaw mula sa labas ng bahay. Tinignan ko kung sino ang taong 'yun at nakita ko si Krist na nakasuot ng jersey, siguro ay nanggaling pa'to sa basketball practice.

"Krist? Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya at pinapasok sa loob ng bahay.

"Ilan beses na kitang tinatawagan, hindi ka sumasagot. Hindi na rin kitang nakikitang pumapasok, may nangyari ba?"

Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa biglaang mga tanong niya. 

Nagbuntong-hininga na lang ako at sinabing "Nagpapahinga lang ako, Krist."

I Am ValerinaWhere stories live. Discover now