SANA ganito na lamang tayo," wika ni Maximilliano nang kumalas na ang mga labi namin. Nanatili pa rin kaming magkayakap habang ang mga noo namin ay magkalapat.
Hindi ko naman magawang tumugon sa kaniya dahil gusto ko lang damhin ang init ng katawan niyang lumulukob sa akin habang nakababad kami sa malamig na tubig. Marahang tumitilamsik sa amin ang tubig na nagmumula sa talon kaya bukod sa yakap niya, ang tubig rin ay nagdudulot ng kiliti sa akin.
Hindi pa rin nawawala sa isip ko ang nangyaring pagpapapili ni Don Paciano kay Maximilliano. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang naging desisyon niya. Kaya ngayon ay mas gusto ko munang sulitin ang nalalabing oras sa aming dalawa.
"Aking Loi..." narinig kong sabi ni Maximilliano, dahilan para matauhan ako at mapalingon sa kaniya.
"Gusto mo na bang umahon?" tanong ko pero umiling siya at ngumiti nang tipid.
"Mukhang may malalim kang iniisip," saad niya pero umiling lang ako at sumandal sa balikat niya. Hindi ako sigurado kung alam ba niya na narinig ko ang alitan nila ni Don Marcelo noong nakaraan kaya hindi niya mabuksan-buksan sa akin ang usapin na iyon.
Hindi ko rin alam kung handa ba ako na marinig mula sa kaniya ang naging desisyon niya. Ansakit kasing isipin na ang parehas na pagpipilian niya ay pawang mahirap tanggapin. Kung magbabalik siya sa katungkulan niya ay sa Mayo na ang muli naming pagkikita, at sa Mayo na rin ang balik ko sa panahon ko.
Kung pipiliin naman niya na manatili sa akin, sa oras na matanggalan siya ng katungkulan ay ipapaputol ni Don Paciano ang ugnayan namin at ipapakasal siya kay Fontana, mabibigo ako sa misyon na ito.
"Maaari mong sabihin sa akin ang dinadala mo," wika niya kaya umalis ako mula sa pagkakaunan sa balikat niya at deretsong tumingin sa kaniya tsaka ngumiti.
"Gusto ko lang damhin ang paligid habang kayakap ka," pagsisinungaling ko. Hindi ko alam kung bakit sa likod ng relasyon namin ay hindi pa ako handang sabihin sa kaniya ang mga dinadala ko.
Hindi pa rin ako handang ipaubaya ang mga problema ko. Marahil ay ayaw ko lamang na madamay siya sa bigat ng pinagdaraanan ko. Alam ko naman na may problema rin siyang kinakaharap. Ayaw ko lamang na dumagdag pa ako.
"Aking nababasa sa iyong mga mata na may bumabagabag sa iyo," wika niya at ang isang kamay niya ay humaplos sa pisgi ko. Umiling ako at tumawa upang itago ang nararamdaman ko. Pero nanatili lang siyang seryosong nakatingin sa akin at bakas ang pag-aalala sa kaniyang mga mata. Napatahimik na lamang ako at huminga nang malalim.
"Wala ito, gusto ko lang talagang damhin ang katahimikan," saad ko at ngumiti nang tipid. Muli akong umunan sa balikat niya at ipinikit ko ang mga mata ko.
"Ilang beses ko pa bang dapat sabihin sa iyo na kailanman ay hinding-hindi mo magagawang ikubli mula sa akin ang iyong tunay na nararamdaman," wika niya kaya nagawa kong higpitan ang pagkakayakap sa kaniya.
"Huwag mo na akong alalahanin. Ayaw kong dumagdag pa sa inaalala mo. Ayokong magpabigat sa iyo dahil kaya ko naman itong sarilihin," tugon ko at hinaplos niya nang marahan ang likuran ko.
"Hindi naman lingid sa iyo na mahal kita nang labis. Hindi ba?" tanong niya at tumango ako. "Mahal na mahal kita. May namamagitan sa atin. At higit pa roon ay magiging kabiyak na kita kapag lumaon," sunud-sunod niyang sabi at tango lang ang nagawa ko bilang tugon sa kaniya. "Kung mahal mo ako, dapat pagkatiwalaan mo rin ako," dugtong pa niya kaya napapikit ako nang mariin. Sa ginagawa kong pagtatago ng damdamin ko sa kaniya ay lumalabas pa tuloy na hindi ko siya pinagkakatiwalaan.
Naramdaman ko ang sakit na nararamdaman niya ngayon, dahil sino ba naman ang hindi masasaktan kung ang sarili mong nobya na mahal na mahal mo ay hindi ka magawang pagkatiwalaan?
BINABASA MO ANG
Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803
Fiksi SejarahEloisa, a tomboy from the present has to travel in time to 19th century in order to save Marikit from the death caused by Maximilliano, a playboy heartbreaker of his time. *** General Maximilliano Abueva is a high-ranking soldier way back 1803. With...