Chapter 24.1

26 6 27
                                    

THIRD PERSON POV

"Pre, pwede paabot no'n?" sabay turo ni Luther sa popcorn na nasa lamesa na malapit kay Kevin. Tahimik itong kinuha ni Kevin bago bumalik sa kaniyang pwesto para iabot ito sa kaniya.

Pareho silang nakaupo sa sofa habang nanonood ng  The Death Cure. Linggo ngayon at naisipang tumambay ni Luther sa bahay ni Kevin. Sinabi niyang gusto niyang manood ng palabas na 'to at pumayag si Kevin dahil wala rin siyang gaanong gagawin. Pero hindi talaga ito ang rason ni Luther. Sa katunayan, gusto niyang banggitin ang tungkol sa pagpunta ni Evangeline sa airport ngayong araw na mismong ibinalita ng dalaga noong nasa bar sila.

Pasulyap-sulyap si Luther kay Kevin na abala sa panonood habang umiinom ng coke. Paminsan-minsan ay tinitingnan niya rin ang oras at binabantayan ang pagpatak ng ala-dos ng hapon. 3 PM kasi ang flight ni Evangeline at halos isang oras ang kailangang gugulin kung magmumula sila sa bahay ni Kevin papunta sa mismong  airport.

"1:30 PM na pala," pagpaparinig ni Luther at patagong tiningnan ang reaksyon ng binata. Nadismaya siya nang hindi siya pinansin at tutok na tutok pa rin ito sa panonood na parang walang ibang gagawin ngayon araw.

"Pre, anong oras niya?" Kinalabit niya si Kevin.

"Akala ko ba 1:30 PM na?" kunot-noong tanong ni Kevin nang hindi inaalis ang tingin sa telebisyon.

"Ah, sabi ko nga," patango-tangong saad ni Luther at kumuha ulit ng popcorn.

"Pre, alam mo--"

"'Wag kang maingay, malapit na 'tong matapos," sita ni Kevin kaya napatingin din si Luther sa telebisyon. Hindi niya namalayan na patapos na ang pelikula dahil nakatuon ang atensyon niya sa mga kilos ni Kevin at sa oras. Napabuga na lamang ng hangin si Luther at muling tiningnan ang relo.

"Pero alam niya kaya yung balita kay Evangeline o hindi?  Nagmamaang-maang lang kaya siya o hindi niya talaga alam?" sa isip-isip ni Luther.

Kumain nang kumain ng popcorn si Luther hanggang sa matapos ang palabas. Nawalan na kasi siya ng interes sa panonood dahil sa pagkadismaya kay Kevin.

"Akala ko ba gusto mong manood nito? Bakit hindi ka nanood?" nagtatakang tanong ni Kevin at bumaling kay Luther.

"Pre, alam mo na ba yung balita kay Evangeline?" walang paligoy-ligoy niyang tanong at tumingin sa binata. Nakita niya ang bahagyang pagkunot ng noo nito.

"Hindi," tipid na sagot ni Kevin at kinuha ang popcorn na hawak ni Luther para iligpit.

"Pupun--"

"Pero wala akong paki," pagputol nito sa sasabihin ni Luther. Tumayo na ito at niligpit ang mga kalat sa ibabaw ng lamesa na nasa tapat nila. Puno ito ng iba't ibang lalagyan ng pitsel at mga pagkaing kinain nila kanina.

"Sabi ni Evangeline, pupunta raw ulit siyang airport. At 3 PM ang flight niya," pagpapatuloy ni Luther habang nakaupo sa sofa. Saglit na napahinto sa ginagawa si Kevin dahil sa kaniyang narinig.

"Babalik ulit siya sa Cebu?" tanong nito kahit na nakatalikod. 

"Akala ko ba wala kang paki?" usisa ni Luther at bahagyang napangiti. Ngunit agad din itong napawi nang samaan siya ng tingin ni Kevin. 

"Umalis ka na rito," biglang saad ni Kevin na ikinagulat niya. Tumayo si Luther at hinarap siya.

"Ha? Baki--?"

"Sabi ko, umalis ka na!" Nagitla ang binata sa biglang pagsigaw ni Kevin. Bakas sa mukha niya ang pagkadismaya sa inasta ng itinuturing niyang kaibigan.

"Bakit ka ba nagkakaganiyan, pre? Masaya ka naman dati, ah," tanong nito, "noong kayo pa ni Evangeline."

"Hindi mo ba ako narinig?!" gigil na tanong ni Kevin kaya napabuga nalang ng hangin si Luther sa inis na nararamdaman. Pinulot niya ang kaniyang mga gamit na nakalagay sa gilid ng sofa.

"Hindi na nakakatuwa 'yang inasal mo. Hindi dahil iniwan ka ni Evangeline, hindi ka niya mahal. Dapat mong alamin ang rason niya. Naiintindihan ko kung nasasaktan ka o naguguluhan ka pa rin sa ngayon, pero sana matuto kang harapin siya." Napasabunot ng buhok si Kevin dahil sa matinding frustration.

"Ano bang alam mo?!" galit niyang tanong kay Luther habang nakatingin sa mga mata nito.

"Alam kong nasasaktan si Evangeline," huling sinabi ni Luther bago siya lumabas ng bahay. Napaupo si Kevin sa sofa at ipinatong ang kaniyang braso sa tuhod at nag-isip.

'Matagal akong naghintay kay Evangeline. Hindi pa ba sapat 'yon? Sinabi nilang tatlo na intindihin ko siya. Sinubukan ko namang alamin ang rason niya pero hindi niya ito sinabi nang buo. Kasalanan ko ba kung nahihirapan akong intindihin ang nararamdaman niya?' 

Katulad ng taglamig na nagaganap bago matapos ang taon, malapit na rin ang oras para magdesisyon si Kevin base sa mga nangyari sa kaniya mula pa noong mga nakaraang buwan. Ngunit sa kasamaang palad, hindi niya pa rin alam ang kaniyang gagawin.

Humiga siya sa sofa at ipinikit ang mga mata. Ipinatong niya ang kaniyang braso sa kaniyang noo at nagbalak na matulog. Hindi pa man siya tuluyang nakakaidlip, tumunog ang phone niyang nakapatong sa ibabaw ng lamesa.

Tinatamad na umupo si Kevin para kunin ang phone at tingnan ang caller id. Walang pangalan at numero lang ang nakalagay. Pero kahit ganoon, sigurado siya na kay Evangeline ito galing dahil kabisado niya pa rin ang numero nito. Nagdalawang-isip siya kung sasagutin niya ba ang tawag o hindi. Sa huli, napagpasiyahan niyang sagutin na lamang ito.

"Anong kailangan mo?" bungad niya at sinuklay ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri.

"Kev, may--"

"It's Kevin," malamig niyang saad. Bahagya niyang narinig ang pagsinghap ng dalaga.

"Sorry, nasanay ako,"  halos pabulong na sabi ni Evangeline, "Kevin, pupunta akong airport ngayon."

"O tapos? Anong gusto mong gawin ko??" pabalang niyang tanong at umupo sa sofa na nasa likod niya.

"Mahal kita, Kevin." Halos mabitawan ni Kevin ang kaniyang phone dahil sa sobrang pagkabigla. Hindi niya ito inasahan. At buhat noong maghiwalay sila, ito yata ang kauna-unahang beses na tumibok nang ganoon kabilis ang puso niya. Ilang segundo siyang natigilan at hindi nakapagsalita.

"Kevin--"

"Mali ka yata nang natawagan," mabilis na saad ni Kevin at ibinaba ang tawag. Hinawakan niya ang kaniyang dibdib at pinakiramdaman ito, hindi pa rin nagbabago ang bilis ng tibok ng puso niya. Tuluyan nang nagising ang diwa niya kaya bumangon siya. 

Awtomatiko niyang hinanap ang isang pangalan sa phone na madalas niyang tawagan nitong mga nakaraang araw. Nang makita niya ito, agad niya itong tinawagan. Inilapit niya ang phone sa kaniyang tainga at naghintay nang ilang segundo bago sumagot ang tinatawagan niya.

"Love, pwede ba tayong magkita?"

***

Amidst the Season (Symbol #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon