Prologue

81 10 20
                                    

KEVIN LORENZO

Malamig ang panahon pero nanatili pa rin akong nakaupo sa balkonahe ng aking bahay. Wala itong bubong kaya kitang-kita ko ang makulimlim at maulap na kalangitan. Senyales ito na anumang oras ay magbabadya na naman ang malakas na ulan. Hindi ko inalintana ang malakas na ihip ng hangin na nanunuot sa balat ko. Maaari naman akong magsuot ng jacket o anumang balabal pero mas pinili kong damhin ang lamig dulot ng hangin.

Napasinghap ako nang maramdaman ang maliliit na butil ng tubig mula sa kalangitan.

Ulan.

Kailan ba ako huling naligo sa ulan? Kailan ko ba hinayaan ang sarili kong mabasa ng ulan?

Halu-halong emosyon ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Maraming alaala ang pumapasok sa aking isipan kahit na pilit ko itong iwinawaksi. Maraming katanungan akong hinahanapan ng kasagutan ngunit laging nabibigo.

Ngunit aanhin ko ba ang mga alaalang ito kung hindi ko na kasama yung taong nagmamay-ari nito?

Unti-unting dumami ang patak ng mga tubig mula sa kalangitan. Sinalo ko ang ilan sa mga ito gamit ang aking mga palad at mapait na ngumiti. Nakakamangha, tulad ito ng patak ng luha galing sa mata ng taong nasasaktan o sobrang nasisiyahan.

Kung iisipin, dalawa ang simbolismo ulan. Ang una, magandang senyales at muling pagsilang. Ang ikalawa naman, sumisimbolo sa kalungkutang dinaranas ng isang tao.

Sa bawat pagpatak ng ulan, pabigat nang pabigat ang nararamdaman ko. Tila isang susi ang panahong ito upang maalala ko ang nakaraang pilit kong kinalimutan. At kasabay ng pagbuhos ng ulan, lumabas ang tunay na emosyong matagal ko nang ibinaon sa aking puso.

Kinuyom ko ang aking kamao nang maalala pangakong binitawan niya noong maulang gabing iyon, ilang buwan na ang nakalipas.

"Babalik ako," aniya at blangkong tumitig sa mga mata ko. Dalawang salita lamang ito ngunit napaguho nito ang mundo ko. Dalawang salita lamang pero tumagos ito sa puso ko hanggang sa puntong hindi ko na nakayanan ang sakit.

"Marami pang iba." Iyan ang itinatak ko sa aking isipan. Ginawa ko ang lahat sa pag-aakalang kaya ko siyang kalimutan. Napangiti ako nang mapait habang inaalala ang maamo niyang mukha na minsang nagpasaya sa akin.

Akala ko tuluyan ko na siyang nakalimutan. Akala ko kaya ko na ulit na magpatuloy sa aking buhay. Hindi ko alam na darating pala ang araw na siya na naman ang magiging laman ng aking puso't isipan. At ang lahat na ito ay sa pamamagitan ng ulan.

Amidst the Season (Symbol #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon