KEVIN LORENZO
"Please, kuya. 'Wag ka munang umalis." Pagkarinig ko sa sinabi niya, mas lalo kong ginustong umalis sa lugar na ito. Bukod sa hindi ko kilala yung babaeng nagsalita, wala rin akong balak alagaan siya kung sakaling maglasing siya ngayon.
Hindi ko siya pinansin at nagsimula na akong maglakad palayo. Pero hindi pa man ako nakakailang hakbang, narinig ko ang malakas na hikbi ng babae kaya napatigil ako at napamura.
Kinamot ko ang aking ulo at naiinis na bumalik sa upuan ko kanina.
"What do you want?" puno ng pagtitimpi kong tanong.
"Siya," walang pag-aatubiling sagot niya at nilagok ang alak na nasa hawak niyang baso. Siya??
"Kung siya naman pala, bakit ayaw mo akong paalisin?"
"Kasi wala na siya."
"Ha?" naguguluhan kong tanong. Hindi naman siya mukhang lasing pero parang may tama na siya. But again, I have no time to entertain her problem. I also have a heart that needs to be fixed.
"Ikaw lang naman yung pwede. Kahit kasi tawagin ko siya at hindi paalisin, hindi naman siya pupunta." Bakas sa itsura niya ang labis na kalungkutang nadarama. Napatingin siya sa akin at sumasalamin sa mga mata niya ang nararamdaman ko ngayon. Unti-unting nanikip ang dibdib ko dahil naramdaman ko ulit ang emosyong pinilit kong itago sa paglipas ng panahon.
"Ah..." ani ko at akmang tatayo ulit para magpahangin sa labas pero muli siyang nagsalita.
"Ikaw? Bakit ka nandito?" usisa niya.
"Pake mo?" pabalang kong sagot.
"Ang sungit mo naman, kuya. Buti na lang hiniwalayan ka ng girlfriend mo." Biglang nanlaki ang mga mata ko at kumabog ang puso ko dahil sa sinabi niya. Lalo ring nanikip ang dibdib ko dahil naalala ko na naman ang nangyari noong gabing iyon.
"A-Alam mo?" halos pabulong kong sabi na tila tinakasan ng kaluluwa at naestatwa na sa kinatatayuan.
"Ahh," patango-tango niyang sabi at inilapit ang upuan niya sa akin.
"So, nag-break talaga kayo ng girlfriend mo? Saan? Kailan?" nakangisi niyang tanong. Fvck, nanghula lang pala siya!
Hindi ko siya pinansin at um-order nalang ulit ako ng alak para pakalmahin ang sarili.
"Nakipag-break si Anthony sa akin, two weeks ago," pagkukwento niya kahit wala akong pakielam at bigla akong kinalabit. Tiningnan ko lang siya bago muling tumingin sa bartender habang hinihintay yung order ko.
"Ikaw, kuya? Kailan kayo naghiwalay?"
"Kuyaaa," pangungulit niya kaya lalo akong nainis.
"Kuyaaaaa--"
"ALMOST FOUR YEARS AGO, OKAY?!!" pagsigaw ko at marahas na tumayo. Halatang nagulat ang mga tao sa loob ng bar dahil napatingin sila sa akin. Sinamaan ko ng tingin ang babaeng nasa harap ko pero nag-peace sign lang siya at nahihiyang ngumiti. Badtrip.
Maya-maya'y hinila niya ang laylayan ng suot kong damit at pinaupo ulit ako. Bumuntong hininga ako at umupong muli. Sa totoo lang, napakarami kong rason para umalis pero hindi ko alam kung bakit pinili ko pa ring umupo at makipag-usap sa kaniya.
"Apat na taon na pala pero bakit nandyan ka pa?" mahinang tanong niya at inilapit ang mukha sa akin.
"Ha?"
"Bakit nandyan ka pa sa kinatatayuan mo? Bakit parang hindi ka pa rin nakakalimot? Ganiyan ba lahat ng mga taong nakarananas ng break up?" sunud-sunod niyang tanong.
"Kung minahal mo nang sobra, oo." Maski ako, nagulat sa sagot ko. Ito na yata ang pinakamatino kong sinabi sa kaniya buhat kanina. Hindi ko alam kung bakit ko siya sinagot gayong naiinis ako sa kaniya.
"Ahh. Ganiyan din kaya ako...?" patanog-tango niyang sabi at lalong bumakas sa mga mata niya ang lungkot.
Maya-maya'y parang may naisip siya dahil tumingin siya sa akin at pinanliitan ako ng mata, "so, minahal mo siya NANG SOBRA?"
Nginisian niya pa ako. Bipolar yata 'tong babaeng 'to.
Kinuyom ko ang kamao ko at huminga nang malalim upang pigilan ang sariling kong manuntok ng tao o bagay na makita ko.
"Wala ka bang ibang magawang matino?" inis kong sambit at iniwas ang tingin. Sa halip, tinitigan ko na lamang ang baso ng alak na ibinigay ng bartender kani-kanina lang.
"Sorry naman, malungkot lang talaga ako ngayon. Ayoko namang tawagin ang mga kaibigan ko dahil paniguradong magagalit sila sa akin."
"Bakit naman?" Napalingon ako sa kaniya. Kaibigan?
"Interesado ka ba kuya?" I glared at her. Fvck, I shouldn't stay with this crazy woman.
"Joke lang, kuya. Ito naman, 'di mabiro, " aniya at mahinang tumawa kahit halata namang maskara lang iyon para itago ang tunay niyang nararamdaman. Parang ako.
"Kasi tutol sila sa aming dalawa, mukha raw siyang manloloko. Pero ako naman si tanga, ipinagpatuloy ko pa rin kasi mahal ko siya. Pero nahuli ko siya noong isang araw na niloloko niya lang ako."
"Ang tanga mo," komento ko. Parang ako.
"Oo, alam ko! 'Di mo na kailangang ulitin." Kumurap-kurap siya habang nakatingin sa akin. Maya-maya'y umiwas siya nang tingin. Nakita ko pang may tumulong luha sa mga mata niya. Parang ganiyan din ako.
Agad niya itong pinunasan gamit ang panyong binigay ko kanina at nahihiyang humarap sa akin.
"A-Ano ba naman 'to. N-Napuwing ako," aniya at tumingala. "A-At bibilhan kita ng b-bagong panyo-- Ang sakit talagaaa." Dumukdok siya sa lamesa at narinig ko ang mga hikbi niya. Inaamin ko, naiintindihan ko ang nararamdaman niya.
"Ilang taon din yung hihintayin ko, kuya, para makalimot? Para mapatawad ko siya?" naiiyak niyang sabi at tumingin sa akin.
"Alam kong hindi mo pa siya nakalimutan pero napatawad mo na ba siya? Ikaw ba yung iniwan kaya hindi ka rin makalimot?" dagdag niya.
"K-Kuya... sumagot ka, please..."
Nanatili lang akong nakatitig sa kaniya. Dahil sa totoo lang... hindi ko rin alam ang sagot.
"Mauuna na ako," paalam ko at inubos ang alak bago tumayo. Naglabas din ako ng pera mula sa pitaka at ipinatong ito sa lamesa.
Dahan-dahan siyang tumango habang nakasimangot.
"Salamat sa oras, kuya. At pasensiya na sa abala." Tumalikod na ako at nagsimula nang maglakad palayo. Hindi na rin ako nag-abala pang lumingon at sumagot sa kaniya.
"Sa susunod nating magkikita, sana sagutin mo yung tanong ko," pahabol niyang sabi.
Dahil sa sinabi niya, hindi ko mapigilang mapaisip.
Evangeline... paano nga ba tayo umabot sa ganito?
***
BINABASA MO ANG
Amidst the Season (Symbol #1)
Teen FictionKevin Lorenzo, a secretive but faithful man, has to go through his worst in order to to live his best days with the woman he chose to be with. (07/16/2020-01/15/2021)