THIRD PERSON'S POV
"Mom, kailan po ulit kayo aalis?" tanong ni Evangeline habang nakaupo sa kama at nakayakap sa kaniyang ina na si Celeste. Ilang araw na ang nakalipas buhat noong sinundo siya ng mag-ama sa airport. Ito ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagpunta ni Kevin sa bahay nila.
"Sa susunod na linggo, anak." Tumango ang dalaga sa sagot niya at waring hindi maipinta ang mukha. Maya-maya pa'y nahulog na siya sa malalim na pag-iisip.
"Anak, sigurado ka ba sa desisyon mo?" mahinahong tanong nito at tiningnan ang kaniyang anak sa mga mata. Seryoso ang mukha ni Evangeline ngunit bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot at takot na nararamdaman. Nais mang tanungin ni Celeste kung ayos lang ang kaniyang anak ay hindi niya magawa dahil alam naman niya ang sagot sa tanong na ito.
Makalipas ang ilang segundo, dahan-dahang bumukas ang pinto at nasilayan nila si Erik, ang ama ni Evangeline. Umiwas ng tingin si Evangeline dahil sa takot na baka pagalitan siya ng kaniyang ama dahil sa kaniyang desisyon.
Tumingin si Erik kay Celeste at bumulong.
"Mag-usap tayo mamaya," ito ang namutawi sa labi niya bago muling lumabas.
Huminga nang malalim si Celeste at mahinang binanggit ang pangalan ni Evangeline. Naramdaman niyang lalong humigpit ang yakap nito sa kaniya. Makahulugang tumingin si Celeste sa kaniyang anak at hinaplos ang kaniyang buhok upang pakalmahin."M-mom, magiging ayos lang po ang lahat, 'di ba?" mahina niyang bulong at tumingin na parang naghihintay ng magandang sagot mula sa kaniyang ina. Ramdam na ramdam niya ang takot at kaba dahil sa mga kakaibang naiisip. Marahil ay dala ito ng mga natunghayan niya kahapon, bago siya umuwi ng bahay.
Sa tuwing naaalala niya ang nasaksihan, hindi niya mapigilang masaktan at mainis.
'Siguro nga'y hindi iyon totoo. Baka nabulag lang din ako...' sa isip-isip niya.
Kinabukasan, balak muling makipagkita ni Evangeline kay Kevin dahil sa isang napakahalagang rason. Nais niyang linawin ang lahat. At sa pagkakataong ito, handa niyang bitawan ang lahat dahil sa kaniyang nararamdaman.
Ilang minuto siyang naghintay sa parke sa tapat ng paaralan kung saan siya nagtapos ng kolehiyo. Nilibot niya ang kaniyang paningin at inalala ang ilang mga mahahalagang pangyayari sa lugar na ito niya kasama si Kevin. Hindi niya maiwasang mapangiti at kasabay nito ang pagbuntong hininga dahil sa kaniyang iniisip. Hinawakan niya nang mahigpit ang strap ng shoulder bag niya at upang pakalmahin ang sarili.
Saglit din siyang pumikit habang nagmumuni-muni tungkol sa magiging desisyon niya.
"Evangeline," hingal na pagtawag ng isang lalaking nakasuot ng simpleng damit at pantalon, si Kevin. Napamulat siya at nang makita niya ang kaniyang kasintahan. Muling kumabog ang kaniyang dibdib at muli siyang binalot ng pangamba.
"Kanina ka pa ba nandito? Pasensiya na, biglaan kasi ang pagtawag mo kaya hindi ako agad nakapaghanda," paliwanag nito at inilabas ang kaniyang panyo para punasan ang mga pawis na tumatagaktak mula sa kaniyang noo. Nagmadali kasi siyang pumunta dito. Tumakbo lang siya dahil medyo malapit lang naman ito sa kaniyang bahay.
"Hindi naman," matipid na sagot ni Evangeline at pinaupo si Kevin sa tabi niya.
"May problema ba?" tanong nito at humarap kay Evangeline para tingnan siya sa mga mata. Napaiwas naman siya ng tingin.
BINABASA MO ANG
Amidst the Season (Symbol #1)
Teen FictionKevin Lorenzo, a secretive but faithful man, has to go through his worst in order to to live his best days with the woman he chose to be with. (07/16/2020-01/15/2021)