♠️
--- PART SEVEN ---
▪ MAY 15, 2020 | 12:50AM -- 3:00AM
NAKATALI si Jr sa loob ng isang silid. Kulay puti ang pader na siyang pinapaligiran nito. Binaboy ito, maraming nakasulat na 'di maintindihan at may mga lamat na rin ito. Isang ilaw na nasa itaas ng ulo niya ang kaisa-isang nagsisilbing liwanag sa silid na ito. Nakaluhod siya sa gitna habang nakatali ang dalawa niyang kamay gamit ang lubid na nakatali sa pinakataas sa sulok. Nakayuko ito, walang malay, marahil ay natutulog. Wala itong saplot pang-itaas. Maraming mga butil ng pawis ang sabay-sabay na umaagos sa kaniyang balat maging sa kaniyang mukhang binalutan ng natuyong dugo. Sugat-sugat din ang kaniyang balikat, kaliwang pisngi at sa maraming parte ng kaniyang katawan. Tinanggal ang kaniyang polo na binigay sa kaniya ni Jhunraye na nakalapag lang sa kaniyang likuran.
Nasa harapan niya ang isang pamilyar na lalaki. Nakaupo sa isang puting upuan, nakaupong-siyete habang hinihimas-himas ang baba at kalahating nakasara ang talukap ng mga mata. Kinakabisa niya at pilit iniisip ang mga nangyayari kanina sa concert. Umiling-iling ito nang marahan at mapaklang ngumiti.
Maya-maya'y may pumasok sa silid mula sa kaniyang likuran sa kanan. Agad siyang napatingin at napatayo. "Siya ba 'yon? Si Jr?" bungad ng isang lalaki matapos iluwa ng pintuan kasama ang dalawa niyang kaibigan. "Opo, pareng Servino," mabilisang sagot ng lalaking kaharap niya. "Sige na, kami nang bahala rito, pareng Marvin, salamat sa kooperasyon niyo," seryosong tugon ni Servino. Agad na umalis si Marvin sa silid at isinara ang pintuan.
Nakahalukipkip si Servino habang namamasdan ang hugis-bote na katawan nito. Walang pinagbago sa kaniyang suot. Kung gaano katalim ang titig ni Servino kay Jr, mas nakakakaba pa rin ang kalahating mukha nitong sunog. Habang nakatayo naman sa kaniyang kanan si Rizo, ang kanilang drummer---napakaganda ng hugis ng kaniyang katawan habang nakasuot ng puting sando na pinatungan ng itim na tsaleko at tinernohan ng maong na kulay bughaw---at si Guino, isang gitarista sa baho na nakatayo katabi ng pintuan. Medyo mataba si Guino, nakasuot siya ng itim na sando at kulay kayumangging maong.
"Pre," wika ni Servino kay Rizo at ngumuso kay Jr. Mabilis namang tumungo si Rizo at ginising si Jr sa pamamagitan ng paghampas nito sa kaniyang katawan nang paulit-ulit.
Taliwas ang talukap ng mga mata ni Jr pagkagising, para bang naalimpungatan ito. Nang magkaroon na ng malay si Jr, lumingon siya sa paligid at napakunot ng noo. Matapos n'on, tumingin siya kay Servino na nasa harapan niya. Nagpakawala siya ng maraming hangin at yumuko.
"Pre," tugon ni Servino kay Rizo at agad naman nitong inangat ang ulo ni Jr. Lumapit pa nang kaunti si Servino at hinawakan ang buhok nito, tiningala upang tumapat sa kaniyang mukha. Namuo ang galit ni Servino nang masilayan niya ang mukha ni Jr kaya mabilis niya itong sinapak sa tiyan na nagpasigaw kay Jr sa sakit.
"Alam niyo ba kung sino ang pinatay niyo? Ha?!" sigaw ni Servino sa kaniya at pinisil ang panga nito. "Wala akong alam--"
"Manahimik ka!" buong lakas na sigaw ni Servino at kinalas ang kaniyang mga kamay sa ulo ni Jr at tumalikod. "Tangina ka, pre..." mahinang sambit ni Servino at hinawakan ang kaniyang noo. Lumanghap ng maraming hangin si Servino at mabilis na pinakawala. Tumingin ito kay Rizo. "Pre, alam mo na ang gagawin sa hayop na 'yan," punong-puno ng galit na sinabi ni Servino ngunit pilit niya pa rin itong tinitimpi. Agad siyang umupo sa upuang nasa tapat ni Jr nang simulan na ni Rizo ang kaniyang tungkulin.
"Nasaan ang barkada mo?! Ha?!" marahas na tanong ni Rizo habang sinasakal nito ang leeg ni Jr gamit ang lubid. "Nasaan? Nasaan?! Sabihin mo! Nasaan!" gigil na gigil na sigaw ni Rizo at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakasakal gamit ang lubid. Napapikit at napatingala si Jr sa sobrang sakit. Napabuga siya ng napakaraming hangin nang wala sa oras. "Na-nasa Tinajeros sila-argh!" hirap na hirap na tugon ni Jr at bahagyang lumuluwag ang higpit ng lubid sa kaniyang leeg. Mas lalong nagalit si Rizo dahil sa hindi pagsasabi ng totoo ni Jr. "Ayaw mong magsabi ng totoo, ah..." galit na galit na wika ni Rizo at kinuha ang dos por dos na kahoy sa sulok.
BINABASA MO ANG
J Brothers: Rat-life || ★
Mystery / Thriller...Tagu-taguan maliwanag ang buwan pagbilang kong tatlo nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo... At dahil nga sa isang hindi inaasahang pangyayari matapos ang kasiyahan, nalagay sila sa isang peligrong hindi naman dapat nilang pagdaanan ni pagsisihan...