♠
--- PART ONE ---
▪ MAY 14, 2020 | 8:00PM -- 8:35PM
HUMINTO ang dyip sa tapat ng isang restawran nang pumara ang dalaga. Nakasuot ito ng kulay lilang t-shirt at tinernohan ng kulay itim na leggings. Dahil do'n kumalas muna si Joshua at Jhunraye sa pagkakahawak sa nguso ng dyip at tumayo muna sa daan. Nang makababa na ang dalaga, bigla niyang sinagi si Joshua sa kaliwang balikat nito kaya naman napalingon siya sa dalaga. "Ate, ayos lang po ba kayo?" tanong niya rito ngunit walang imik, dumiretso lang ito sa restawrant. "Pre, angkas na," wika ni Jhunraye at humawak na ulit sila sa bakal na nasa nguso ng dyip. Humarurot na ang dyip at bumalik na sa normal ang lahat.
"Pre, parang mananapak 'yung mukha ng babae kanina," bulong ni Joshua kay Jhunraye. "O, kalma ka lang, babae lang 'yon. Madilim na kasi, baka 'di ka lang niya nakita," tugon ni Jhunraye at tumango-tango na lang si Joshua.
"Anong oras na?" walang ganang tanong ni Jasper at lumingon kay Jr. "8:06, pre," tugon naman ni Jr matapos tumingin sa kaniyang selpon. Tumango na lang si Jasper at napagpasyahang tumingin sa bintana. "Bakit parang walang gaganaping concert?" tanong ni Jessa kay Jr. "Bakit? Anong ibig mong sabihin?"
"Kasi parang wala man lang tayong kasabay na nakaporma," sabi ni Jessa. "Parang lahat yata ng pasahero rito, pauwi na ng bahay nila, e," hininaan ni Jessa at binulong kay Jr. "Ewan, baka 'pag nandoon na, baka maingay na, syempre," tugon naman ni Jr. Tumango na lamang si Jessa at tumingin sa bintana na nasa harapan ng tsuper. "Malapit na ba tayo?" tanong ni Jessa kay Jr. "Oo, malapit na 'yan." Kumunot ang noo ni Jessa dahil hindi ito naniniwala. "Basta kapag may intersection na, malapit na 'yon do'n," sagot ni Jr habang nakatingin sa bintana na nasa harapan ng tsuper. "Para po," sigaw ng lalaki kaya napahinto ang dyip. Huminto ito sa tapat ng isang gusali, nakasuot ang binata ng kulay berdeng damit at kulay bughaw na maong na kaparehas ng grupo ng kalalakihan sa tapat ng gusali. "Ang dami nila, 'no?" komento ni Jessa nang makita ang kalalakihan. "Mas okay na'ng 'unti basta tunay," tanging tugon na lamang ni Jr. "Tama 'yan, pre," singit ni Joshua at itinaas ang dalawang kilay habang nakangiti.
Ilang minuto na ang lumipas at lumagpas na nga ang dyip sa intersection at huminto sa tawiran. Mabilis na bumaba ang lima at tumawid nang mabilis dahil kaunting oras na lang ang natitira at uusad na ang mga sasakyan.
"Ito ba 'yon? Mas maganda pa 'to kaysa sa Malabon's People Park, e!" sigaw ni Jessa. Natawa na lang si Jasper at si Jhunraye. "Ang ganda rin ng fountains, o, iba-iba ang kulay!" sigaw ni Jasper na hangang-hanga sa sumasayaw na tubig.
Habang naglalakad, makikita sa kanilang harapan ang napakaganda at napalaking pangalan ng Valenzuela. Nasa likod naman n'on ang fountain na sumasayaw sa gitna ng parke at nag-iiba-iba pa ang kulay. Napakalaki ng lugar na ito, nasa kaliwang bahagi ang madadamong bahagi na hinaharangan ng pader na hugis-bilog o pakurba. Habang nasa kanang bahagi naman ang daan patungong Amphitheatre---kung saan gaganapin ang concert---at daan patungong maliit na Zoo at palaruan.
Nanguna si Jr dahil siya ang nakakaalam ng daanan. Tumungo sila sa kanang bahagi at tumungo sa Amphitheatre ngunit natagalan dahil halos pati hagdan ay nagsisiksikan ang mga tao. Hindi nila alam kung bakit may mga ibang tao na pare-parehas ang suot. "Pre, bakit may magkakaparehas ng kulay ng suot dito?" tanong ni Jasper habang nasa gitna ng siksikan sa hagdan. Halos nagtutulakan na sila at nagsisigawan na akala mo hindi makakapasok kapag hindi nag-unahan. "Ewan, e. Ayos na 'yon, may mga bughaw naman mga suot natin, e," tugon ni Jhunraye. Karamihan sa mga dumalo ay nakasuot ng t-shirt na tinernohan ng suspenders at maong na kulay bughaw. Kakaunti lang ang nakasuot ng polo at shorts.
BINABASA MO ANG
J Brothers: Rat-life || ★
Misterio / Suspenso...Tagu-taguan maliwanag ang buwan pagbilang kong tatlo nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo... At dahil nga sa isang hindi inaasahang pangyayari matapos ang kasiyahan, nalagay sila sa isang peligrong hindi naman dapat nilang pagdaanan ni pagsisihan...